SI GIO naman ay nasa loob ng condo nito sa Ortigas. Kumuha ng beer in can sa maliit nitong refrigerator. Binuksan at tinungga ang malamig na serbesa. Napatingin sa isang panig ng condo saka unti-unti itong nilapitan. Isang canvas ito na nakatayo sa estanteng malapit sa bintana. Nakaguhit duon ang maamong mukha ni Nadine na yari sa charcoal.

Parang nababato-balaning nakatingin si Gio sa mukhang nakaguhit sa canvas. Saka itinagay sa harap ng nakaguhit na larawan ang serbesang hawak bago muling uminom. Pagkatapos uminom ay biglang nagdilim ang mukha nito at punong-puno ng galit na inihagis ang iniinom na beer sa larawan.

Sumambulat ang laman na serbesa nang tumama ang can sa mismong canvas. Natanggal sa estante ang canvas sa lakas ng impact at nalaglag sa sahig. Pero kahit nalaglag, nanatiling nakaharap kay Gio ang larawan at humilig lang sa mga paa ng estante kaya kitang-kita ang unti-unting pagkasira't pagkalusaw ng ilang parte ng charcoal painting na nadaluyan ng serbesa.

Repleksyon ng nasisirang larawan ang nagpupuyos na damdamin ni Gio sa nagmamay-ari ng mukhang kanyang iginuhit.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon