MAY biglang nagbago. Pero hindi matukoy ni Nadine kung ano. Minsan kasing nakita niya sa hallway ng Saint Therese si Archie, may suot-suot pa itong benda sa kanang braso. Ang alam ni Nadine na nakita siya ni Archie. Nginitian na nga niya ito at inihahanda na nga niya sa isip ang gagawing pangangamusta dito. Nabalitaan na niya na nakalabas na si Archie ng ospital pero gusto pa rin niya itong makamusta ng personal. Pero biglang inakbayan ni Archie ang isang lalaking papasalubong sa kanya at masaya itong kinausap habang sinabayan ito sa paglalakad papalayo sa kanya.

Napakunot-noo naman si Nadine at napatigil sa paglalakad. Parang hindi kasi pangkaraniwan ang ginawang aksyon ni Archie.

Baka naman hindi niya talaga ako nakita, pangangatwiran naman niya sa sarili saka itinuloy ulit ang paglalakad sa pasilyo.

May isa namang pagkakataon habang tumitingin siya ng mga new releases ng paperback fiction sa Fully Booked ay namataan niya ang grupo nina Archie na nagkukumpulan sa magazine rack. Kaya pala ay pinagpipiyestahan ng mga ito ang bagong edisyon ng FHM Magazine na si Cristine Reyes ang cover model.

Sinadya ni Nadine na pumuwesto malapit sa kanila para mapansin siya ni Archie at magkaroon siya ng pagkakataon na kamustahin ito. Nakita niya nagawi ang tingin sa kanya ni Archie, pero saglit na saglit lang. Biglang narinig na lang niya si Archie na nagpapaalam sa mga kagrupo at may bibilhin lang na CD sa kabilang record store saka nagmamadaling lumabas ng bookstore. Susundan sana niya si Archie pero nagdalang-hiya naman siya.

Si Dennis ang unang nakapansin sa kanya at kinamusta naman siya nito. Saglit din silang nag-usap ni Dennis tungkol sa kung anu-ano lang naman pero hindi pa rin maalis sa isip niya ang kakaibang ikinilos ni Archie.

At nitong huli, nang nang yayain siya ni Reema na kumain sa Burger King dahil umay na ito sa paulit-ulit na menu sa cafeteria nila sa school ay muli niyang natiyempuhan si Archie. Hawak-hawak nila ang tray ng inorder nila at naghahanap ng mapupuwestuhan nang mamataan nila ang grupo nina Archie. Si Nathan ang unang nakapansin sa kanila at nag-offer na dun na sa kanila pumuwesto.

"Naku! Huwag na at baka ma-harass lang kami sa inyo. Du'n na lang kami sa kabilang table." Tanggi sa kanila ni Reema.

Si Archie naman, nang mapansin sila ay agad itong tumayo at narinig niyang pupunta lang sandali sa comfort room. Walang choice si Archie kungdi maglakad papasalubong sa kanila para makapunta ng comfort room.

Agad nginitian ni Nadine si Archie nang mapatapat sa kanya. "Hi, Archie."

Ni hindi man lang in-acknowledge ni Archie ang pagbati niya. Diretso lang itong nakatingin sa dinadaanan hanggang makalagpas sa kanya. Agad namula ang mukha ni Nadine. Hayagan na ang naging hindi pagpansin ni Archie sa kanya. Pakiramdam niya ay maiiyak siya.

Napansin iyon ni Dennis. Lumapit ito sa kanya at inalok na tulungan siya sa dala-dala niyang tray. "Hatid ko na ito sa table nyo."

Hindi makatingin na tumanggi si Nadine. "No. It's okay."

Mabuti na lang at ang pinuwestuhan nila ay medyo malayo sa booth nina Archie pero abot-tanaw pa rin nila.

Napansin ni Reema na parang naiiyak si Nadine at halos hindi nito galawin ang inorder nito.

"Nadine, are you okay? May hindi ka ba gusto sa food mo? We can have it replaced."

Umiling naman si Nadine sabay punas sa mata ng tissue. "Hindi. Bigla lang kasing sumakit ang tiyan ko."

Umarko naman ang kilay ni Reema saka sabay tingin sa booth ng grupo nina Archie. Tiyempo namang bumabalik na si Archie galing comfort room.

"Sakit ba talaga ng tiyan yang nararamdaman mo o sakit sa puso?"

Hindi na lang pinansin ni Nadine ang pasaring ng kaibigan. Idinaan na lang nito sa pag-sip ng inorder nitong Diet Coke.

Napatingin silang pareho ni Reema sa booth nina Archie nang bigla itong magkagulo at magpiswitan. Kaya pala ay dumating si Cyndi nakasuot lang ng halter top kaya ganun na lang ang excitement ng mga kagrupo ni Archie.

Si Archie naman, parang nagpapapansin pa, imbis na paupuin si Cyndi sa tabi niya sa couch ay kinalong pa ito. Natuwa naman si Cyndi sa gesture na iyon ni Archie at agad itong hinalikan sa labi, hindi pansin kung pagtinginan man sila sa loob ng fastfood o hindi.

Hindi na napigilan ni Nadine ang pagbugso ng damdamin. Kaagad siyang napaiyak.

Napansin naman agad siya ni Reema. "Oh my God! Nadine, are you crying?"

"Huwag mo akong punahin! Baka mapansin nina Archie. Nakakahiya!" Iniharap ni Nadine ang mukha sa glass pane na kadikit ng booth nila para hindi mapansin ng grupo nina Archie ang pag-iyak niya.

Hindi naman malaman ni Reema kung ano ang gagawin sa kanya. Pati siya ay hindi na rin nakakain.

Nang mapagawi ulit ang tingin ni Nadine sa booth nina Archie ay kandong-kandong pa rin nito si Cyndi habang tinatanong ito kung ano ang gustong orderin.

Hindi ko na talaga ito kaya...!

"Reema, puwede ipa-take out mo na lang ito. Please." Ang tinutukoy nito ay ang inorder na halos hindi niya nagalaw.

Agad namang nagtawag si Reema ng service crew na magbabalot ng inorder nila.

Si Nathan ang unang nakapansin na naghahanda nang umalis sina Nadine, dala-dala ang mga napabalot na inorder. "Ang bilis namang matapos kumain ng dalawang iyon."

Napatingin tuloy silang lahat, kabilang na si Archie, sa gawi nina Nadine. Tuloy-tuloy nang lumabas sila ni Reema sa fastfood joint at sinadyang lumihis ng daan sa table nila pero hindi nakatakas sa paningin ni Archie na umiiyak si Nadine. Bigla tuloy nakaramdam ng guilt si Archie.

Pero hindi lang pala si Archie ang nakapansin na umiiyak si Nadine. Pati din pala si Dennis.

"Mukhang umiiyak si Nadine, ah? Bakit kaya?" Nakatingin si Dennis kay Archie habang sinasabi ito. Parang sinisipat kung ano ang magiging reaksyon niya.

Nakapako naman ang tingin ni Archie sa hindi pa nauubos na Whooper Jr. Samu't-sari ang nararamdaman at naiisip. Mali nga ba ang naging desisyon niya na pag-iwas kay Nadine?

Si Cyndi naman, hindi na gusto ang nagiging takbo ng usapan ay tumayo na mula sa pagkakandong kay Archie at hinila na rin siya nito patayo. "Samahan mo naman ako umorder, Babe."

Mabibigat ang mga paa na sumunod si Archie sa nobya. Hindi pa rin mapakali ang isip sa realisasyon na siya ang nagpaiyak kay Nadine.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon