Kung gaanong pagmamadali ang ginawa ni Nadine sa pagpasok sa klase niya sa art class, ganuon din kabilis ang naging pag-alis niya ng idispatsa na sila ni Propesor Ernie nang tumunog ang bell hudyat ng pagtatapos ng klase para sa araw na ito. Halos makipag-unahan pa nga siya sa mga kaklaseng lumalabas ng pinto.

"Nadine...!"

Napatigil sa paglalakad sa pasilyo si Nadine. Nilingon niya ang tumawag sa kanya, halukipkip ang canvas na pinagpintahan kanina. Pero bago pa niya lingunin ang tumawag, alam na niya kung sino ito...si Gio.

Nakangisi si Gio sa kanya ng lingunin niya ito na sinabayan ng pagkamot pa nito sa may batok.

Ano na namang pang-aasar ang nasa isip nitong gawin?

"Nagmamadali ako. Pupunta pa ako sa library." Hindi na itinago ni Nadine ang pagkainis sa tono ng pananalita niya.

"Baka kasi libre ka mamayang gabi. May alam akong bagong bukas na resto sa may Eastwood. Sa kaibigan ko. At may free wine tasting daw silang ginagawa every Friday..."

Hindi na siya pinatapos ni Nadine sa nililitanya niya. "Hindi ako interesado sa 'yo, Gio." Diniretsa na siya ni Nadine.

Pinamulahanan agad ng mukha si Gio. Halatang napahiya siya sa prangkahang pagtanggi sa kanya ni Nadine. May ilang pang napapatingin sa kanila na kasama nila sa art class na nahuli sa paglabas ng silid.

Hindi na hinintay ni Nadine na makabawi pa si Gio sa sinasabi nito. Agad niya itong tinalikuran.

"Kaya mo ba ako tinatanggihan dahil umaasa ka pa na papansinin ka ng basketbolistang pinapantasya mo?" Sinadyang lakasan ni Gio ang boses, hindi lang para marinig ni Nadine kungdi marinig ang boses niya sa buong pasilyo.

Agad napatigil sa paglalakad si Nadine at siya naman ang pulang-pula ang mukha nang binalingan si Gio.

"Huwag mo nang sayangin ang panahon mo! Dahil hinding-hindi ka papatusin no'n. Hindi iyon pumapatol sa mga manang na kagaya mo."

Pakiramdam ni Nadine ay may bombang sumabog sa dibdib niya sa lantarang pamamahiyang ginawa ni Gio. Hindi na niya napigilan ang sarili. Halos patakbo siyang lumapit sa kinatatayuan ni Gio at ubod ng lakas na sinampal ito sa pisngi. Hindi naman nakailag si Gio dahil nabigla rin ito sa bilis ng pangyayari.

"N-Napakabastos mo!" Halos magkandabulol si Nadine sa tindi ng emosyon nagpupumiglas sa dibdib. "Hindi mo alam ang lahat ng detalye tungkol sa kin kaya wala kang karapatan na mag-akusa ng kung anu-ano!"

Bigla namang napalabas ng silid si Propesor Ernie at agad silang inusisa. "May inaaway ka na naman ba, Gio?"

Saglit na napatingin si Nadine kay Propesor Ernie pero muli niyang binalingan si Gio at binigyan ito ng nakakamatay na tingin. Saka nito patakbong nilisan ang pasilyo palayo sa kanila.

"Ano ba naging problema?" Tinapik ni Propesor Ernie sa balikat si Gio.

"Wala ho, Prop." Agad na tanggi naman ni Gio. "Napagsupladahan lang ako. Niyaya ko kasing lumabas pero tinanggihan ako."

Maiksing natawa naman ang propesor. "Baka naman dinadaan mo kasi sa santong paspasan. Hinay-hinay lang."

Matamlay na ngiti lang ang naging tugon ni Gio. At wala sa loob na napahawak siya sa pisnging nasampal ni Nadine.

Mali 'ata ako. Nasobrahan ako sa pang-iinsulto sa kanya. Pero kasalanan naman niya, e. Napakasuplada kasi.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon