NANG lumapit si Reema sa mikropono para magsalita ay biglang nagkaroon ng napakalakas na feedback kaya napaatras siya mula sa istante ng mic. Awtomatikong in-adjust niya ang pagkakasalansan ng mikropono sa istante at tinapik-tapik bago muling sinubukang magsalita duon.

"'Sensya niya. Bago pa lang." Kinakabahang sabi ni Reema sa mikropono.

Nagtawanan naman ang mga nasa audience. Nangiti rin si Reema bago muling nagsalita sa mikropono.

"Since usong-uso ngayon sina Bella, Edward at ang Twilight Saga, we decided to play a Paramore song for all of you."

Sinimulan na nina Garry at nang iba pang miyembro ng banda ang intro ng kantang I Caught Myself ng Paramore. Kaagad namang nag-pick up ang excitement ng mga tao sa audience, lalo na ng female crowd nang marinig ang intro ng kanta.

Tiyempong pakanta na si Reema nang saktong pumasok sa loob ng Ampitheater si Nadine kaya natigilan siya. Pero hindi ang pag-entrada ni Nadine ang nakapagpatigil kay Reema sa pagkanta, kungdi ang kasama ni Nadine. Ang tao na sa tuwing maikukuwento sa kanya ni Nadine ang ginagawa nitong pagpapalipad-hangin sa kanya ay halos may halong pangdidiri. Ang isang taong huling-huli niyang maiisip na ikukonsidera ng kaibigan niya para i-date.

Si Giovanni Panganiban ang kasamang lalaki ni Nadine nang pumasok sa Ampitheater. Ngingisi-ngisi pa si Gio habang naghahanap ng magandang mapupuwestuhan. At ang nakakagulat ay pinapayagan ni Nadine na hawakan ni Gio ang kamay niya. Si Nadine naman, pirmihang nakatingin lang sa baba habang hinahayaan niya si Gio na alalayan siya sa napili nitong puwestuhan sa may harapan ng entablado.

Napansin ni Reema na napo-prolong na ang intro ng kanta niya. Marahil naramdaman niya ang matalim na tingin ni Garry mula sa likuran niya kaya nang makahanap ng magandang tiyempo ay sinimulang na niyang kantahin ang Paramore song.

Hindi rin lingid kay Archie ang pagdating nina Nadine sa loob ng ampitheater. Hindi niya mapigilang di tumingin sa gawi nina Nadine. Ramdam naman ni Nadine na napapadalas ang pagtingin sa gawi nila si Archie at lihim siyang natutuwa sa nangyayari. Hindi siguro nito akalain na magagawa niyang makipag-date kay Gio.

At least, alam mo na ngayon na hindi lang ikaw ang lalaki na puwede kong pag-ukulan ng pansin.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon