Chapter - 57

815 98 51
                                    

Mirasol

Bigla akong nakadama ng pagtutol sa tila pagdedesisyon ni Yuan sa buhay ko kaya tinalikuran ko siya. Ngunit hinapit niya ako para mapaharap muli rito.

“Mahal mo ako, ‘di ba?” Tumango ako dahil iyon naman ang totoo. “Kung mahal mo ako ay magtitiwala ka sa akin. Hindi kita pababayaan.”

“M-may tiwala naman ako sa iyo, eh. Kaya lang kasi . . . Wala pa talaga sa isip ko ang pag-aasawa.”

“Okay, fine! Kailan mo ba gustong magpakasal?”

“H-hindi ko pa alam,” iling ko. “Siguro’y kapag natupad ko na ang mga pangarap ko para sa amin. Iyon kasi ang pangako ko kay Nanay noon,” sagot ko.

“So hindi ako kasali sa mga pangarap mo?”

Natigilan naman ako sa narinig. Gusto ko iyong tutulan ngunit nasaan nga ba ang lalaki sa mga plano ko? Una pa lang ay hindi na ito kasali dahil wala naman sa hinagap ko ang pagkakaroon ng boyfriend.

“Y-yuan . . .”

“Nevermind. Basta pakasal ka sa akin—”

“Ayoko pa nga!” napariin kong sagot na agad nitong ikinatiim-bagang.

“Aissh, Mirasol! Alam mo ba kung sino ang tinatanggihan mo? Si Paul Yuan Villanueva lang naman ako! Kahit sinong babae na alukin ko ng kasal ay tiyak na nagkakandarapa sa pag-oo sa akin. Mag-isip ka munang mabuti bago mo ako balewalain!”

Pagkasabi niyon ay tumalikod ito at galit na lumabas ng kwarto. Bigla naman akong nakadama ng pagsisisi. Mahal na mahal ko na yata ito. Pakiramdam ko kasi ay kahit mawala ang pangarap ko, basta’t huwag lang siya. Pero paano ang pamilya ko? Ako lang ang inaasahan nila?

HINDI na bumalik sa silid si Yuan. Paggising ko ay umaga na at si Samuel na lang ang nadatnan ko sa ibaba. Agad kong hinanap dito ang nobyo.

“Maaga siyang pumasok sa VBC. Pinasasabi niya na mag-restday ka muna ngayon dahil napuyat ka sa party kagabi. Ako na rin ang maghahatid sa iyo pauwi,” sabi ng lalaki sa akin.

Nakadama tuloy ako ng lungkot. Tiyak na masama ang loob ni Yuan sa akin kaya ganoon.

Pagkarating sa bahay ay saglit akong nagpahinga. Pagbaba ko ay naabutan ko ang mga pamangkin na naglalaro sa sala. Mga anak ni kuya Jojo. Kumain muna ako bago nagtungo sa karinderya. Pagdating ko roon ay nakita ko si Ate Moneth at Grace.

“Inumaga ka ng uwi, ah?” wika ng kapatid. Si Grace ay pasimleng nagkunwari na maghuhugas ng plato sa kusina kaya naiwan kami.

“O-oo, ‘Te. Madaling araw na kasi natapos iyong party,” sagot ko.

“Saan ka natulog?”

“Ha?” Natigilan ako at bigla’y hindi malaman kung ano ang itutugon.

“Bakit ‘di ka makasagot?”

“S-sa condo ni Yuan, ‘Te,” kabado kong saad.

“Ang lalaking iyon! Ni hindi niya ako maharap tapos ay iuuwi ka na lang basta sa condo niya? At pumayag ka naman?”

“N-natulog lang naman kami. Madaling araw na kasi at nahihiya siyang kumatok dito—”

“Nahihiya? Ang mukha n’on mahihiya? Huwag nga ako, Mirasol!” pakli nito. “Baka mamaya’y kung ano pa ang gawin niya sa iyo.”

“Hindi naman, Ate. Ang totoo’y mag-isa lang ako sa kwarto kagabi.”

Pinakatitigan ako ng kapatid. Alam kong kahit umiwas ako ay alam nitong may problema.

“N-nag-away ba kayo?”

Nahihiya akong tumingin dito. “H-hindi ko alam kung away iyon. N-nagtampo kasi siya sa akin.” Maymaya ay ikwinento ko na sa kapatid ang naging pag-uusap namin ng nobyo.

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon