95 : Sikreto

368 11 12
                                    

Nang makapwesto sa pribadong parte ng kampo, hinarap na ni Dahyun si Tatang Jinyoung.

"Ano ba talagang nangyari, Dahyun?" Tanong ni Tatang Jinyoung sa kanya.

"Wala na yung dalawang kaibigan ko." Matipid na sagot ni Dahyun.

"Nabalitaan ko ang nangyari. Ikinalulungkot kong sabihin na kailangan pang humantong sa ganito ang lahat."

"Siguro kung hindi ako ni-traydor ni Moira, nandito pa rin sila. Buhay pa sana sila ngayon. Magkakaroon pa sana sila nang pagkakataon na mabisita ang kampo niyo." Seryosong sagot ni Dahyun.

"Hindi ko rin inaasahan na gagawin 'yon ni Moira. Napakabuting tao ni Moira. Pinalaki ko siya nang maayos simula nang pumanaw ang kanyang ama."

"Pero nagawa parin niyang gawin 'yon. Kahit ano pang rason niya, wala akong pakialam. Basta ang alam ko, dahil sa kanya ---wala na ang dalawang matalik na kaibigan ko. Ipinangako ko pa naman sa kanila na babalikan ko sila kaso nahuli na ako nang dating." Nasasaktang sambit ni Dahyun.

"Umalis na si Moira. Nagdesisyon siyang magpakalayo-layo."

"Alam ko. Nakasalubong namin siya ni Anna noong isang araw. At wala na akong pakialam kung anong balak niyang gawin sa buhay niya. Hindi na maibabalik ng pag-alis niya ang buhay ng mga kaibigan ko."

"Patawad, Dahyun. Hindi kami nakatulong upang mailigtas sila gayong ang dami nilang nagawang tulong sa samahan namin."

"Huwag kayong humingi ng tawad sakin. Hindi ako ang namatay, kundi sila Nabong at Kyungwan."

"Pwede ko bang malaman kung ano pa ang ibang detalye na nangyari sa inyo? Hindi sa wala akong nalalaman, nasabi na ni Sharon ang ilan sa mga naganap tulad ng nagawa ni Moira."

"Totoo na binalak kong iligtas mula sa palasyo si Kyulkyung. Hindi ko naman alam na bigla na lang siyang aalyansa sa tatay niyang Pinuno ng Pamahalaan. Ang bilis ng mga pangyayari. Sa isang iglap, kumakaripas na lang ako ng pagpunta sa kinaroroonan nila Kyungwan dahil nalaman kong nasa panganib silang muli. Kaso huli na ang lahat nang dumating ako. Wala na silang buhay. Pinaslang na sila ng mga sundalo ng Pamahalaan."

"Si Anna? Nasaan ang anak ko noong mga panahong 'yun?"

"Hindi ko namalayan na sinundan pala niya ako. Nakipaglaban ako sa mga sundalo ng pamahalaan. Sa galit na naramdaman ko noon, sinigurado kong mapapatay ko silang lahat. Dumating sa punto na nadamay si Anna."

"Sinaktan mo si Anna?!"

"Hindi ko sinasadya, Tatang Jinyoung. Tila wala ako sa katinuan noong mga panahong 'yon. Kinokontrol ako ng galit ko. Sa pagdating ni Anna, patay na ang lahat ng mga sundalong nakalaban ko. Pinilit ko siyang umalis na't bumalik dito sa kampo ngunit matigas ang ulo niya. Desidido siyang sumama sa kung saan man ako magpunta. Nagdesisyon akong ilibing na malapit sa bahay-kubo ang bangkay ng dalawang kaibigan ko bago tuluyang umalis kasama ni Anna."

"Bakit hindi kayo bumalik kaagad dito sa kampo? Pinahanap ko kayo sa iba pang miyembro ng samahan na 'to ngunit hindi nila kayo matunton."

"Hindi pa ako handang bumalik dito noon. Pakiramdam ko madadamay lang kayong lahat sa galit na nararamdaman ko kaya minabuti kong magpakalayo-layo."

"Si Anna? Kumusta ang anak ko?"

"Aaminin ko na nadamay din siya sa galit ko. Patawarin niyo ko, Tatang Jinyoung. Nagkaroon siya ng sugat sa kanyang leeg noong mga panahong 'yon dahil sakin. Pero kahit ganon, nanatili parin siya sa tabi ko. Hindi niya ako sinukuan. Ipinaramdam niya sakin na hindi ako nag-iisa. Sa mga oras na kailangang-kailangan ko ng suporta, hindi niya ako binigo. Noong mga panahong 'yon na kasama ko siya, ang dami kong napagtanto."

It's You [SaiDa Fanfic]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon