PART TWO: ARCHIE (LIHIM NA NINGAS)

44 1 0
                                    

KABADO si Archie sa laro niya ngayon ng basketball. Pakiramdam niya ay wala sa kondisyon ang katawan niya kahit na buhos sa panahon ang ginawa niyang pag-e-ensayo nang nakaraan linggo kasama ang mga ka-team niya para sa larong ito. Agad siyang nakaramdam ng paninigas ng kalamnan sa may binti at hita pero pinipilit niyang huwag na lang indain para hindi mapahiya sa mga ka-team. Bigatin pa naman ang mga katunggali ng Falcon Crest team ngayon: Ang Python Stag ng North Samaritan College na siyang tumalo sa kanila nung nakaraang dalawang taon. Ginaganap ang laro ngayon sa Onesimus Arena na homecourt ng North Samaritan College.

Kanina pa hindi maipinta ang mukha niya sa pagkainis dahil napakadalang niyang makalusot ng bola sa goal kumpara sa mga nakalipas niyang laro. Na ultimong free throw lang ay hindi pa niya magawa. Mas nakadagdag pa sa inis niya imbis na makabawas ang eksaheradong pag-a-asikaso sa kanya ni Cyndi sa tuwing umuupo siya sa team bench nila. Panay ang lapit nito sa kanya kahit pinagsasabihan na ng coach nila na dumistansiya muna. Pupunasan nito ng bimpo ang nangingintab sa pawis niyang mukha at leeg habang tinatanong kung may nararamdaman ba siyang masakit sa katawan niya. Minsan naman ay aabutan siya ng Gatorade at saka siya kukusutin sa buhok.

"Babe, I know you can do better than that. Galingan mo, ha? Pakitaan mo sila." Pabulong na sasabihin ni Cyndi sa tainga niya.

Agad namang ilalayo ni Archie ang mukha niya kay Cyndi, hindi dahil nakikiliti siya sa pagbulong nito sa kanyang tainga kungdi naaasiwa siya.

Sa sobrang pagkainis, nang minsan humingi ng time out ang coach nila at binibigyan ang Team Falcon Crest ng estratehiya kung paano tatalunin ang kalabang team gamit ang pentel pen at miniature white board ay lumapit sa kanya si Cyndi na may dala-dalang hotdog sandwich at soda. Hindi na napigilang tarayan ito ni Archie.

"Kainin mo na lang. Hindi ako gutom." Halatang nagtitimpi na lang si Archie.

Agad napasimangot si Cyndi at padabog na umalis sa harap niya. Napansin naman iyon ng coach at mga ka-team niya dahil natigil ang diskusyon at lahat ay nakatingin sa kanya at sa papalayong si Cyndi.

"Huwag n'yo na lang pansinin 'yon. Ituloy n'yo na, Coach." Paglilihis ng pansin ni Archie sa naging eksena nila ni Cyndi.

Ang hindi alam ni Archie, dahil napahiya at napuno na rin dahil sa pambabalewala niya, napagdiskitahan ni Cyndi ang pagkaing inaalok niya kanina kay Archie. Agad itong naghanap ng malapit na basurahan at pabatong itinapon duon ang dala-dalang hotdog sandwich at soda.

Natatawa naman sa kanya ang kaibigan niyang lesbian na si Riz nang bumalik siya sa puwesto niya sa may bleachers. Mabuti na lang ay naisipan niyang isama ito kung hindi mag-isa siyang maghihimutok.

"Masyado ka kasing nagpapaka-martir sa star player mong boyfriend." Nakangising sabi ni Riz habang lumalapit si Cyndi.

"I hate him!" Nanggagalaiting sabi ni Cyndi nang tabihan ang kaibigan. "I'm just trying to be supportive kasi nga nakikita ko na he's already having a bad day. And then this is what I get from him!?"

Tinapik na lang ni Riz si Cyndi sa may balikat. Baka kasi pag nagsalita pa siya ay madamay pa siya sa pagka-inis nito kay Archie.

Ang hindi alam marahil ni Cyndi, kaya hindi maayos ang paglalaro ng kasintahan ay hindi lang dahil wala sa kundisyon ang katawan nito. Ang totoong rason ay kinakabahan ito sa paglalaro dahil sa unang pagkakataon, napapayag niya si Nadine na manuod ng laro nila.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon