Chapter - 67

818 103 59
                                    

Vienna

Papasok na ako sa entrance ng Villanueva Builders nang mamataan ang pagbaba ni Mirasol sa magarang kotse. Natigilan ako at balak sanang mag-usisa ngunit kasunod niyang bumaba roon ang aming CEO. Mabilis akong tumabi nang pumasok sila. Lahat ng empleyado sa lobby ay nagbigay ng pagbati at isa ako roon.

Tingnan mo nga naman. Akalain ko ba iyon? Hindi pa man ay para nang first lady ang Mirasol na ito sa kompanya. Tsk! Hindi ko tuloy malaman kung maiinggit dito o ano?

Well, kainggit-inggit naman kasi ang nangyayari sa buhay nito. Biruin mong sineryoso siya ng isang katulad ni Sir Yuan? Kaya nagtataka ako sa sarili. Kakatwang wala akong ibang nararamdaman tungkol doon. Para bang wala na akong pakialam sa kababata na mula noon ay kakompitensya ko sa lahat ng bagay.

Hmmm...

Napahinto ako sa tangkang paglakad nang makita ko si Riko na nakatingin din sa magkapareha na sumakay sa private elevator.

“Hi,” bati ko mula sa kanyang likuran.

“Ikaw pala, Vienna,” lingon nito na agad ngumiti sa akin.

“Ang aga mo, ah? Kumain kana ba?”

“Maaga talaga ako lagi. Nagkape ako sa bahay bago pumasok,” anito.

“G-gusto mo bang samahan ako sa coffee shop?” lakas-loob na alok ko. Ngayong sigurado na wala ng Mirasol sa pagitan namin ay gusto kong samantalahin ang pagkakataon na maging malapit dito.

Akala ko ay tatanggi siya kaya laking tuwa ko nang pumayag ito. Buti na lang at napigilan ko ang sarili na mapalundag sa labis na kasiyahan.

“Hindi ka ba naiilang? Janitor ang kasama mo,” anito matapos ilapag ng waiter ang order namin.

“What? Bakit naman ako maiilang. At ano naman kung janitor ka?” reaksyon ko.

“Wala lang. Ang layo lang kasi ng position natin at kitang-kita sa uniform,” saad nito.

“Riko. Huwag ka ngang ganyan. Magkaibigan na tayo, ‘di ba?”

“Oo naman. Nasabi ko lang iyon dahil baka may mapuna ang mga kasama mo kapag nakita nila tayo.”

Natigilan ako sa narinig. Pagkuwa’y nginitian ito.

“Wala akong pakialam sa iba, lalo na sa sasabihin nila. Position lang dito ang pagkakaiba natin,” sabi ko sabay yuko.

Pag-angat ko ng tingin ay nakita ko na titig na titig ito sa aking mukha. Kaya naman halos manginig ang kamay ko sa biglang pagkabog ng dibdib.

Napaka-gwapo nito. Kung kagwapuhan lang ang pag-uusapan ay walang dudang isa ito sa pinakagwapong lalaki na nakilala ko sa aking buhay. Ngunit tila hindi nito alam ang mga katangian na iyon.

“B-bakit ganyan kang makatingin?” nauutal kong tanong.

“Wala. Natutuwa lang ako sa iyo. Ang laki kasi ng pinagbago mo,” sagot niya.

“Ganoon? Ano ba ang ugali ko noon? Teka—huwag mo na palang sabihin,” kunwari ay pigil ko pa. Kaya sabay kaming tumawa.

“Ibig kong sabihin ay mas gumanda ang ugali mo ngayon. Mas gusto ko ‘yung ganitong ugali mo.”

Pinigil ko ang sarili na mapatili sa harap nito. Parang gusto kong maiyak. Ni hindi sumagi sa isip ko na darating ang araw na kakaibiganin ako ni Riko. Akala ko kasi ay ayaw niya sa akin dahil inaaway kong lagi si Mirasol. Pero ngayon, sa mga sinabi niya ay para akong nagkaroon ng pag-asa.

Dahil kay Riko kaya nakalimutan ko na ang makipagkompitensya kay Mirasol. Dahil din dito ay lagi akong puno ng buhay. Sunod-sunod na ang magagandang nangyayari sa akin at nagsimula iyon nang hindi ko na inaaway si Mirasol. Hmmm... Good karma ba ito?

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon