Hagulgol si Nadine habang tumatakbo sa pasilyo ng unibersidad. Hindi niya pansin na halos lahat ng nakakasalubong niya ay napapatingin sa kanya. Naiiyak siya hindi lang dahil masakit ang mga naging litanya ni Gio sa kanya, kungdi pakiramdam niya ay tumbok na tumbok ni Gio ang tutoo.

Ayaw man niyang aminin sa sarili, pero baka nga nag-aaksaya na lamang siya ng panahon at wala din namang patutungunan ang ginagawa niyang paglilimi ng nararamdaman niya kay Archie. Pero nuon pa man ay pinilit na niyang kalimutan ang nararamdaman para kay Archie para maiwasan na niyang masaktan tuwing makikita niya itong naglalambing sa nobyang si Cyndi pero hindi niya magawa. Parang isang masamang sistema na si Archie sa buhay niya na mahirap alisin, katulad ng isang adik sa paninigarilyo na hirap nang baliin ang masamang bisyo.

Ang mga salitang binitawan ni Gio kanina ay higit na nagpabukas ng sugat sa puso niya na hindi pa tuluyang naghihilom. Siguro kung hindi niya pinagsupladahan si Gio kanina ay hindi ito magsasalita ng masasakit sa kanya. Ibig sabihin, kasalanan na naman niya ang nangyari? Siya na naman ang dapat sisihin?

Imbes na sa silid-aklatan tumuloy na una niyang plano, sa kasilyas para sa mga babae siya tuloy-tuloy na tumakbo. Mabuti na lang at natiyempuhan niyang walang tao sa loob ng banyo. Kaagad siyang pumasok sa isa sa mga kabalyerisa o bathroom stall at pasalampak na umupo sa palikuran.

Tutop ang bibig, pigil na pag-iyak ang ginawa ni Nadine. Nag-uumapaw ang matagal na kinimkim na emosyon: Galit sa sarili, pagkadismaya, pag-aasam sa isang bagay (o tao?) na kaytagal na niyang minimithi ay mailalabas na ata niya ngayon. At si Gio ang naging mitsa ng lahat.

Ang kapal ng mukha niyang sabihin na manang ang hitsura ko. Pero panay ang paramdam niya sa kin. May gana pa siyang magkumento tungkol sa nararamdaman ko kay Archie. Ang kapal talaga ng mukha!

Kung pakikinggan mula sa labas ng kasilyas, mapagkakamalan mong iyak ng isang hindi matahimik na multo ang paghikbing ginagawa ni Nadine mula sa loob ng kabalyerisa. Pero imbis na takot, simpatiya ang mararamdaman ng sinumang makakarinig nito.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon