Mico
“Anong sabi mo? Ia-adjust mo ang flight n’yo pag-alis?” nabiglang reaksyon ni Lucas nang sabihin ko rito ang desisyon. Tamang-tama kasi na nakipagkita sa akin ang binata kaya sa isang restobar kami humantong.
“M-may dahilan kaya ko ginawa iyon.”
“Ano? Ikaw itong nagmamadaling makaalis. Tapos kung kailan nand’yan na ay saka ka pa aatras,” iling nito.
Bumuntong-hininga ako. Ayoko munang ipagsabi sa iba ang kinakaharap kong sitwasyon ngayon. Bukod sa personal iyon ay masyado pang masakit sa akin ang lahat.
“Hindi ko pa masasabi sa ngayon ang dahilan ko pero buo ang pasya ko na i-adjust ang pag-alis namin,” saad ko sa binata.
“Ikaw ang bahala. Ano pala iyong itatanong mo sa akin?” usisa nito mayamaya.
“Itatanong ko lang sana kung may kilala kang magaling na private investigator.”
“Ha? Bakit naman? Anong ipagagawa mo?”
“Basta! Huwag mo na lang munang alamin, pwede?”
He sighed bago muling umiling. “Si Samuel lang ang kilala kong magaling sa ganyan,” anito.
Tama! Si Samuel. Ngayon ko lang naalala. Pero hindi pwede dahil tauhan ito ni Yuan. Baka malaman pa ng lalaki ay kung ano pa ang isipin.
“Bukod kay Samuel, wala na bang iba?”
“Wala na. Magaling iyon kaya bakit ka pa maghahanap ng iba?” ani Lucas.
“Ayoko lang na may masabi si Yuan. Alam mo naman na tauhan niya iyon.”
“Malalaman ba niya? Mapagkakatiwalaan si Samuel kaya huwag kang mag-alala. Nagmamadali ka, ‘di ba? Kung siya ang uutusan mo ay hindi aabutin ng buwan ang resulta ng kung ano mang ipagagawa mo.”
Tama ang binata. Si Samuel ang kailangan ko. Noon pa man ay puring-puri na ito ni Tito Paolo sa galing magtrabaho. Wala naman sigurong masama kung susubukan kong pakiusapan ang lalaki.
Samuel
Katatapos ko lang maglinis ng bahay nang makatanggap ng text messages mula kay Mico. Nais daw nito na makipagkita sa akin nang pasikreto. Kinabahan tuloy ako at nagtaka. Ano kaya ang kailangan ng binata sa akin?
Ganoon pa man ay um-oo ako rito. Agad akong naligo at nagbihis. Medyo malayo ang meeting place na sinabi ni Mico kaya bibilisan ko ang alis.
Pagbaba ko ay nakita ko ang asawa na kausap ni Tonio sa sala. Nagpaalam ako na may pupuntahan.
“Kakakasal lang natin pero kung saan-saan ka na agad nagpupupunta. Huwag mong sabihin na may ini-uutos na agad sa iyo si Yuan?” reaksyon ni Moneth na ikinakamot ko sa ulo.
Gusto ko sanang sabihin na naiinip na ako roon. Sanay kasi ako na laging may ginagawa. Hindi ko rin naman ito masolo sa kwarto dahil lagi na lang siyang abala sa buong bahay. Kung sanay puro harutan ang honeymoon namin ay baka sakaling hindi ko ma-miss ang trabaho. Pero wala, e. Hindi uso kay Moneth ang mangharot.
“May kakausapin lang ako saglit, Mahal. Mabilis lang ako. Uuwi ako agad,” sabi ko.
“Hmmp! Ano pa nga bang magagawa ko? Ibili mo ako ng mangga pagbalik, ha!” bilin pa niya na ikinangiti ko. Talaga yatang may laman na ulit ang tiyan nito.
Habang nagda-drive ay todo lista na ako sa utak kung sino ang kukunin kong mga ninong at ninang ng pangalawa naming anak. Dapat iyong magaganda ang ugali at hindi kuripot.
Syempre nangunguna sa listahan si Mirasol. Tapos si Riko dahil tiyak naman na kukunin ito ng asawa ko. Ayokong maging kumpare sina Yuan, Xyren at Patrick dahil mga spoild brat sila. Si Lucas ay pwede pa kaya lang ay may pagka-kuripot ang lalaking iyon. Baka bente lang ang ipamasko sa anak ko taon-taon.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...