43 : Halamang Gamot

488 14 15
                                    

"Mga kasama, talasan ang inyong mga mata. Kailangang doblehin natin ang ating pag-iingat sapagkat maaaring nasa paligid lamang ang mga kalaban." Paalala ni Moira sa mga kasamahang rebelde.

Kasalukuyan nilang nililibot ang kalapit na lugar malapit sa kanilang kampo. Sinisiguradong walang nakaambang panganib sa kanilang samahan.

"Matapos maglibot, mauna na kayong bumalik sa kampo. May kailangan lang akong asikasuhin." Sabi ni Moira sa mga kasamahan.

"Saan ka pupunta, Moira?" Tanong ng isa sa mga rebelde.

"May kailangan lang akong puntahan." Sagot ni Moira dahilan para mapatango na lamang ang kanyang mga kasamahan. Makalipas ang ilang oras ng paglilibot, nagdesisyon nang bumalik ang mga kasama niya sa kampo. Sinimulan na rin naman ni Moira ang paglalakbay sakay ng isang kabayo.

"Ipangako mo, Moira."

"Pangako."

Agad na naalala ni Moira ang pangakong binitawan niya kay Dahyun bago siya umalis ng kampo. Nangako siyang hahanapin niya ang kinaroroonan nila Kyungwan at Nabong. At 'yun ang gagawin niya ngayon, lakas-loob siyang naglakbay sakay ng kanyang kabayo.

Kahit sobrang init dahil na rin sa matinding sikat ng araw, nagpatuloy siya sa paghanap sa kinaroroonan ng dalawa. Ngunit sa paglipas ng oras, tila nahirapan siyang tuntunin ang mga ito.

Dahil bigong mahanap ang kinaroroonan nila Kyungwan at Nabong, nagdesisyon na lamang siyang tahakin ang pamahalaan. Maaaring sabihin ng iba na isang katangahan ang desisyon niyang iyon ngunit sa puntong ito, wala na siyang ibang magagawa kundi mag-ingat na lamang nang mabuti upang hindi siya mahuli ng mga sundalo.

Walang lugar ang takot sa kanyang puso't-isipan sapagkat kailangan niyang kumuha ng halamang-gamot na sa hardin ng pamahalaan lamang makukuha. Alam niya sa kanyang sarili na isang maling galaw lamang niya ay maaari siyang mapahamak dahil na rin sa dami ng sundalo na nakapaligid sa pamahalaan.

Maingat niyang initago ang kinaroroonan ng kanyang ginamit na kabayo sa hindi kalayuan. Hindi muna siya nagpadalos-dalos. Hinintay muna niya ang pagkakataon na walang sundalong naroroon malapit sa kumpol-kumpol na mga mamamayan ng pamahalaan.

Kinuha niya ang pagkakataong iyon upang makisabay sa maraming mamamayan na abala sa kani-kanilang gawain. Minabuti niyang huwag makipagtitigan o makipagtinginan sa ibang taong nakakasabay at nakakasalubong sa paglakad upang maiwasan ang sobrang paghihinala dahil sa hindi pamilyar ang mukha niya sa lugar.

Isa lamang ang nasa isip niya sa mga oras na 'to. Kailangan niyang makakuha ng halamang gamot para sa kanyang mga kasamahan sa kampo na nangangailangan nito.

Matagumpay siyang nakalihis ng daan kung saan walang ibang tao na maaaring makakita sa kanya. Binilisan niya ang kanyang kilos upang marating ang hardin ng pamahalaan. Swerte namang walang sundalo na nakabantay sa lugar.

Lumingon muna siya sa paligid bago tuluyang simulan ang pagpitas ng mga halamang kailangan niyang kunin.

"Anong ginagawa mo dito?" Agad na nanlaki ang mata ni Moira nang may marinig siyang tinig ng isang babae.

Sa puntong 'yon, hindi agad siya nakapagsalita o nakakilos man dahil sa kabang naramdaman.

"Sumagot ka. Sino ka? Anong ginagawa mo dito? Bakit nangahas kang sirain ang paglilibot ko sa hardin na ito? Alam mo bang hindi basta-basta nakakatungtong sa lugar na ito ang mga mamamayan ng pamahalaan? Ang lakas ng loob mo!" Tanong muli ng babaeng nasa likuran niya. Akma na sana siyang tatakbo upang makatakas nang maramdaman niya ang isang espada na tumutok sa kanyang likuran.

It's You [SaiDa Fanfic]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon