Chapter - 114

590 84 68
                                    

Mirasol

Kasalukuyan ko nang iginagayak ang mga gamit at damit ko sa kahon nang dumating si Yuan sa bahay. Sinundan niya ako sa silid at nagtaka pa ito nang makita ang ginagawa ko.

“Babe, bakit ang sama ng tingin ni Moneth sa akin pagdating ko? Saka ano iyang ginagawa mo?” tanong nito nang maupo sa tabi ko.

“Naggagayak ng gamit ko. Nagpaalam na ako kay Ate na sa sasama na ako sa iyo. Gaya ng napag-usapan natin,” sagot ko na ikinabilog ng mga mata niya.

“P-pumayag siya?” hindi makapaniwalang tanong ng binata.

Napangiti tuloy ako. Para siyang nanalo sa lotto na hindi malaman kung paano papartihin ang pera. “Oo naman. Bakit naman siya hindi papayag? Ikakasal na rin naman tayo pagkatapos nila.”

Napatayo ang nobyo at ilang sandaling hindi malaman ang sasabihin. Nagpalakad-lakad ito sa maliit kong silid at ako naman ay sinusundan lang siya ng tingin.

“H-hindi ka ba natutuwa? Sasama na ako sa iyo kahit saan,” medyo nag-aalangan kong tanong sa kanya. Naisip ko kasi na baka masyado akong nagpadalos-dalos ng desisyon.

“Syempre gusto! Nabigla lang ako. Hindi ko pa napapaayos ang closet sa bahay—”

“Okay lang iyon. Konti lang naman ang mga damit ko. Saka aalis din naman tayo ro’n kapag nagawa na ang bahay natin, 'di ba?”

Tumango ito saka ulit tumabi sa akin. “Itatawag ko na lang kay Mommy, baka magawan niya agad ng paraan.”

“Okay lang ba sa kanila? I mean, pwede naman tayo sa condo—”

“Hindi na muna tayo pupunta roon!” biglang sabi nito na naging seryoso ang tinig. Nagtaka tuloy ako.

“B-bakit naman?”

“W-wala. M-may multo raw kasi do’n sabi no’ng guard.”

“Multo? Naniniwala ka ro’n?”

“Oo naman. Basta huwag na tayo roon. Kung sa penthouse naman ay hindi rin pwede. Naging love nest kasi iyon ng parents ko, e.”

Ngayon ko lang narinig ang tungkol sa penthouse. Pero seryoso? May multo sa condominium building nila? Parang ang weird naman ni Yuan. Pero okay na rin sa akin. At least malalayo siya kay Shine. Mas gugustuhin ko pa sa mansion nila kaysa roon.

“Pero, Babe, sana hinintay mo man lang muna ako para sabay tayong nagsabi sa ate mo. Ang sama tuloy ng tingin sa akin.”

Bahagya akong natawa sa reaksyon ng mukha nito. Tiklop talaga ito sa ate ko. “Okay lang iyon. Hindi naman galit si Ate. Pumayag na nga, e.”

“Sabagay.”

Mayamaya ay tinulungan na ako ng binata sa paglalagay ng mga natitirang gamit sa kahon. Pagtapos ay tinawag niya ang ilang tauhan na nasa labas at ipinahakot ang mga iyon sa sasakyan. Pagbaba ko ay naghihintay ang mga kapatid ko sa sala kasama sina Lileth at Samuel. Kahit papaano ay nalulungkot ako sa ginawang desisyon. Hindi pa naman ako sanay na wala si Ate Moneth. Pero ganito naman talaga. May kanya-kanya na kaming buhay ngayon. Hindi tamang dumipende na lang ako sa kanila habang panahon. Isa pa, bubuo na rin ito ng pamilya niya. Hindi naman tama na kasama pa rin niya kami. Nakakahiya kay Samuel.

Si Tonio naman ay alam kong nakakaunawa rin. Batid ko na pareho kami ng iniisip kaya nga ayaw nitong sumama kina Ate pagkatapos ng kasal. Panahon na para tumayo kaming dalawa sa sarili naming paa at palayain si Ate Moneth sa responsibilidad na inako. Maghihiwalay man kami ng tirahan ay hindi ibig sabihin na hindi na namin pinahahalagahan ang isat-isa. Basta ang importante, alam naming may matatakbuhan kaming totoong pamilya ano man ang mangyari.

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon