NANG humudyat ang ala-sais ng umaga, el punto na tumunog ang digital alarm clock sa tabi ng higaan ni Nadine. Kaagad na hinagilap ng kamay niya ang alarm clock para patigilin ito. Kanina pa siya gising. Halos hindi siya makatulog sa nagdaang magdamag. At di niya alam kung makakaya ba niyang pumasok ngayon sa unibersidad. Pirmihan lang siyang nakatulala sa kisame ng kuwarto at nag-aalala. Iniisip kung ilan na sa mga estudyante ng Saint Therese ang nakapanuod na ng video.

"Nadine! Bumangon ka na d'yan at baka mahuli ka pa sa klase mo!" Narinig niyang sigaw ng Mama niyang si Mildred mula sa labas ng pintuan ng kuwarto niya.

Gusto sana niyang magdahilan para makaliban siya sa klase ngayong araw. Magsakit-sakitan kaya siya? Pero mahahalata kaagad ng Mama niya pag nagdadahilan lang siya. Katakot-takot na sermon na naman ang maririnig niya dito. Minabuti na lang niyang bumangon, pumasok sa banyo sa kuwarto niya at simulan ang nakagawiang routine tuwing umaga bago pumasok sa school.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon