Chapter - 87

697 84 47
                                    

Mirasol

Naging madalas ang pagpunta ko sa bahay nina Mico upang bisitahin ang mommy niya. Pagkagaling sa trabaho ay nagbibihis lang ako at tumutungo na sa mansyon. Tuwang-tuwa naman si Ma’am Marisa. Napalapit na lng todo ang loob ko sa babae lalo na at itinuturing niya akong para talagang anak niya. Si Mico naman ay madalang ko lang maabutan doon dahil gabing-gabi na ito kung umuwi.

Dahil sa pagbisita ko sa kanila ay nalibang ako at nakalimutan ang pangungulila sa nobyong nasa Japan. Araw-araw naman itong tumatawag at minsan ay nagbi-video call kaya okay na iyon.

“Papunta kana naman do’n?” komento ni Ate Moneth nang makita niya ako na naggagayak ng menudo sa tupperware. Dadalhan ko niyon ang mommy ni Mico. Nasarapan kasi ito noong minsang ipagluto ko siya sa mansyon.

“Oo, ‘Te. Saglit lang naman,” sagot ko.

Bumuntong hininga siya matapos akong pagmasdan nang matagal kaya napatingin ako sa kanya.

“Alam kong nami-miss mo ang nanay natin. Kaya napalapit sa iyo ang matandang iyon. Pero, Sol, hindi mo siya nanay. Hindi kaya masyado ka nang naa-attached sa kanya?”

“Naaawa lang ako sa kanya, Ate. Kakaiba iyong sakit niya tapos lagi pang wala si Mico. Gusto ko lang tumulong,” paliwanag ko.

“Isa pa ‘yang Mico na iyan. Kaibigan siya nina Yuan, ‘di ba?”

“Oo.”

“Ang sa‘kin lang ay baka maipit ka sa mag-inang iyon. Hindi naman natin sila kamag-anak. Paano kung mapamahal sa iyo iyong nanay tapos bigla silang umalis ulit?”

Ako naman ang bumuntong-hininga. May punto naman si Ate. Pero ewan ko ba. Nagugustuhan ko kapag tinatawag akong anak ni Ma’am Marisa. Siguro nga ay dahil sa pangungulila ko sa isang magulang. Iyong parents ni Yuan ay mabait din naman sa akin. Pero hindi katulad ng trato ng mommy ni Mico ang trato nila sa akin. Pero si Ma’am Marisa, tingin talaga niya sa akin ay si Princess. Kapag sinusuklayan niya ako ng buhok at inaasikaso sa pagkain ay ramdam ko talaga ang pagmamahal ng isang ina. Kaya gusto ko itong alagaan kahit papaano. Wala naman sigurong mali roon. Iyon nga lang, hindi ko masabi kay Yuan ang tungkol doon.

“ANG laki ng pagbabago kay Madame mula nang binibisita mo siya lagi. Bukod sa hindi na siya sinusumpong ay lumalakas pa ang kain niya,” ang natutuwang saad ni Manang Judy sa akin habang pinagmamasdan namin ang tulog na babae sa kama.

“Mabuti naman po kung ganoon. Napalapit na rin po siya sa akin kahit papaano,” tugon ko rito.

“Sana pati si Mico ay mapalapit din sa iyo,” ngiti nito na ikinamaang ko.

“Po?”

“Mabait ka sa mommy niya at tingin ko ay mabuti kang tao. Para sa akin ay ikaw ang nababagay sa alaga ko. Marami siyang naging nobya pero hindi naging maganda ang trato nila kay Madame, kaya walang natagal na karelasyon ang batang iyon.”

Nataranta ako sa sinabi ng matanda. Kaya agad kong inamin ang totoo sa kanya. “M-may boyfriend na po ako, Manang.”

Nabigla naman ito sa narinig. “Ganoon ba? Pasensya kana. Akala ko’y wala pa. Sayang naman...”

Pinilit ko na lang ngumiti sa kausap. Mayamaya ay iniwan na namin si Ma’am Marisa sa silid nito. Uuwi na ako sa amin. Pero siya namang pagdating ni Mico. Napaaga yata ito ngayon?

Ngumiti ito pagkakita sa akin. Mukha itong pagod na pagod.

“Natutulog na ang mommy mo sa kwarto. Paalis na rin ako,” wika ko sa binata.

“Salamat. Mamaya kana umuwi. Sabayan mo muna akong kumain,” nakangiti nitong hiling. Kibit-balikat na lang akong pumayag at saka nag-text kay Ate Moneth na huwag na akong hintayin sa hapunan.

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon