Mirasol
Sa Tagaytay idinaos ang despidida party ng kaibigan nina Yuan. Suot ang simpleng dress na binili ng nobyo ay dumiretso na kami roon pagkatapos ng trabaho. Magarbo ang nasabing party at lahat ng naroon ay pawang mayayaman.
Pagpasok pa lang namin sa hotel ay kinawayan na kami nina Patrick at Xyren na nasa isang table. Natuwa ako pagkakita kay Trisha na tunay ngang naroon din gaya ng sinabi ng nobyo.
"Mirasol! Mabuti't nakasama ka," nakangiting saad ng dalaga sa akin. Bumitaw ako sa braso ng nobyo at sumalubong dito.
"Kung hindi sinabi ni Yuan na pupunta ka ay hindi ako sasama rito. Nakakahiya!" tugon kong pabulong kay Trisha.
Saka kami sabay na naupo sa bangko. Katabi ito ni Patrick na todo ang ngiti sa akin. Sumunod dito ay si Xyren na walang kapareha. Bale lima lang kami sa round table na iyon.
"Ayoko nga sanang um-attend. Kaya lang ay magagalit si Patrick. Paalis na ulit kasi ako patungong Canada next week."
"G-ganoon ba?" Medyo nalungkot ako sa nalaman.
"Oo. Pero babalik din naman agad ako. Kailangan sa trabaho ko iyon. Anyway, 'musta na? Balita ko'y kayo na ni Yuan?" pabulong din nitong tanong sa huli.
Namula naman ako at lihim na nilingon ang nobyo. Busy ito sa pakikipag-usap kay Xyren.
"O-oo, eh," ang nahihiya kong sagot kay Trisha.
"Huwag kang mahiya sa akin. Alam ko na ang tungkol diyan, noon pa man."
Tumango ako rito. Mayamaya ay may naalala ako kaya saglit kong inaya ang dalaga para makapag-usap kami nang sarilinan. Panandalian kaming nagpaalam sa mga lalaki at pumayag naman sila.
"Ano'ng sasabihin mo?" she asked nang makarating kami sa garden.
"May gusto lang akong linawin. Ikaw ba ang bumili ng bahay namin?" diretso kong tanong dito.
Saglit naman itong natigilan bago mayamaya ay tumango.
"Iyon lang kasi ang alam kong paraan para makabawi sa inyo. Inilihim ko iyon dahil alam kong galit sa akin si Ate Moneth," malungkot nitong sagot.
I sighed. "Pasensya kana kay Ate. Alam mo, sobrang sama lang talaga ng loob niya pero sigurado ako na hindi siya galit sa iyo. Marami lang siyang pinagdaanan nang mawala si Nanay kaya ganoon siya," nagpapaunawa kong saad sa dalaga.
"I understand. Kaya nga gumagawa ako ng paraan para makalapit ulit sa inyo. Natatakot lang ako na baka itaboy ulit niya."
"Sorry, Trisha. At salamat dahil hindi ka sumusuko sa kapatid ko."
"Halos kasabay ko kayong lumaki noon. Kahit hindi kami close ay alam kong itinuring niya pa rin akong kapatid."
Ngumiti ako rito. Sayang nga at hindi ko maalala noong nasa amin pa ito. Masyado pa akong bata noon at ang tangi kong natatandaan ay nito nang nasa Marikina na kami.
"Oo. Mabait naman si Ate, eh. Huwag ka sanang magalit sa kaniya-"
"Okay na iyon. Ang importante ay ang ngayon!" anito saka binago ang topic. "Masaya ako sa relasyon n'yo ni Yuan. Pero mahal mo ba talaga siya?" tanong pa niya sa huli.
"Bakit mo naitanong?"
"I mean, bossy si Yuan. Malay ko ba kung tinakot ka lang niya? You know?"
Napatawa ako dahil doon. "Mahal ko siya. Hindi naman ako papayag na maging girlfriend niya kung hindi, eh."
"Sabi ko na nga ba. Basta kapag inapi ka ng lalaking iyon ay sabihin mo sa akin, okay? Ako ang bahala sa iyo!"
Tumango na lang ako para hindi na ito mag-isip pa ng kung ano. Sa totoo lang ay sobrang gaan ng loob ko kay Trisha. Siguro ay dahil nga nagkasama kami noon sa iisang bahay. Ramdam ko ang katapatan nito at ang pagiging totoo sa akin. Sana'y dumating ang araw na magkasundo na sila ni Ate Moneth.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...