Samuel
Saglit akong tumakas sa trabaho para puntahan si Lileth sa kanila. Nag-message kasi ang anak ko na may pag-uusapan daw kami na ayon dito ay hindi pwedeng ipagpabukas. Tungkol daw sa bago naming magiging negosyo. Hindi na kasi ito pinayagan ng nanay niya na magluto nang magluto ng yema. Sabagay, mas mabuti nga na itinigil na niya iyon dahil sumasakit na ang ngipin ng mga kasamahan ko sa kakakain niyon. Ano naman kaya ang bagong naisip ng bata? Masyado itong business minded. Mana kay Moneth.
Pagdating ko ay nasa school pa pala ito kaya dumiretso muna ako sa karinderya para tingnan ang Mama niya. Baka magkasalisi kami kung susunduin ko pa ito sa school. Wala rin doon si Moneth at ang naiwan ay si Grace na hindi magkandamayaw sa pagluluto at pagsisilbi sa mga customer. Tanghalian na kasi kaya maraming kumakain.
“Nasaan si Moneth?” tanong ko nang sumilip sa kusina.
“May binalikan lang saglit sa palengke. Baka kasi mawala ay sayang,” anito.
Tumango ako saka tiningnan ang niluluto ng dalaga. “Ano iyan?” nguso ko sa mga gulay na iginagayak niya.
“Isisinigang ko. Ako ang pinagluluto ni Ate nito dahil hindi niya makuha ang timpla,” anito.
Ganoon? May hindi pala kayang lutuin si Moneth. Pero sa totoo lang, pwera pagyayabang ay mas magaling pa ako ritong magluto. Nagtataka nga ako sa sarili kung bakit hindi pagiging chef ang kinuha kong kurso. Sa condo ay madalas na ako ang nagluluto sa sarili ko kapag may oras.
“Gusto mo ako na muna diyan? Ang daming customer sa labas, eh. Asikasuhin mo na sila,” alok ko sa dalaga na agad namang natuwa.
“Sige nga, Kuya. Natataranta na rin kasi ako. Ang tagal ni Ate Moneth.”
Iyon na nga ang nangyari. Pinakialaman ko ang sinigang at nag-feeling chef doon na parang walang trabahong naghihintay. Itinupi ko pa ang manggas ng suot kong dress shirt. Ilang minuto lang ay luto na ang sinigang ala-Samuel. Mabilis ko lang natapos dahil nagayat na naman ni Grace ang lahat ng sangkap. Ako na rin ang nagbuhat at inilagay iyon sa katabi ng mga ulam. Dumami lalo ang tao paglabas ko.
Natuwa ako sa positive na komento ng mga customer sa sinigang. Lalo na iyong free lang ang sabaw. Buti dinamihan ko ang tubig.
“Miss, ang sarap ng sabaw ninyo ngayon, ah? Hindi na nakakangiwi sa asim!” ang natatawang komento ng isang lalaki na parang regular doon.
“Kuya, magaling ka palang magluto,” natutuwang bulong naman ni Grace sa akin.
“Konti lang. Na-master ko lang iyan noong nagdo-dorm ako,” pa-humble kong sagot.
Siya namang pagdating ni Moneth mula sa likod na pintuan ng karinderya. May bitbit itong bayong at inilagay niya iyon sa isang lamesa.
“Pasensya na, Grace, natagalan ako. Ang hirap makakuha ng tricycle sa labasan. Nakakagutom—” napatigil ito sa pagsasalita nang makita ako.
Binati ko lang siya sa pamamagitan ng isang tango pero hindi niya iyon ginantihan. Ni hindi man lang nagtanong kung bakit ako naroon. Tingin ko pa nga ay parang inirapan pa niya ako. Mas sumungit ito kaysa noon. Dati kasi, kahit inis siya sa akin ay kinakausap pa rin niya ako.
Ilang saglit ay dumating na rin ang anak ko. Unti-unti na ring nabawasan na ang mga tao at iilan na lang ang naroong kumakain.
“Moneth, the best ang sinigang n’yo ngayon. Bukas ulit, ha!” sabi pa ng isa bago umalis.
“Anong meron sa sinigang?” kunot-noong reaksyon ng dalaga. Nagkatinginan naman kami ni Grace. Sasagot sana ito pero may nagpa-take out ng ulam.
“Papa, sabay tayong kumain,” aya naman sa akin ni Lileth na hinahainan na ng mama niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/272483016-288-k342018.jpg)
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...