Mirasol
Nakangiti lang ako habang pinagmamasdan ang pamangking si Lileth na masayang naglalagay ng mga gusto niyang pagkain sa cart. Naroon kami sa malaking grocery store sa bayan kasama si Ate Moneth. Unang sweldo ko sa trabaho kaya inaya ko sila na mamili roon. Sa totoo lang ay iyon ang unang beses na makakapamili kami sa loob ng store na iyon dahil may kamahalan ang paninda dito. Bukod doon ay sakop iyon ng malaking shopping center kaya mas malaki ang presyo ng mga produkto nito kaysa sa labas.
Balak kong ipasyal ang mag-ina kaya dito ko sila dinala. Lumaki kaming salat sa maraming bagay at nakakahiya mang sabihin ngunit ngayon lang kami makakapag-grocery sa ganoong lugar. Bagaman hindi kami ignorante kaya lamang ay hanggang palengke lang kami noon.
“Tita Sol, totoo bang pwede kong bilhin ang mga gusto ko?” hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Lileth na puno ng mga tsokolate ang dalawang kamay.
“Oo. Basta iyong hindi makakasama sa health mo ay pwede,” ang nakangiti kong sagot sa dalagita.
“Yes!”
Pagkasabi niyon ay kumuha ito ng sariling basket at inilagay ang mga nais bilhin. Nagkatinginan lang kami ni Ate habang natatawa. Sobrang babaw ng kaligayahan ni Lileth. Gusto kong iparanas dito ang mga bagay na hindi namin naranasan noon dahil sa kahirapan ng buhay. Hindi lang si Lileth kun’di maging ang mga anak ni Kuya Jojo.
“Baka naman maubos agad ang sweldo mo, Mirasol? Alam mo naman kung gaano katakaw ang batang iyan?” wika ni Ate habang tulak-tulak ang malaking cart.
“Hayaan mo na, Ate. Minsan lang naman ito. Saka malaki ang sweldo ko sa VBC. Makakabayad na tayo paunti-unti kay Aling Coni. Huwag ka na ring mag-alala sa bills natin. May ibinukod na ako para do’n.”
“Natutuwa ako dahil maganda ang trabaho mo. Ito na ang umpisa ng pagginhawa ng buhay natin. Pero huwag mo sanang ibuhos masyado sa pamilya natin ang lahat. Pumayag ako ngayon dahil unang sweldo mo pa lang. Pero sa susunod ay magtira ka ng para sa iyo.”
“Oo, Ate. Natutuwa lang ako na ipasyal si Lileth. Kung sasakto nga lang sana ang pera ko ay isasama ko rin iyong dalawang bunso ni kuya Jojo. Kaya lang ay baka kulangin.”
“Idaan na lang natin itong ibang pinamili natin sa kanila. Laging may sakit si Wilma kaya hindi na nakakapanahi. Halos hindi na tumitigil so pasada si Jojo ngayon.”
Nalungkot ako sa narinig. Lima ang anak ni Kuya Jojo at lahat iyon ay nag-aaral pa. Batid ko na hirap na hirap ang kapatid sa pagbuhay sa kaniyang pamilya. Nakikipasada lang ito ng tricycle at kakapiranggot ang kita. Kapag nakaipon ako ay plano kong bilhan ito ng sarili niyang tricycle. Saka ko na babawiin ang kwintas kay Vienna kapag nagawa ko na iyon.
Pauwi na kami sa bahay matapos dumaan kina kuya Jojo. Naglalakad na kami sa daan nang may mamataan kami ni Ate Moneth sa ‘di kalayuan.
“Si Tonio ba iyon?” patanong nitong baling sa akin.
“Oo, si Tonio nga,” tango ko.
“Sino iyong kasama niya?”
“Boyfriend niya iyan, Mama. Nakita ko na iyan sa bahay natin. Isinama ni Tita Tonio nung isang araw,” sabat ni Lileth.
Maang kaming nagkatinginan ni Ate. Walang sinasabi sa amin ang baklang kapatid na may nobyo na ito. Pagkauwi sa bahay ay kinausap siya ni Ate.
“So, may boyfriend ka na nga? Nagdadalaga ka na, ganoon?” gagad ni Ate Moneth kay Tonio.
Pinagmasdan ko ang hitsura ng baklang kapatid. Ibang-iba na ito kaysa noon. Hanggang likod na ang buhok niya na kulay blonde. Naka-make up at pulang-pula ang labi. As in baklang-bakla na ang hitsura nito.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...