"Dahyun." Pagtawag ni Sharon kay Dahyun na agad lumapit sa kanya matapos makipag-usap kay Moira.
"Doon ka na muna tumuloy sa kubong tinutuluyan ko." Panimula ni Dahyun kay Sharon.
"Paano ka?"
"Ayos lang ako. Sige na. Magpahinga ka na."
"Pero ---"
"Ayos lang talaga ako, Sharon."
"Walang dapat ipag-alala sa tutuluyan ng ating bagong bisita." Biglang sumulpot si Tatang Jinyoung sabay lapit kila Dahyun at Sharon.
"Magandang gabi po." Pagbati ni Sharon kay Tatang Jinyoung.
"Si Anna na ang bahalang mag-asikaso sayo. At ikaw, Dahyun. Mabuti pang magpahinga ka na.Iha, sumunod ka sakin." Hindi na nakakontra pa si Dahyun nang tuluyan nang sumunod si Sharon kay Tatang Jinyoung na agad din namang umalis.
Minabuti na lamang ni Dahyun na pumasok sa kubong tinutuluyan niya. Sa kanyang paghiga, napaisip siya sa katotohanang isang mabuting ama si Tatang Jinyoung. Bigla niyang naalala ang kanyang ama na matagal nang pumanaw.
Matagal na panahon na rin siyang walang ama na gumagabay sa kanya. Napapaisip siya na kung nabubuhay pa ngayon ang kanyang ama, magagalit kaya ito sa landas na pinili niya ngayon?
Labis siyang nangungulila sa ama niyang palaging nagpapaalala sa kanya noon na kahit na hindi niya nagawang makilala ang kanyang ina, mahal na mahal siya nito.
Ano nga ba ang pakiramdam ng may ina na kasama? Ano kaya ang pakiramdam na may buong pamilya? Hindi niya alam. Sa tagal na panahon ng kanyang pangungulila sa kanyang magulang, hindi parin siya masanay-sanay.
Palaging may parte sa kanyang puso na nagsusumigaw na makilala sana niya ang kanyang ina, ngunit huli na ang lahat. Sinabi ng kanyang ama na matagal nang pumanaw ang kanyang ina nang dahil sa isang aksidente.
Habang abala si Dahyun sa pagmumuni-muni, abala rin naman si Sharon sa paghihintay kay Anna sa kubong tinutuluyan nito.
"Pagpasensyahan mo na ang maliit na kubong ito, Sharon. Ito ang kubong tinutuluyan ni Anna." Sabi ni Tatang Jinyoung.
"Siya po yung babaeng kasama ni Dahyun kanina? Tama po ba ako?"
"Tama. Siya si Anna. Ang aking nagiisang anak."
"Ayos lang po ba talaga na makisalo ko ng kubong tinutuluyan niya? Pwede naman po ako sa labas. Kaya ko naman pong matulog sa labas."
"Maaaring kaya mo nga ngunit gusto naming mas maging komportable ka katulad ng naging pagtanggap namin kay Dahyun noon."
"Hindi po ba kayo natatakot samin na mula pa sa pamahalaan?" Tanong ni Sharon.
"Pare-pareho lang tayong may ipinaglalaban. Lumapit kayo samin upang humingi ng tulong sa nais niyong mangyari. Maaaring rebelde ang tawag samin ng mga taga-pamahalaan, ngunit hindi naman ibig sabihin noon ay masama na kaming tao. Gusto lang namin ng hustisya para sa mga kasamahan namin at kababayan." Paliwanag ni Tatang Jinyoung kaya naman agad na napasang-ayon si Sharon.
"Kayo po ang namumuno sa mga rebelde?"
"Tama, Ako nga. Maaari mo kong tawaging Tatang Jinyoung."
"Tatang Jinyoung, maswerte po ang mga rebeldeng nasasakupan niyo dahil meron silang pinuno na marunong magmahal at mag-alaga sa kapwa."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Malayo sa kaayusan ang pamamahala ng pinuno ng pamahalaan. Sarili lang niya ang iniisip niya."
"May gusto kong itanong sayo, Sharon."
"Ano po 'yun?"
"Tama ba ang narinig ko kanina na kapatid mo ang prinsesa ng pamahalaan? Maaari ko bang malaman ang tungkol sa bagay na 'yon?" Mahinahong tanong ni Tatang Jinyoung.
"Anak po ako sa labas ng pinuno. Simula ng mawala ang aking ina, kinupkop na ko ng pinuno. Ginawang tagapaglingkod ng prinsesa. Sinabi niya saking huwag na huwag kong ipaaalam sa iba ang tunay kong katauhan. Kaso dumating sa puntong hindi ko na kinayang tiisin. Binalak namin ng kapatid ko na tumakas ngunit nang mahuli kami, ako lamang ang pinalad na makalayo. Naparito ako dahil may ipinahahayag na mensahe ang prinsesa kay Dahyun na siyang kasintahan nito." Pagpapaliwanag ni Sharon kay Tatang Jinyoung na mataimtim na nakikinig sa kanya.
