Samuel
“Pasok na po ako,” nahihiya kong paalam sa tatay ko nang huminto ang kotse niya sa tapat ng university na pinapasukan ko.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay na tawagin itong papa. Lumaki akong hindi siya nakasama dahil nadisgrasya lang niya ang nanay ko noon. Saka lang ito dumating sa buhay ko nang mamatay si Mama.
May asawa ito at dalawang anak na babae. ‘Yung isa ay halos kaedaran ko at ang bunso naman ay mas bata sa akin ng limang taon. Mabait si Tita Emilia, asawa nito. Tinanggap pa rin niya ako sa pamilya nila kaya lang ay ako ang nahihiya. Pakiramdam ko kasi ay sampid lang talaga ako sa kanila. Mabuti na lang at pumayag si Samson— tatay ko, na mag-dorm ako malapit sa school. Nakakailang kasi sa bahay.
Criminal justice course ang inaaral ko at tuwang-tuwa si Samson. Tapos sabi niya gusto niya raw na ako ang pumalit sa kanya kapag nag-resign na siya sa amo niyang mayaman. Ayoko sa totoo lang dahil iba ang balak ko pagka-graduate pero makakatanggi ba ako kung ito ang nagpapaaral sa akin?
“Mabait ang amo ko. Magugustuhan mo rin ang magtrabaho sa kanya kapag naroon kana. Bukod sa malaki ang sweldo ay hindi ka pa uutusan ng kung sino-sino sa opisina. Doon ay si Sir Paolo lang ang mag-uutos.”
Oo na lang, Samson! sabi ko sa isip ko. Lagi na lang kasi nitong ipinagmamalaki ang boss niya sa akin. Na-curious tuloy ako.
Dahil laking probinsya ay hirap pa akong mag-adjust sa buhay-lungsod. Maraming bagay na bago sa akin. Nakakahiya man pero muntik na akong magtanggal ng tsinelas no’ng unang beses na pagsakay ko sa elevator. Mabuti na lang, mabilis akong nasanay.
“Samuel, sama ka sa ‘min mamaya, gusto mo?” aya sa akin ng kaklase kong si Jay.
“Saan?” tanong ko. Hindi ko naman sila kaibigan kaya nagtataka ako at inaaya niya ako. Mga bully kasi ang mga ito kaya umiiwas ako sa kanila.
“Iinom lang tayo. Birthday ni Chito kaya manlilibre siya sa Eco Bar.”
Eco bar? Saan naman iyon?
“Hindi ako umiinom,” tanggi ko.
“Sumama kana. Alam mo okay ka naman, e. Kaya lang mukha kang promdi. Bumarkada ka sa‘min para hindi ka ma-bully rito.”
Hindi ko naman sila gustong maging kaibigan. Pero dahil alam kong member sila ng isang frat group ay napilitan akong pumayag. Ayoko lang talaga kasi ng gulo. Pakikisamahan ko sila pero hinding-hindi ako makikipagkaibigan.
Pero mali ako. Mababait pala ang mga ito kahit takaw-gulo. First time kong magtungo sa isang bar kaya banong-bano ako. Inantok ako sa patay-sinding ilaw kahit hindi naman ako uminom ng alak. Mabuti na lang at hindi nila ako pinilit dahil ayoko talaga.
Iyon ang simula ng pakikipagkaibigan ko sa kanila. Mga anak-mayayaman ang mga ito at halos lahat ay may problema sa pamilya. Kaya siguro palainom sila para makalimot. Naging ka-close ko nga iyong lima lalo na si Chito at Jay. Noong magpa-tattoo sila ay nagpalagay rin ako sa likod. Dragon ang napili ko dahil year of the dragon ako isinilang. Wala lang. Masakit pala pero pakiramdam ko ay astig na rin ako.
Last year namin sa college nang sinubukan ko na tumikhim ng alak. Tuwang-tuwa sila dahil sa wakas ay pumayag akong uminom. Doon ulit kami sa Eco Bar dahil iyon ang pinakamalapit sa school.
Unang tagay pa lang ay halos umikot na ang paningin ko. Kaya tawa sila nang tawa.
“Putangina! First time niya talaga!” sabi ni Erwin.
![](https://img.wattpad.com/cover/272483016-288-k342018.jpg)
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...