Shine
Panay ang mga palihim kong sulyap kay Sir Yuan habang naroon kami sa conference room para sa mahalagang meeting. Sobrang dilim ng mukha nito na batid kong napupuna ng lahat ng naroon. Ilang beses pa itong nagpalagutok ng mga daliri habang nagtatagis ang bagang. Kababalik ko lang sa VBC at pakiramdam ko ay kay rami nang nangyari sa konting panahon na nawala ako.
Aaminin ko na nasaktan ako sa nangyari sa party. Nag-isip agad ako ng masama at mali ako roon. Nalaman ko kay daddy na kina Mirasol pala lumaki si Trisha at para na rin nilang kapatid ito. Kaya maaring mali lang ako ng hinala tungkol sa damit na isinuot ni Mirasol sa party. Napaka-imposible pati na magkagusto ang tulad ni Sir Yuan kay Mirasol. Hindi sa minamaliit ko ang dalaga pero tingin ko kasi ay iba ang mga tipo ng binata. Hindi sila bagay kung sa ugali pa lang titingin. Kaya matapos kong makapagnilay-nilay ay saka ko ipinasyang bumalik sa trabaho.
Pagkatapos ng meeting ay tumayo na kaming lahat at nagligpit ng gamit. Natigilan ako nang tawagin ng lalaki at sabihang manatili roon. Lumabas ang lahat at naiwan kaming dalawa kasama si Ms. Salud.
“Hinihintay talaga kitang bumalik para sabihin sa iyo na si Ms. Almario ang napili kong pumalit kay Salud,” ani Sir Yuan.
Lihim naman akong napamaang sa binata. Ang alam ko ay palpak ang naging result ng babae noon. Bakit ito pa rin ang napili niya?
“Pasensya na, Sir, kung matagal akong nawala. Biglaan kasi ang bakasyon ko. Pero ang akala ko po ay si Vienna ang pinaka—”
“No. Si Mirasol ang gusto ko. At matagal nang wala si Vienna rito!”
“Po?” gulat kong reaksyon.
“Ako mismo ang nagtanggal sa kaniya at ayoko nang sabihin pa sa iyo ang dahilan.” Pagkatapos niyon ay tumayo na ito sa kinauupuan. “I-transfer mo na agad si Mirasol sa office ko ngayong araw. Hinintay lang kita bilang respeto dahil ikaw ang leader niya,” dagdag pa nito bago lumabas kasunod ang secretary niya.
Naiwan akong natitigilan. Muli akong nakadama ng hinala pero pinilit ko iyong i-alis sa isip. Bakit tinawag niya sa pangalan si Mirasol? Iyong pagkakatawag nito ay iba ang idinulot sa aking dibdib.
No! Trabaho lang ang dahilan niya! giit kong pilit sa sarili.
Lumabas na ako roon at naglakad patungo sa elevator. Pagkasakay ko ay may ilang empleyada akong nakasabay na tila may pinag-uusapang kung ano.
“Totoo? Isinayaw siya ng CEO natin?” bulalas ng isa. Mukhang hindi nila ako pansin sa likod. Kumunot ang noo ko at inisip kung sino ang kanilang pinag-uusapan.
“Oo. Kaya nga ang daming galit sa babaeng iyon. Siya ang topic ng lahat dito. Masyadong ambisyosa! Nakakainis ang mukha. Halata namang nagpapanggap lang na inosente!”
“Tama. Imposible naman na patulan siya ng big boss natin. Ni hindi nga siya pwedeng ihanay sa mga magaganda rito. Napaka-common lang ng hitsura niya.”
“Correct. Ano nga’ng pangalan ng babaeng iyon?” tanong pa ng isa.
“Mirasol Almario daw. Palaisipan lang kung bakit mukha silang malapit ng CEO natin. Parang ang sweet pa nila no’ng magsayaw sa party.”
Natigilan ako sa huling narinig. Bumilis ang pintig ng aking puso dahil doon.
“Iyon nga rin ang pinagtatakhan ko, eh. Pero imposible kasi na magkakilala sila. Halos sa ibang bansa na nagbinata si Sir Yuan. ‘Yung girl ay taga-Marikina lang at ulila na sa parents.”
“Lalabas din ang totoo. Wala namang maiitago rito, eh.”
Para pa rin akong natutulala nang naglalakad na ako sa hallway. Hindi ko alam na nagsayaw ang dalawa sa party. Ibig sabihin ay nakita iyon ng lahat. Ano ba talaga ang totoo sa kanila?
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...