NANGYARI ang Halloween Ball Biyernes ng gabi at walang pasok si Nadine kinabukasan. Pero dahil sa mga nangyari sa party kahit anong pilit niya ay hindi dinalaw ng antok si Nadine. Balisa siya buong magdamag kakaisip kay Archie. Kaya maaga siyang nagising Sabado ng umaga at nagtungo sa maliit na lanai sa kanilang bahay. Bumalik na si Nadine sa poder ng Mama niya matapos nilang mag-usap sa condo ng Tito George niya. At masasabing malaki ang naging improvements ng kanilang relasyon bilang mag-ina.
Kuntento si Nadine sa panunuod sa bubuyog na palipat-lipat ng mga dinadapuan sa mga nakapasong bulaklak sa paligid ng lanai nang lapitan siya ni Mildred na may dala-dalang mainit na tasa.
"Chamomile tea." Sabi ni Mildred habang nilalapag ang tasa ng tsaa sa mesitang nasa harap ng inuupuang hammock chair ni Nadine. "Para ma-relax ka at alam kong hindi ka masyadong nakatulog kagabi." Naikuwento na rin ni Nadine sa Mama niya ang nangyari sa unibersidad.
Kaagad ginagap ni Nadine ang mainit na tsaa at dahan-dahan itong ininom. Tinanong din ni Mildred si Nadine kagabi kung gusto ba nitong magsampa ng kaso laban kay Gio pero ayaw ni Nadine. Mas concerned siya sa kalagayan ni Archie at ayaw niyang magkaroon ng kahit katiting na ugnayan pa sa taong nagtangkang manakit sa kanya.
"May balita ka na ba du'n sa..." naghagilap si Mildred ng pinakaangkop na salitang puwedeng ituring kay Archie, "kaibigan mo?"
Tumingin muna si Nadine sa mukha ng ina saka mahinang umiling. Halata sa mukha ang bigat sa dibdib na dinadala.
"Sinubukan mo bang i-text 'yung mga kaibigan niya o kaya siya mismo?" Suhestiyon ni Mildred habang sumasandal sa pasamano katabi ng mga nakapasong bulaklak.
"Nag-send ako ng message sa kanila sa Facebook, Mama. Pati na rin kay Archie pero hindi pa sila nagre-reply. Ayoko namang basta na lang tumawag. Baka maistorbo ko yung dalaw ng family niya." Sabi naman ni Nadine.
Saglit na tumahimik si Mildred saka ulit nagtanong, "Pero alam mo kung saang ospital siya dinala?"
"Sa St. Luke's po sa Taguig." Maagap na sagot ni Nadine. Parang may natutunugan siya sa pagtatanong ng ina. "Bakit n'yo natanong?"
"Well, halata naman kasi na gusto mo talagang malaman ang lagay ng kaibigan mo. Naisip ko lang, ba't di mo na lang siya bisitahin?"
Nanlaki ang mga mata ni Nadine sa narinig na sinabi ni Mildred.
"We could take the car to go visit him." Diretsang pagyayaya na ni Mildred.
"Talaga, Mama?" Hindi na maikaila ni Nadine na sobrang natuwa sa sinabi ng Mama niya.
"Kelan ba naman ako nagbiro sa 'yo?" Nakangiting tanong naman ni Mildred.
Sa sobrang tuwa ay tumayo si Nadine sa inuupuang hammock chair at niyakap si Mildred. Nasisiyahang tumugon din ng yakap si Mildred sa anak.
"Isama natin si Reema, Mama. Puwede ba?" Nakangiting hinging paumanhin ni Nadine.
"Of course." Payag agad si Mildred. "Mag-ready ka na. Check ko lang 'yung kotse kung enough pa 'yung gas niya para sa lakad natin."
"Sige, Mama. Mabilis lang akong mag-aayos at magbibihis." At halos tumakbo si Nadine papasok ng bahay. Nakalimutan na may iniinom pa pala siyang tsaa.
Si Mildred na lang ang dumapot sa iniwang inumin ni Nadine at humigop sa laman ng tasa habang natutuwang hinabol ng tingin ang nagmamadaling kilos ng dalaga niya.
BINABASA MO ANG
Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)
RomanceLihim na itinatangi ni Nadine ang popular heartthrob na college jock at star basketball player sa school nila na si Archie. Ngunit meron nang nobya si Archie, ang equally popular na student babe na si Cyndi. Pero hindi lang iyon ang problema ni Nadi...