Chapter - 91

652 80 54
                                    

Moneth

Nabigla ako pagdating sa karinderya at maabutan si Samuel sa kusina kasama ni Grace. Tila nagkakasiyahan ang mga ito sa pagluluto kaya kumunot ang noo ko habang nakahalukipkip sa panonood sa kanila.

"Ate Moneth!" nanlalaki ang mga mata na bati ni Grace pagkakita sa akin. Tipid na tango naman ang ibinati ng lalaki.

"Anong ginagawa niyan dito?" taas ang isang kilay na tanong ko kay Grace. Lagi ba rito ang lalaki na hindi ko alam?

Tila naman hindi malaman ng dalaga ang sasabihin. Ilang ulit itong tumikhim bago nakapagsalita. "N-nagpapaturo lang ako, 'Te, ng timpla niya roon sa sinigang dati. Hinahanap kasi lagi ng mga customer natin," paliwanag nito na ikinataas lalo ng kilay ko.

"Ano naman at hahanapin nila ang sinigang na iyon? Ang asim-asim naman!" pagtataray ko saka inirapan si Samuel.

"Kaya nga sinigang, eh. Alangan namang tumamis iyon?" mahinang saad nito na ikinasulak ng dugo ko. Hindi na ako nagsalita at baka isipin pa nito na nagpapapansin ako. Inayos ko na lang ang mga pinamiling gulay at itinuloy naman ng dalawa ang pagluluto...na parang wala ako roon.

Ang saya-saya naman yata ng mga ito? May patampal-tampal pa si Grace sa braso ni Samuel kapag nagdyo-joke ang lalaki. Hindi ko naman marinig ang pinag-uusapan nila dahil tila sinasadya ng hinayupak na binata ang pagbulong. Hindi ko alam kung bakit naiinis ako dahil doon.

"Ayan, Grace. Masarap na ang luto mo. Pwede ka nang mag-asawa!" sabi ni Samuel nang matapos sila.

Nataranta ako nang lumabas si Grace para asikasuhin ang kaha. Naiwan tuloy kami ni Samuel sa kusina. Kung bakit kasi hindi pa ito lumabas ay wala na namang gagawin doon. Hindi ko tuloy mabalatan nang ayos ang mga patatas at carrot na isasahog ko sa kaldereta.

"Tulungan na kita, gusto mo?" alok pa ng hudyo.

"Huwag na!" sagot ko. "Wala ka bang trabaho? Bakit lagi kang nandito?" mataray ko pang tanong sa binata.

"Breaktime ko kaya dito ako nagtungo. Dito pati ang usapan namin ni Lileth," paliwanag nito.

Hindi ko na ulit siya kinausap. Nagluto na ako nang nagluto habang nanonood ang lalaki. Naiilang man ay tiniis ko na lang ang presensya nito.

"May isusuot kana ba sa party?" bigla nitong tanong kaya napatingin ako sa kanya.

"Wala pa."

"Bakit wala pa? Malapit na iyon, ah? Gusto mo ihiram kita sa kakilala ko?"

"Hindi na kailangan. Saka huwag mo na iyong problemahin. Si Tonio na ang bahala sa isusuot ko," saad ko rito.

"Ah, okay."

Pagkatapos nga niyon ay sumaglit ako sa bahay. Kasu-kasunod ko pa rin si Samuel kaya todo pandidilat ko sa kanya.

"Akala ko ba'y sa karinderya ang usapan n'yo ni Lileth? Ano't sunod ka nang sunod hanggang dito?"

"Ang init kasi roon. Dito ko na lang pala hihintayin ang anak natin," balewala nitong sagot.

Anak natin? Natigilan ako roon. Hindi ako sanay na may nakiki-anak sa aking Lileth. Tsk! Pero aaminin ko na may mainit na bagay akong naramdaman sa simpleng salitang iyon ng lalaki.

Tamang-tama naman na nasa bahay na si Tonio pagdating namin. Dala nito ang mga gown na sabi nito ay maari kong isuot sa engagement party nina Mirasol. Sa totoo lang ay kinakabahan ako sa okasyon na iyon. Baka kasi dumating si Aaron. Kahit alam ko na malabo dahil sa ibang bansa na sila nakatira ng asawa niya. Pero anong malay ko kung bigla ngang dumating ang lalaki. Anong gagawin ko kapag nagkita kami?

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon