Samuel
Bumaba ako sa kotse nang mamataan ko ang dalagitang si Lileth na naglalakad patungo sa aking direksyon. Nakasuot ito ng uniporme at sukbit ang bag sa balikat.
“Psst!” tawag ko sa rito.
“Ako po?” tanong nito na itinuro pa ang sarili.
Malamang na siya! May iba pa bang tao roon bukod sa amin?
“Oo, ikaw! Lapit ka, dali!” nakangiti kong saad na kumukumpas pa ang kamay. Kanina ko pa napag-isipan ang plano at tiyak na si Lileth ang makakatulong sa akin.
Ngunit sa halip na lumapit ay huminto ito sa paghakbang saka ako sinipat ng tingin. “K-kilala n’yo ako?” bigla nitong tanong. Nagtaka pa ako nang tila lumiwanag ang mata ng bata.
“Hindi kita kilala. May iu-utos lang ako sa iyo,” sagot ko.
Lumaylay ang balikat nito saka nagkamot ng ulo. “Akala ko naman, kayo na ang tatay ko!” aniya na ikinalaki ng mga mata ko.
“Tatay?”
Mukha na ba akong may anak?“Opo. Sabi kasi ni Mama, matangkad daw ang papa ko. Tapos gwapo, may kotse, pero walang bayag dahil walang paninindigan!”
Napa-ubo ako sa huli nitong sinabi. Putragis na bata! At mas putragis ang nanay nito dahil kung ano-ano ang itinuturo sa kaniya.
“Hindi ako ang tatay mo!” saad ko. Bukod sa may bayag ako ay hindi ako nakikipag-sex nang walang condom! Ang angas ng dalagitang ito samantalang napaka-pinong kumilos ni Mirasol. Sabagay, baka sa nanay nagmana. Mukha namang may pagka-palengkera ang kapatid ni Mirasol batay sa lampas isang taon na lihim kong pagsubaybay sa mga ito.
“Okay. Mukhang hindi nga kayo. Hindi pala kayo pogi sa malapitan,” anito na humagikgik pa.
“Tsk!” iling ko. May katabilan din ang dila.
“Ano po bang ipapagawa niyo? Paalala lang, Mister, mahal ang talent fee ko, ha!”
Napakamot ako sa ulo. Hindi ako makasingit sa kadaldalan ni Lileth. Grabeng bata! Sino kaya ang tatay nito?
“Oo na. Babayaran kita. Mabilis lang ang ipagagawa ko.”
“Ano nga po?”
Kinuha ko ang mga printed paper sa kotse at ibinigay rito. “Ipamahagi mo lang ito sa mga tao. Referral letter iyan para sa interview ng kompanyang pinagtatrabahuhan ko.
“Ha, ano iyon?” inosente naman nitong reaksyon.
“Basta ipamigay mo lang. Kung may kakilala ka na nais ng trabaho ay ibigay mo lang ito. Alam na nila kung ano iyan,” wika ko. Sana naman ay magaling utusan ang batang ito.
“Ganoon lang?”
Tumango ako. “Oh, eto, isang libo. Sa iyo na iyan. Basta ipapamigay mo, ha?”
“Oo ba! Tamang-tama, naghahanap ng trabaho ang tita ko,” wika ni Lileth na ikinatuwa ko.
Hindi ko masabi sa dalagita na tita lang talaga niya ang kailangan kong madala sa VBC. Mahigpit iyong utos ng mayabang kong boss. Wala akong maisip na paraan kung paano mapupunta si Mirasol sa kompanyang iyon. Imposible naman kasi na hindi nito alam na nangangailangan ng maraming empleyado ang VBC. Kalat na iyon sa lahat at maging sa balita ay nai-ulat na rin ito. Pero nananatili ang dalaga sa karinderya.
Kahit nga alam kong makakagalitan ako ni Sir Paolo ay kinasabwat ko pa si Ma’am Yuna para sa referral na iyon na dapat ay sa on line application lang manggagaling. Sana lang ay kagatin ni Mirasol para matapos na ang trabaho ko.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...