Moneth
Iiling-iling na lang ako nang biglang magtatakbo palayo ang weird na lalaki matapos nitong idikit sa dingding ng karinderya ang poster na dala. Baliw yata iyon! Huminga ako nang malalim at tangka itong tanggalin nang bigla kong mamataan si Aling Thelma na paparating doon. Hawak ang kaniyang pamaypay at tikwas ang kilay na tumingin ito sa mga lutong ulam na tinda ko.
“Sawa na sa delivery food mula sa mamahaling restaurant si Vienna, kaya naisip ko na dito na lang bumili,” wika nito habang pumipilantik ang mga daliri sa pagkumpas. Hindi na lang ako nagsalita at baka mas lumakas pa ang hangin na dala ng babae.
Napakatagal nitong pumili. Tanong pa nang tanong kung ano ang sinahog ko sa mga ulam. Kesyo maselan daw ang anak niya sa pagkain at kung ano-ano pang mga pagyayabang ang sinabi nito. Pinilit ko na lang manahimik kahit iritang-irita na ako sa pakikinig.
“May poster pala rito ang VBC, sinong naglagay nito?” mayamaya ay tanong ng ginang nang mapansin ang ipinatse ng weird na manong kanina.
“May naglagay lang ho, eh,” napilitan kong sagot.
“Tsk! Hindi bagay sa dingding n’yo. VBC iyan, eh.” anito. Pagkuwan ay tumitig sa akin. “Huwag mong sabihin na mag-a-apply ang kapatid mong si Mirasol sa VBC?”
Natigilan ako sa tanong ni Aling Thelma. “B-bakit naman po?”
“Naku! Moneth. Masyadong mataas ang standard ng kompanyang iyon. Alam mo naman ang background n’yong magkakapatid, ‘di ba?”
Nagpantig ang tainga ko sa sinabi ng matanda subalit pinilit ko pa ring magpakahinahon. “Ano pong ibig niyong sabihin?”
“Ang sinasabi ko ay pigilan mo ang kapatid mo sa pagiging ambisyosa! Hindi porket may karangalan siyang nakuha sa kolehiyo ay makakapagtrabaho na siya sa mataas na kompanya. Huwag mo sana siyang itulad sa iyo—”
“Ano ho?” tiim ang bagang kong reaksyon. Nanginig ang kamay ko sa pagpipigil ng galit.
Ngumisi si Aling Thelma na tila tuwang-tuwa pa. “Hindi ba at pumatol ka sa mayamang lalaki dahil sa nag-aambisyon kang makaahon sa hirap? Oh, tapos anong napala mo? Binuntis ka lang at hindi pinanagutan! Ganoon din si Mirasol. Masyadong mataas mangarap. Nag-aalala lang ako na baka magaya sa iyo ang kapatid mo sa pagiging ambisyosa—”
“Baka naman po natatakot lang kayo na masapawan ni Mirasol ang anak n’yong si Vienna?” putol ko rito.
Biglang nanlisik ang mata ni Aling Thelma saka ako walang habas na dinuro. “Ang kapal ng mukha mong bata ka! Wala ka talagang utang na loob! Noon pa man ay tutol na ako kay Bert na tulungan kayong magkakapatid dahil nga sa ugali ninyo!”
“Aling Thelma, sana naman po ay tigilan n’yo na kami! Wala naman kaming ginagawang masama sa inyo lalo na si Mirasol. Kung bakit galit na galit kayo sa amin!”
“Dahil matataas ang lipad n’yo! Akala mo’y mga kung sino kayo! At iyang bunso ninyo? Sabihan mo na huwag mangarap nang gising! Kung matanggap man siya sa Villanueva Builders ay tiyak na tagalinis lang!”
“Sobra na kayo!” naiiyak sa galit na pakli ko.
“Totoo lang ang sinabi ko. Makaalis na nga. Hindi na ako bibili ng ulam at baka magkasakit lang ang anak ko!” Pagkasabi niyon ay nagtatatalak pa rin ito na umalis sa karinderya.
Naiwan naman ako na nangangatal sa galit. Mangiyak-ngiyak akong naupo sa bangko habang iniisip ang mga sinabi ni Aling Thelma. Kung ibang tao lamang ito ay baka napatulan ko na. Iyon nga lang, tulad ng sabi nito ay may utang na loob pa rin kami sa kanilang mag-asawa. Kaya kahit anong pangbabatikos nito ay pinapalampas na lang namin.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...