Chapter - 05

1.1K 132 152
                                    

MIRASOL

Nakahinga ako nang maluwag nang salatin ang noo ni Nanay at madamang hiniglawan na ito ng lagnat. Kanina pa kasing umaga masama ang pakiramdam ng ina pero pinilit pa rin nitong kumilos sa mansyon para walang masabi ang mga tao roon. Bago kami matulog ay natuloy ang lagnat nito. Mabilis akong humingi ng gamot kay Bing saka pinainom kay Nanay. Ngayon lang madaling araw bumuti ang pakiramdam nito na labis kong ikinapanatag.

Inayos ko ang kumot sa bandang tapat ng dibdib ni Nanay bago kinuha ang mga ginamit na baso at palangganita. Dinala ko ang mga iyon sa kusina. Siniguro kong maayos iyon bago nagpasyang bumalik sa silid naming mag-ina. Natigilan lang ako sa paghakbang nang may mamataan sa table. Napansin ko ang lalagyan ng cookies na nakita ko noon na inihain kina Señorito at sa mga bisita nito. Hindi ko napigilang mapalunok.

Hindi naman ako patay-gutom o matakaw, pero curious kasi ako kung ano ang lasa niyon. Amoy pa lang kase ay tila kay sarap na. Hindi ko tuloy napigilan ang tiyan sa pagkulo. Natutukso akong kumuha pero malalagot ako kay Bing. Mahigpit na patakaran sa bahay na iyon na hindi maaring pakialaman ang pagkain ng mga amo namin, lalo na ang kay Señorito Yuan. Kaya nga todo lunok na lang ako sa mga nakikitang stock ng snacks nila sa pantree room. Pangarap kong makakain ng ganoon.

Lumaki kami na tamang pandesal at tigsa-sampung pisong palaman lang ang kinakain tuwing umaga o kahit meryenda pa. Naalala ko pa nga noong sumuweldo si Kuya Romel, nagdala ito ng burger at fries mula sa sikat na fastfood chain. Sobrang saya ko noon. Kaya lang hindi na naulit.

Siguro para sa iba'y napakababaw lang niyon. Pero sa tulad naming lumaki sa mahirap na pamilya—ang makakain ng masarap ay isa ng dream-come-true para sa amin lalo na sa katulad kong bata. Sabi ni Nanay Flor, huwag na lang daw kaming maghangad ng mga bagay na wala kami para hindi kami masaktan. Tulad halimbawa ng biscuit na ito. Pahara-hara sa mata ko, hmmm...

Gusto ko nang umalis sa kusina kaya lang—tukso talaga ang biscuit na iyon. Lumapit ako saka kinakabahang luminga sa paligid. Alas-tres pa lang ng madaling araw at tulog pa ang mga kasambahay. Wala naman sigurong makakakita kung kukuha ako kahit isang piraso lang ng biscuit. Hihingi na lang ako ng sorry kay Papa Jesus kasi alam ko namang masama ang gagawin ko.

Isa lang! Titikman ko lang kung ano'ng lasa. Sabi ko sa sarili bago dahan-dahang binuksan ang lalagyan niyon. Halos mangatal ako sa sobrang kaba nang kumuha ng isang piraso ng biscuit. Dali-dali akong yumuko bago kumagat doon. Unang tikim ko pa lang ay para na akong tumama sa jueteng. Ang sarap! Nakangiti ko iyong nginuya habang panay ang lingon. Pagkaubos ay tumuwid ulit ako ng tayo. Tahimik pa rin ang paligid kaya nakahinga ako ng maluwag.

Sabi ko'y isa lang, titikman ko lang, pero parang ayoko nang tigilan nang malasahan ko. Walang ganoong biscuit sa tindahan nina Aling Thelma. Kaya naman kinuha ko ulit ang lalagyan para dumampot ulit ng isa. Kaya lang ay bigla akong nakarinig ng pagbukas ng main door. Natakot ako at sa pagkataranta ko ay agad akong naghanap ng mapagtataguan. Binuksan ko ang isang cabinet sa ilalim ng counter table at pumasok doon. Napakagat-labi pa ako nang mapansing dala ko ang lalagyan ng tinapay pero nasaan ang takip?

Naku po! Naiwan ko yata sa lamesa. Hiniling kong sanay huwag magawi sa kusina ang sino mang dumating.

"Bing!!"

Nanlaki ang mga mata ko mula sa pinagkukublian pagkarinig sa tinig ni Señorito Yuan. Muntik na akong masamid sa nginunguyang biscuit. Lagot ako kapag nahuli niya. Baka palayasin kami ni Nanay. Para tuloy akong maiiyak sa sobrang pagsisisi sa nagawa.

"S-Señorito?" boses ni Bing.

"Sino ang nagwalis ng labas kanina?"

"P-Po? Si Salome po, bakit?"

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon