MIRASOL
"Pasensya na kayo, Moneth, Tonio, Mirasol. Alam kong alaala ng inyong ina ang bahay na ito, pero kailangan ko rin kasi ng pera. Ilang buwan na kayong hindi nakakabayad ng upa kaya wala akong pagpipilian kun'di paalisin na kayo. Huwag n'yo nang bayaran ang utang n'yo sa renta, tulong ko na iyon sa inyong magkakapatid. Pasensya na talaga!"
Iyon ang sinabi sa amin ni Aling Coni nang tuluyan na niya kaming paalisin sa aming bahay. Sobrang bigat sa dibdib ang nangyari pero ano ang magagawa namin? Hindi na kami ang may-ari ng bahay na iyon. Two years ago nang maratay ang nanay Flor namin dahil sa malubhang sakit. Nagkaroon ito ng stage three colon cancer. Pinilit naming maipagamot ang ina hanggang maisanla nga ang bahay para sa operasyon nito ngunit dahil hindi sapat ay nagkanda utang-utang kami. Dahil mahina na ang katawan ni Nanay ay hindi na nito nakaya ang operasyon. Namatay rin ito ilang buwan ang nakalipas.
Naulila kami at para mabayaran ang ilang utang ay tuluyang ibinenta ni Ate Moneth ang bahay kay aling Coni. Hindi naman na tumutol ang iba naming kapatid dahil naiintindihan ng mga ito ang lahat. Si kuya Romel ay nakatapos ng kolehiyo at may stable ng trabaho. 'Yun nga lang, hindi na ito nakatulong sa amin nang magka-asawa. Si kuya Jojo naman kasi ay hirap na hirap din sa dami ng anak nila ng asawa niya. Kaming tatlo nila Ate Moneth, at Tonio ang naiwan kasama si Lileth na isa pa ring labas-masok sa ospital dahil naman sa heart desease nito.
Dalawang taon kaming nangupahan sa dati naming pag-aaring bahay dahil ayaw naming iwan iyon. Naroon ang alaala ng aming ina. Mabuti na nga lang at mabait si Aling Coni, naiintindihan niya kami. Kaya lang ay nagipit na rin ito at kami naman ay hindi na makabayad nang mawalan ng trabaho si Ate at si Tonio naman ay humina ang raket sa parlor na pinagta-trabahuhan. Working student naman ako kaya kahit papaano ay nasu-suportahan ko ang sarili. Pero paano na ngayon? Alam kong kailangan naming magtulungan. Saan na kaming pupunta?
"Doon muna kayo sa bahay. Kaya lang hindi pwede si Lileth doon. Katabi ng basurahan ang bahay namin, eh. Baka hindi kayanin ng anak mo, Ate," wika ni Kuya Jojo na sumugod doon nang mabalitaan ang nangyari.
Kasalukuyan kaming naggagayak ng mga gamit namin. Hanggang bukas ang ibinigay na araw ni Aling Coni sa amin para umalis doon.
"Salamat, Jojo. Pero delikado si Lileth doon, eh. Maghahanap na lang muna ako ng pwede naming tuluyan pansamantala. Isa pa, hindi tayo kakasya kung doon kami tutuloy," malungkot na tugon ni Ate. Ito ang sobrang nasaktan sa pagkawala ng bahay namin. Mahal na mahal namin ang mga alaala na kalakip niyon.
"Ganoon ba? Oh, sige, aalis na muna ako. Kailangan ko pang pumasada. Basta kung wala kayong matuluyan ay dumuon na muna kayo kaysa sa kalsada kayo matulog."
Umalis na rin agad si Kuya Jojo. Laglag ang balikat naming tatlo nang matapos sa paggagayak. Hindi na nakapagpigil sa pag-iyak si Tonio. Ako man ay pinipigilan din ang luha ng mga sandaling iyon.
"Paano na tayo ngayon?" humihikbing tanong ni Tonio.
"Kailangan nating makahanap ng mas murang bahay. May natira pa naman ako sa ipon ko," sagot ni Ate Moneth.
Ito ang tumayong guardian namin nang mawala si nanay kaya sobrang laki ng utang na loob ko sa kanya. Kung ibang kapatid iyon ay baka pinabayaan na niya kami ni Tonio lalo at may anak itong binubuhay mag-isa.
"Paano ang mga gamot ni Lileth? Hindi ka pwedeng mawalan ng pera, Ate. Alam mong monthly ang check up ng pamangkin namin."
Bumuntong hininga si Ate.
"Humingi kaya tayo ng tulong kay Kuya Romel?" suhestiyon ko.
"Naku! Nagawa ko na iyan! Tinatawagan ko si Kuya kagabi, si Charlotte ang sumagot. Mantakin mong pagbabaan ako ng telepono? Bruhang 'yon!" nanggagalaiting reaksyon ni Tonio.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...