Mirasol
Galit na galit si Ate Moneth sa nalaman. Umalis ito na nagpupuyos sa galit kaya napilitan akong umuwi nang maaga sa trabaho para sundan ito. Sa bahay ko na siya naabutan. Nagulat pa sa amin sina Tonio at Lileth na naroon din ng mga oras na iyon.
“Ate!” tawag ko sa kapatid.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin, ha? Bakit ka nagsinungaling sa amin noon? Siya ang pinagbentahan mo ng sarili pero ang sabi mo sa amin ay hindi mo kilala!” puno ng panunumbat na tanong nito. Si Tonio ay napatakip ang isang palad sa bibig at agad na sinaraduhan ang pinto at mga bintana ng bahay.
“H-hindi ko rin alam na siya iyon. Nito ko lang nalaman—”
“Sino’ng lolokohin mo?!” bulyaw nito na ikinabigla namin. Pagkuwa’y binalingan niya si Tonio. “Iwan n’yo muna kami, Tonio. Ilayo mo muna si Lileth!” utos nito sa isa naming kapatid.
“Mama, ayoko. Malaki na ako kaya maiintindihan ko na ang pag-uusapan ninyo!”
“Lileth! Isa ka pa!”
“Halika na, Lileth. Doon muna tayo sa itaas,” yakag dito ni Tonio. Napilitang sumunod ang dalagita.
“Ate, maniwala ka. Hindi ko alam na si Señorito ang lalaking iyon. Kaya nga nagulat ako pagdating niya sa VBC, eh,” giit ko nang maiwan kaming dalawa sa sala.
“At hindi mo pa rin sinabi sa akin nang nalaman mo na?”
Napayuko ako at saglit na hindi malaman kung ano ang isasagot. “S-sasabihin ko naman, eh. Kaya lang ay naghahanap pa ako ng tamang tyempo.”
“Mirasol, naman! Kailan mo balak sabihin? Alam kong ginugulo ka niya kaya lagi kang balisa mula nang maging CEO iyon sa VBC. Gumawa siya ng paraan para mailapit ka sa kaniya. Obsessed ang lalaking iyon! Hindi ka ba natatakot sa maari niyang gawin sa iyo?”
“Aaminin ko na natakot ako. Binalak ko pa ngang mag-resign. Pero, Ate, wala akong ibang pupuntahan. Nasa kompanyang iyon ang katuparan ng mga pangarap natin! Hindi ako pwedeng umalis doon basta!”
“Maraming kompanya sa Pilipinas bukos sa Villanueva Builders!” giit nito. “Mag-resign kana sa VBC!” ang sabi pa na ikina-angat ng aking mukha.
Ilang saglit ay umiling ako bilang pagsalungat sa nais niya. “H-hindi ko magagawa iyan, Ate,” saad ko.
“At bakit? Papayag kang ariin ng lalaking iyon na labag sa loob mo? Oh, baka naman gusto mo rin siya?” natigilan ito pagkatapos niyon. Pagkuwan ay nang-uusig akong tinitigan sa mga mata. “Gusto mo na rin siya?”
“A-ate . . . ” paiyak kong sambit. “P-pumayag na ako na maging nobya niya . . .” pag-amin ko na ikinasulak lalo ng galit nito.
“Hindi mo siya pwedeng mahalin, Mirasol! Langit ang taong iyon at tayo’y mananatiling lupa. Kahit ano’ng gawin mong pagsisikap ay hindi mo mapapantayan ang yaman nila! At sa tingin mo ba ay papayag ang daddy niya sa relasyon ninyo? Baka nakakalimutan mo na minsan na siyang tumutol noon?”
“B-bata pa kami noon kaya nakialam ang daddy niya. Isa pa ay mukha naman silang mabait at—”
“Ipagpalagay nang mabait! Pero hindi ibig sabihin niyon ay tatanggapin kana nila! Ang mayaman ay para lang sa mayaman. Maniwala ka sa akin, Mirasol! Ganiyan ang mga Villanueva!”
"Bakit ka ba galit na galit sa kanila, Ate?“ hindi ko napigilang itanong. Nasulyapan ko sina Tonio at Lileth na pasikretong nakikinig mula sa bukas na pinto ng silid sa itaas.
“Gusto lang kitang gisingin sa katotohanan! Ayokong dumating ang araw na masasaktan ka ng pagmamahal mo sa tulad niya!”
“Iniisip mo ba na pareho tayo ng kapalaran? Na kung niloko ka ng lalaki ay ganoon din ang mangyayari sa akin, ha, ate?” lumuluha ko nang saad. “Ate, hindi ako magiging katulad mo!” dagdag ko pa.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...