Mirasol
Nagngalit ang bagang ko sa pag-aming iyon ng ama ni Yuan. Naikuyom ko ang kamao dahil sa matinding pagkamuhi na naramdaman. Bumalik sa akin ang alaala ng nakaraan kaya wala akong masabi nang magpatuloy ang lalaki sa pagsasalita.
“Ginawa ko iyon at wala akong pinagsisisihan! Kahit ulitin pa ang nakaraan ay ganoon pa rin ang gagawin ko dahil iyon lang ang paraan para mailigtas kayo! Iligtas ka sa operasyon, iligtas si Yuan sa maari niyang gawin kapag nalaman niya ang kasalanan ng kaibigan niya. Iligtas si Meggan na hindi makulong sa ganoong kabatang edad at iligtas ang kompanya ko!”
“Hindi totoo ‘yang sinasabi niyo! Huwag niyo akong isali sa mga iniligtas niyo dahil alam kong ginawa mo lang iyon para sa pansariling interest! Kung totoo iyon ay bakit matagal ninyong itinago sa akin ang lahat? Bakit hindi ninyo masabi kay Yuan ang mga ginawa ninyo?” naniningkit ang matang sumbat ko.
He sighed. “Dahil ibang mag-isip ang anak ko lalo na kapag ikaw ang involved! Hindi siya agad nakakalimot sa mga taong gumawa ng mali sa kaniya at alam ko rin na hindi siya titigil hangga’t hindi ka niya naigaganti. Ayokong maging masama si Yuan! Kung noon ngang bata pa siya ay nakaya niyang umalis sa poder ko ay ano pa kaya ngayon? Mirasol, intindihin mo ako bilang magulang—”
Mariin akong umiling sa kausap. “Sana ay inintindi niyo rin ang nanay ko noon na tulad mo ring magulang! Sigurado ako na gustong-gusto niyang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa akin pero dahil sa pera ninyo ay wala siyang nagawa kun’di manahimik! Dinala niya iyon hanggang sa kanyang hukay. Dahil sa inyo ay namatay siyang may guilt dahil sa nangyari sa akin!”
“Mirasol—”
“Si Yuan lang ang inisip niyo noon at hindi ako! Huwag na kayong maghugas ng kamay ngayon!” pinalis ko ang luhang namalisbis. Sa dami kong iniluha nitong mga nagdaang araw ay nagtataka na ako kung bakit hindi pa rin iyon nauubos.
“Sarado ang utak mo para umunawa. Naiintindihan ko kung hindi mo ako agad mapatawad pero labas dito si Yuan! Labas ang relasyon ninyo sa ginawa ko noon!”
“Iba ang sitwasyon namin ng anak niyo ngayon. Tulad niyo ay naglihim din siya sa akin tungkol kay Shine. At alam kong may alam din kayo roon. Pero dahil ama kayo na pumoprotekta sa anak ay kakampi at kakampi kayo sa kanya kahit may natatapakan na kayong tao!” puno ng panunumbat na saad ko.
“Iyan ba talaga ang tingin mo sa akin? Matapos kitang tanggapin sa pamamahay ko—”
“Mawalang galang na po pero ganoon nga ang tingin ko sa inyo!” walang emosyon kong wika. Hindi man lang ako nakadama ng takot sa pagdilim ng mukha nito.
“So, iiwan mo si Yuan? Ganoon ba?” mayamaya ay patuyang tanong ni Tito Paolo.
“Oo!”
Nakarinig kami ng singhap kaya sabay kaming lumingon at nakita si Tita Yuna. Mukhang kanina pa ito nakikinig sa pag-uusap namin. Agad itong lumapit at naupo sa tabi ko.
“M-mirasol, huwag kang magpadalos-dalos! Pag-usapan natin ito nang maayos. Huwag kang basta na lang aalis!” anito na hinawakan ang aking kamay.
Tila ako napaso roon kaya agad kong inalis ang kamay sa hawak nito.
“Buo na po ang pasya ko! Hindi ko rin naman maaatim na maging Villanueva matapos kong malaman ang lahat.”
“My God, Mirasol! Bakit naman ganyan ka?” naiiyak na reaksyon ng ginang pero umiwas ako ng tingin dito. “Sa akin ka lang dapat magalit! Walang kasalanan si Paolo! Iyong ginawa sa iyo ni Meggan noon—ako ang nakiusap sa kanya na pagtakpan siya!”
Lalong naningkit ang mga mata ko sa narinig ngunit pinigilan ko ang sarili na magsalita nang masama rito.
“Hindi ko kasi kayang makita na masira ang buhay ni Meggan! Ako ang may kasalanan! Nagkataon lang na inalok ng daddy niya ang shares kay Paolo kaya ganoon ang nangyari!”
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...