MALAKAS ang kaba sa dibdib ni Nadine habang papasok sa venue ng laro ng Falcon Crest at Python Stag sa Onesimus Arena ng North Samaritan College. Rinig na mula pa lang sa ticket booth kung saan sinu-surrender nila ni Reema ang ticket pass nila ang hiyawan ng mga taong nasa loob na ng Arena.
Napansin naman agad ni Reema na parang wala siya sa sarili.
"Will you try to relax, Nadine! Hindi naman ito parang date sa crush mo. Niyaya ka lang niyang manuod ng laro niya." Pagalit na sita ni Reema sa kanya.
"Alam ko naman iyon, ano? Hindi mo na ako kailangang i-remind. Pero ewan ko ba. Hindi talaga ako mapakali papunta pa lang dito. Parang feeling ko may masamang mangyayari." Halata sa mukha ni Nadine ang pagkabalisa.
"What do you mean? Na pakiramdam mo e maaksidente si Archie sa laro niya?" Diretsahang tanong sa kanya ni Reema.
"Naku, Reema! Wala akong sinabing ganyan, ha? Hindi lang siguro maganda ang pakiramdam ko kaya kung anu-ano ang naiisip ko."
"I know the right solution for that. Bumili na lang tayo ng hotdogs saka Coke sa loob at baka nalipasan ka lang ng gutom." Hinila na agad siya ni Reema papasok sa loob ng Arena.
Pero lalong hindi napakali si Nadine sa sinabi ni Reema na kaya hindi maganda ang pakiramdam niya ay dahil nararamdaman niyang may masama ngang mangyayari kay Archie sa paglalaro nito ngayong gabi. Parang kinumpirma kasi ni Reema ang isang bagay na hindi niya madugtong-dugtong kung bakit siya ngayon balisa. Pero pinilit niyang palisin iyon.
Napadaan sila sa dug out ng Falcon Crest habang papasok sa venue.
"Nadine! Baka makita natin dito sina Archie! Puntahan natin!" Hinila ulit siya ni Reema papasok naman sa dug out ng Falcon Crest.
"Teka lang, Reema! Hindi ba nakakahiya na basta na lang tayo pumasok dito?" Pinilit niyang pigilan ang sarili na mahila ni Reema pero mas malakas ang puwersa ng kaibigan kaysa sa kanya.
"Nadine, dug out ito ng Falcon Crest who happens to represent our school! Saka magha-hi lang tayo kay Archie! Ano'ng masama du'n?"
Karamihan sa mga manlalaro ng Falcon Crest na naabutan nila sa loob ng dug out ay kasalukuyang nagbibihis ng kanilang jersey uniform. Ang iba pa nga ay nakatapi lang ng tuwalya. Katulad na lang ng ka-team ni Archie na mahilig mag-bandanna na si Nathan na may suot-suot pa ring bandanna nang humarang sa dinadaanan nila habang hinihigpitan ang nakataping tuwalya sa katawan.
"Are you looking for me, ladies?" Nakangiting bati ni Nathan kina Nadine habang inilahad nito ang dalawang kamay na parang ipinapaubaya ang katawan nito sa dalawa.
Napangiwi naman si Reema kay Nathan. "Hindi kami pumapatol sa hipon ng kaibigan ko. 'Asan si Archie? Siya 'yung kakausapin namin."
Agad namang napalis ang ngiti ni Nathan. "Andu'n siya." Medyo matabang na turo nito sa kinaroroonan ni Archie.
Nakita nila agad si Archie, kasama si Cyndi. Nakahubad ang pang-itaas nito at ang suot lang ay ang uniporme nitong jersey shorts. Nakikipagtawanan ito sa nobya habang pinupunasan ni Cyndi ng tuwalya ang basang buhok ni Archie.
Si Archie ang unang nakakita sa kanila nang lumapit na sila dito.
"Hey!" Nakangiting bati nito sa kanila ni Reema.
"Hi, Archie! Ayan, a! Tumupad na kami ni Nadine sa usapan na manunuod ng laro mo." Nakangiti na rin si Reema kay Archie. Hindi na nagsusungit.
"I know, I know. A big thank you talaga sa inyo. This really means a lot." Nakangiting tugon naman ni Archie na pinagsalikop pa ang dalawang kamay.
Napansin ni Archie na parang aligaga si Nadine at panay tingin sa paligid. Halatang hindi sanay na napapalibutan ng mga lalaki na nasa iba't-ibang antas ng kahubaran.
"Nadine?" Nanunukso ang ngiting tawag ni Archie.
Parang naalimpungatang napatingin si Nadine kay Archie. "Archie...?"
"Salamat pumunta ka, ha?" Hindi inaalis ni Archie ang tingin kay Nadine habang nagsasalita.
Agad pinamulahanan ng mukha si Nadine at hindi makatingin ng diretso kay Archie. "Oo naman. Ang galing mo kasing mangumbinsi."
Napansin ni Nadine na mataman siyang tinitingnan ni Cyndi habang kinakausap siya ni Archie. Lalo tuloy naging hindi kumportable ang pakiramdam niya.
"I don't wanna sound mataray pero Archie, your game will start in a few minutes. You should get ready with your jersey." Habang sinasabi ito ni Cyndi ay panay dampi nito sa pisngi at dibdib ni Archie.
"Okay, my Lady Boss." Sabay halik ni Archie kay Cyndi.
Hindi naman malaman ni Nadine ang mararamdaman sa nasaksihan. Parang bigla siyang tinarakan ng punyal sa dibdib.
"See you." Paalam ni Archie sa kanila ni Reema saka ito tumuloy sa cubicle para makapagbihis na ng uniporme nito.
Si Cyndi naman ay matipid na ngumiti sa kanila bago ito tuloy-tuloy na lumabas ng dug out. Naiwan sila ni Reema sa paligid na nangangamoy deodorant, mouthwash, shaving cream, pawis, samu't saring pabango at kung anu-ano pa na hindi mo maikakailang sa isang lalaki lamang manggagaling.
BINABASA MO ANG
Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)
RomanceLihim na itinatangi ni Nadine ang popular heartthrob na college jock at star basketball player sa school nila na si Archie. Ngunit meron nang nobya si Archie, ang equally popular na student babe na si Cyndi. Pero hindi lang iyon ang problema ni Nadi...