NAGLALAKAD si Nadine kasama naman ngayon ang ka-date na si Charles sa pasilyo papunta sa condo unit ng Tito George niya.
"Ano, Nadine? Payag ka na? Can I sleep over?" Nakangiting tanong ni Charles na may dala-dala pang six pack ng Pale Pilsen habang sinasabayan sa paglalakad si Nadine.
"Depende sa tito ko. Pag pumayag siya, di okay! Pero kung hindi, eh di sa place mo na lang natin ubusin 'yang six pack na binili mo." Sabi naman ni Nadine.
"Hindi nga puwede du'n. Kukulitin ako nina Mom and Dad. Saka du'n nagbabakasyon ngayon 'yung Tito ko at family niya. Masyadong magulo. Wala tayong privacy." Pagdadahilan naman ni Charles.
Tinaasan na siya ng kilay ni Nadine. "Ang daming reasons, ha? Pag-isipan na lang natin 'yan mamaya pag ayaw ng tito ko, okay?" Sagot ng dalaga nang nasa tapat na sila ng sadyang condo unit.
Isang pindot pa lang sa buzzer ni Nadine ay bumukas agad ang pintuan ng unit. Makikita ng dalawa si George na nakatayo sa pintuan at seryosong-seryoso ang mukha.
"Tito George, si Charles pala. Schoolmate ko sa Saint Therese. Gusto sana niyang mag-hang out dito sa condo, kung puwede?" Nakangiting paalam ni Nadine sa kasama.
"Join kayo sa amin, Tito." Itinaas nito ang dalang six-pack. "I could order more kung kulang ito."
"Sorry, honey. I don't drink beer eh." Tanggi ni George.
Parang napahiyang ibinaba ni Charles ang dalang six pack na beer.
Kay Nadine naman ngayon bumaling si George. "Nadine, I don't think having your friend stay over here tonight is such a good idea."
"Bakit naman, tito?" tanong ni Nadine na halatang nasaktan sa tinuran ng tito niya.
Iniawang maigi ni George ang pinto ng condo at gulat na gulat si Nadine makita ang Mama niyang si Mildred na nakaupo sa living room area ng condo habang kausap si Luke na karga-karga naman sa hita nito ang alagang Pomeranian na si Queenie.
Natigil si Mildred sa pag-inom ng softdrink nang makita si Nadine sa pinto kasama ang ka-date niya.
Nang makabawi sa pagkagulat, tumalim agad ang mukha ni Nadine at hinawakan ang kamay ng ka-date. "Lika na, Charles! Sa ibang lugar na lang tayo mag-chill." At kaagad na hinila ni Nadine si Charles palayo.
Naalarma agad si Mildred sa inaksyon ni Nadine at kaagad itong humabol sa dalawa. Napasunod na rin sina George at Luke. Maging ang Pomeranian na si Queenie ay hindi nagpaiwan.
"Nadine, hintay sandali." Tawag ni Mildred nang maabutan si Nadine sabay hawak sa isang kamay nito. Pero marahas na inagaw ni Nadine ang kamay niya mula sa hawak ni Mildred.
"Bakit mo ba ako sinusundan? Ano bang gusto mo?" Parang bulkan na sasabog si Nadine.
Tuluyan nang naguhulan si Mildred sa inaasal ng anak. "Mama mo ako, Nadine. Natural lang na mag-alala ako sa mga nababalitaan ko..."
Pinutol ni Nadine ang iba pang sasabihin ng Mama niya at pumasok ang realisasyon. "So, alam mo na rin pala 'yung tungkol du'n sa video ko. Ano namang big deal du'n? Lahat naman ng tao pinagdadaanan ang sex."
Napaatras si Mildred hindi lamang dahil sa tahasang pagsagot sa kanya ni Nadine kungdi dahil hindi ito nahihiyang banggitin ang salitang 'sex'.
"Ang laki ng ipinagbago mo mula nung umalis ka sa bahay. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa 'yo, hindi kita papayagang umalis." Napatingin pa si Mildred kay George na parang nag-aakusa.
Halatang nasaktan si George sa di tuwirang paninisi sa kanya ni Mildred kaya gumanti din siya ng tingin dito.
"Kahit naman hindi mo ako pinayagang sumama kay Tito George, gagawa pa rin ako ng paraan para makaalis." Pagmamatigas pa rin ni Nadine.
"Eto ba ang gusto mo, Nadine? 'Yung pinag-uusapan ka ng mga tao? Ang sumama sa kung sinu-sinong mga lalake? Ang ipagamit ang katawan mo? Hindi ka na nahiya sa Diyos!" Pagpaparunggit na sagot ni Mildred.
"Huwag n'yo nang gamitin sa akin ang Diyos, Mama. Hindi na 'yan uubra sa akin. Saka ano'ng pakialam ko sa sasabihin ng iba tungkol sa akin? Mas gusto ko 'yung ganito. 'Yung hindi nagpapadikta sa opinyon ng kahit sino at nagagawa ko lahat ng gusto ko!" Pagkatapos niyon ay hinawakan ulit ni Nadine ang kamay ni Charles at walang lingon-lingon na naglakad sila palayo.
Sapo ang dibdib na hindi napigilang umiyak ni Mildred saka may galit sa mga matang binalingan niya ulit si George.
"Ano'ng ginawa mo sa anak ko, George? Ipinagkatiwala ko sa 'yo si Nadine pero pinabayaan mo siyang magkagano'n!" May pang-aakusa na sa tinig ni Mildred.
"'Wag ka ngang maging unfair, Ate! Ako ang dapat nagtatanong sa 'yo kung bakit nagrerebelde si Nadine. Masyado mo kasing hinihigpitan kaya lalong lumayo ang loob niya sa 'yo!" Palaban na sagot ni George.
"Ako pa talaga ang sasabihan mo na nagkulang bilang nanay? Kung hindi dahil sa pangungunsinti mo sa mga kapritso ng anak ko..."Nanginginig sa galit si Mildred habang nagsasalita na susugod pa sana palapit kay George pero agad na humarang si Luke sa dalawa.
"Mildred, with all due respect, please drop the debate. It will not solve anything. You'll end up hurling hateful words you would regret saying later on. Better go home and get some rest. Maybe you'll think clearer after that." At kinalong na ni Luke si Queenie at niyaya na rin si George na pumasok na sa condo unit nila.
Naiwan si Mildred sa pasilyo na tulalang naiiyak sa kinalabasan ng pagkikita nila ng anak niya.
BINABASA MO ANG
Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)
RomanceLihim na itinatangi ni Nadine ang popular heartthrob na college jock at star basketball player sa school nila na si Archie. Ngunit meron nang nobya si Archie, ang equally popular na student babe na si Cyndi. Pero hindi lang iyon ang problema ni Nadi...