TAHIMIK lang si Nadine habang nakaupo sa salas. Hindi mapakali na kinukusumot ng kamay ang palda ng damit na suot. Ang Mama naman niyang si Mildred nasa may lababo ng kusina, kasalukuyang tinatanggal ang ginamit na gloves sa paghahardin. Mabilis itong naghugas ng kamay saka sinilip ang anak nito sa salas.
"Nag-breakfast ka na ba?" Tanong ni Mildred habang pinupunasan ng katsa ang basang mga kamay.
Saglit na tumingin sa kanya si Nadine pero kaagad inalis ang tingin at marahan na umiling.
Bumalik sa kusina si Mildred. Kinuha ang pyrex dish na may lamang lasagna na kaunti pa lang ang bawas. Nilagay ito sa loob ng microwave para initin. Paglapit niya kay Nadine may hawak na siyang plato ng lasagne at Coke light na nasa can.
"Dala ng ka-legionaryo ko sa Legion Of Mary. Si Mercie. Binenta sa akin." Sabi ni Mildred habang nilalapag ang dalang pagkain sa harap ni Nadine. "Kilala mo 'yun. Nagpunta dito kanina. Akala ko, makikipagkuwentuhan lang. 'Yun pala bebentahan lang ako ng lasagna na dala niya." Bahagyang natawa pa si Mildred. "Kumain ka na." Paanyaya niya kay Nadine habang umuupo sa silyang nakaharap dito.
Kimi ang kilos na sinimulang kainin ni Nadine ang pagkain nakahain sa kanya.
"Sino 'yung naghatid sa 'yo kanina. Iba 'yun sa sumundo sa 'yo kagabi, hindi ba?" Kumpirmasyon ang hinihinging malaman ni Mildred imbes na simpleng pagtatanong lang.
Tumingin ulit si Nadine sa ina at marahan na tumango saka binalik ang pansin nito sa kinakain.
Nabalik ang tingin ni Mildred sa midi dress na suot ni Nadine. "Bakit iba na ngayon ang suot mong damit sa suot mo kagabi? Ngayon ko lang nakita 'yan, ah? Bago ba 'yan?"
Natigil na si Nadine sa pagkain. Sumariwa ulit sa alaala niya na kagabi lang ay punong-puno siya ng saya at galak sa puso niya pero kaagad itong nabantilawan pagkagising niya. Pinilit pigilin ni Nadine pero kusang kumawala ang hikbi sa bibig niya.
"Ano ba talagang nangyari sa 'yo, Nadine?" Magkahalong pagkainis at pag-aalala nang usisa ni Mildred. "Bakit naisipan mong hindi umuwi kagabi? Nakausap ko ang friend mong si Reema. Nagulat siya ng hinanap kita sa kanila. Ang sabi hindi ka naman daw nagpalipas ng gabi sa bahay nila."
Umiiyak na nagpahid ng mga luha si Nadine nang magsalita. "Mama, hindi ko pa kayang sabihin sa 'yo yung mga nangyari sa akin. Sana maintindihan nyo."
Tumayo na si Nadine na kakaunti pa lang nababawas sa pagkain niya. "Duon muna ako sa kuwarto ko, Mama."
Pero palakad pa lang si Nadine paakyat sa kuwarto nito nang lapitan siya ni Mildred at hilahin siya paharap. "Hindi puwedeng wala kang sasabihin sa akin ngayon, Nadine! Magdamang kang wala sa bahay. 'Yung lalaking sumundo sa 'yo kagabi iba duon sa lalaking naghatid sa 'yo kanina."
Hinawakan na sa magkabilang balikat ni Mildred ang anak. "Sabihin mo sa akin ang totoo! Pinagamit mo ba 'yang katawan mo sa kanila? Sumiping ka ba sa isa sa mga lalaking 'yun?"
"Mama..." Iyak lang ang tanging naisagot ni Nadine.
Malakas na nasampal ni Mildred si Nadine. Sa lakas ng sampal, pabalandra na napaupo si Nadine sa sahig.
"Sinuko mo ang virginity mo sa mga lalaking hindi mo naman masyadong kilala! Ganyan ba kita pinalaki? Para matuto kang maglandi?" Halos hindi na makapagtimpi sa galit si Mildred sa anak.
Muli, walang naisagot si Nadine kundi hagulgol lang na pag-iyak.
Hiniklas ni Mildred si Nadine patayo at halos pakaladkad na dinala sa harap ng altar ng birhen malapit sa salas. Duon pinilit ni Mildred na paluhurin si Nadine sa harap ng santo ng Birheng Maria.
"Matuto kang humingi ng tawad sa mga nagawa mong kasalanan." Mariing sabi ni Mildred habang pinagmamasdan ang umiiyak pa rin sa pagkakaluhod na si Nadine.
"Marumi ang sex, Nadine. Lalo na pag ginawa mo 'yun sa hindi mo asawa. Kapag wala pang basbas ng kasal. Tandaan mo 'yun." At iniwan na siya ni Mildred sa harap ng altar.
BINABASA MO ANG
Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)
RomanceLihim na itinatangi ni Nadine ang popular heartthrob na college jock at star basketball player sa school nila na si Archie. Ngunit meron nang nobya si Archie, ang equally popular na student babe na si Cyndi. Pero hindi lang iyon ang problema ni Nadi...