"Kailangan nang mawakasan ng kasakiman ng pinuno ng pamahalaan."
"Hindi po kayo nag-iisa sa adhikain niyong 'yan, Tatang Jinyoung."
"Anong ibig mong sabihin? Handa mong kalabanin ang iyong ama?"
"Ama ko siya, ngunit tila hindi anak ang turing niya sakin. Isa pa, kailangan nang magkaboses ng mamamayan. Kung 'di natin sisimulan, sinong kikilos? Palagi na lang ba tayong pangungunahan ng takot? Hindi na maaari." Agad na napangiti si Tatang Jinyoung kay Sharon.
"Ikinatutuwa kong marinig ang mga bagay na 'yan mula sayo, Sharon. Gawin natin ang lahat para sa mamamayan. Paano? Magpapahinga na rin muna ako. Hintayin mo na lamang si Anna. Huwag kang mag-alala. Alam niya ang tungkol sa pakikituloy mo sa kubo niya. Mabait ang aking anak. Mahiyain nga lang kung minsan. Isa pa nga pala, hindi nakapagsasalita ang aking anak. Nakikipag-usap siya sa pamamagitan ng pagsusulat sa papel gamit ang pluma."
"Maraming salamat po. Huwag po kayong mag-alala. Ayos lang po ako. Naiintindihan ko po ang sitwasyon ng inyong anak. Susubukan ko pong makipagkaibigan sa kanya." Masayang sagot ni Sharon kaya naman agad na ring umalis si Tatang Jinyoung.
Habang abala sa paghihintay kay Anna, lubos paring naiisip ni Sharon kung ano na ba ang kalagayan ni Kyulkyung sa pamahalaan.
Makalipas ang ilang minuto, tuluyan nang dumating si Anna sa loob ng kwarto dala ang papel at pluma niya.
"Kumusta, Anna?" Panimula ni Sharon ngunit hindi siya inimik ni Anna. Pumunta lamang ito sa kanyang pwesto't nagpahinga na.
Inisip na lamang ni Sharon na maaaring nahihiya nga si Anna kaya hindi siya inimik nito. Inisip na lamang niya kung ano na bang nangyayari kay Kyulkyung sa pamahalaan.
Lingid sa kanyang kaalaman, punong-puno ng kadiliman ang buhay ng kanyang kapatid.
"Palabasin niyo ko dito!" Paulit-ulit na sigaw ni Kyulkyung mula sa loob ng kanyang kwarto na bantay sarado ng ilang sundalo ng pamahalaan.
Tila sa loob ng kwarto na lamang niya tumatakbo ang kanyang buhay. Ni pagkain, ihinahatid parin sa loob ng kanyang kwarto.
Sa paulit-ulit na pagmamakaawa niyang makalabas, tuluyan na siyang napagod. Napaupo na lamang siya sa isang sulok kung saan natanaw niya ang ilan sa mga bulaklak na noon ay ibinigay ni Dahyun sa kanya.
Nasaan na nga ba ang kanyang pinakamamahal? Tuluyan na nga kaya siyang kinalimutan ni Dahyun? Matagumpay nga kayang narating ni Sharon ang kampo ng mga rebelde? Nasaan na nga ba si Moira na minsan niyang nakasalamuha? Sa loob ng madilim na kwarto na kaya magtatapos ang kanyang buhay?
Sa dami ng iniisip niya, tuluyang bumagsak ang kanyang luha na dulot ng sobrang lungkot at pag-aalala.
- To Be Continued -
A/N : Sorry sa 10 days na walang update dito. HAHAHAHA. Kala niyo inabandona ko na noh. Charot.
Vote.Comment.Share
BINABASA MO ANG
It's You [SaiDa Fanfic]
Fanfiction𝐾𝑖𝑚 𝐷𝑎ℎ𝑦𝑢𝑛 𝑙𝑖𝑣𝑒𝑠 𝑎𝑙𝑜𝑛𝑒 𝑓𝑜𝑟 𝑎 𝑣𝑒𝑟𝑦 𝑙𝑜𝑛𝑔 𝑡𝑖𝑚𝑒. 𝑆𝑜𝑚𝑒 𝑝𝑒𝑜𝑝𝑙𝑒 𝑐𝑜𝑚𝑒 𝑖𝑛𝑡𝑜 ℎ𝑒𝑟 𝑙𝑖𝑓𝑒 𝑗𝑢𝑠𝑡 𝑡𝑜 𝑙𝑒𝑎𝑣𝑒 ℎ𝑒𝑟 𝑎𝑛𝑑 𝑡ℎ𝑒𝑟𝑒 𝑤𝑖𝑙𝑙 𝑏𝑒 𝑡ℎ𝑎𝑡 𝑠𝑜𝑚𝑒𝑜𝑛𝑒 𝑤ℎ𝑜 𝑤𝑜𝑢𝑙𝑑 𝑐𝑜𝑚𝑒 𝑎𝑛...