31 : Pakiusap

448 16 2
                                    

Sa kagustuhang makalabas mula sa kubong kinaroroonan, minabuting pilitin ni Dahyun na buksan ang pagkakatali ng pintong kahoy.

"Huwag mo nang ipilit buksan 'yan." Rinig niyang sigaw ng isang bantay sa labas ng kubo dahilan para mapahinga siya nang malalim bago tuluyang ituloy ang pagpupumilit na makalabas.

"Palabasin niyo ko dito. Kailangan ko kayong makausap!"

"Tumahimik ka!" Sigaw ulit ng bantay sa labas kaya naman mas nilakasan  pa ni Dahyun ang pagkakalampag ng kahoy na pinto. Sandaling tumahimik sa labas.

Agad siyang nagtaka kung bakit tila hindi na sumasagot ang bantay sa labas. Makalipas ang ilang segundo, agad na bumakas ang pintong kahoy. Napaiktad si Dahyun sa kinatatayuan. Nawalan siya ng balanse kaya naman napaupo siya sa lapag.

"Gusto mo ba talagang masaktan?!" Tumambad sa kanyang harapan ang rebeldeng naaninagan niya bago tuluyang mawalan ng malay matapos makipagsagupaan sa mga sundalo ng pamahalaan. Walang iba kundi ang rebelde na nagpakilala bilang Moira.

"Palabasin niyo na ako. Gusto ko lang namang makalabas." Paliwanag ni Dahyun sa kanya ngunit tinutukan lamang siya nito ng espada.

"Hindi ka ba nakakaintindi? Hindi ka pwedeng lumabas. Nandito ka sa teritoryo namin. Hindi ka namin kilala. Hindi namin alam kung anong pakay mo samin. Hindi kami nakakasigurado kung may dala ka bang panganib o wala. Kailangan naming makasigurado!" Matapang na sagot sa kanya ni Moira.

"Hindi ako kalaban. Tingnan mo, wala nga akong hawak na armas eh." Depensa ni Dahyun.

"Wala? May dala kang espada nang mamataan ka namin. Nakikipaglaban ka sa mga sundalo ng pamahalaan. Malakas ang kutob naming may koneksyon ka sa kanila. Wala kang hawak na armas ngayon? 'Yun ay dahil kinumpiska namin ito para wala kang masaktan na kahit isa samin." Dagdag ni Moira sa kanya kaya naman agad na napakamot-ulo si Dahyun.

"Tama. Kinakalaban ko nga ang mga sundalo ng pamahalaan nang maabutan niyo ko. Hindi pa ba sapat na ebidensya 'yon para sa inyo? Hindi ko sila kakampi. Kalaban ko sila. Sa katunayan, hinahanap ko nga 'tong kampo niyong mga rebelde."

"At bakit mo naman kami hinahanap? Para maituro sa mga sundalo ng pamahalaan? Hindi mo kami maiisahan."

"Ang gulo niyo naman. Kung iniisip niyo na may dala akong kapahamakan, bakit dinala niyo ko dito sa kampo niyo? Bakit tinulungan niyo ko kanina laban sa mga sundalo ng pamahalaan? Bakit iniligtas niyo ko?" Agad na tanong ni Dahyun dahilan para matahimik si Moira.

"Hindi ka namin iniligtas. Sadyang sagabal ka lang sa laban sa pagitan ng grupo namin at ng mga sundalo ng pamahalaan. Bakit dinala ka namin dito? Malakas ang kutob naming may makukuha kaming impormasyon mula sayo upang mapabagsak ang pamahalaan."

"Ganun naman pala eh. Eh di pakawalan niyo na ako. Nangangako naman ako na wala akong gagawin na masama sa inyo. Hindi ako tatakas. Hindi ako gagawa ng anumang kaguluhan." Initaas pa ni Dahyun ang kanang-kamay tanda ng pangakong kanyang binitawan.

"Sa tingin mo mapapaniwala mo kami? Diyan ka lang sa loob hangga't hindi kami nakakapagpulong sa magiging desisyon namin tungkol sayo."

"Aish. Wala na tayong oras. Wala na akong oras. Kailangan ko kayong makausap nang maayos. Kailangan kong iligtas ang mga kaibigan ko. Nasa peligro ang buhay nila. Nasa peligro ang buhay ko. Nasa peligro ang buhay ng maraming inosenteng tao!"

"Hindi mo na mababago ang desisyon namin. Mananatili ka dito sa loob hanggang sa makapagdesisyon kami." Agad na tumalikod si Moira upang muling saraduhan ang pinto't hayaan si Dahyun na manatili sa loob ng kubo.

It's You [SaiDa Fanfic]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon