YUAN
Hindi ko nagawang umalis sa tabi ng kama na kinahihigaan ni Mommy hangga't hindi ito nagkakamalay. Pakiramdam ko ay may kasalanan ako kung bakit ito na-stressed. Nakakahinayang man ang bata na dapat sana ay daragdag sa aming pamilya ay mas mabuti na rin na nawala iyon kung manganganib naman ang buhay ng ina dahil doon. Mag-isa lang ako na nagbabantay nang magmulat ito ng mga mata. Inaasikaso ni Daddy ang mga gamot na kailangan kaya wala ito.
"M-mom," sambit ko. Ngumiti siya sa akin at ginagap ko naman ang isa niyang palad. Kahit nakangiti ay bakas ang lungkot sa maamo nitong mukha. Bago pa lang kasi isagawa ang operasyon ay alam na ni Mommy ang kalagayan ng ipinagbubuntis niya.
"Nasaan ang daddy mo?" she asked.
"May inasikaso lang saglit," sagot ko. Pinisil niya ang kamay kong hawak niya.
"Y-Yuan, alam kong masama ang loob mo sa daddy mo. Pero sana naman ay sundin mo na ang gusto niya. Walang patutunguhan ang iringan n'yong dalawa. Kung pareho kayong matigas at ayaw patalo sa isat-isa ay masisira lang nang tuluyan ang relasyon n'yo," anito na ikinaiwas ko ng tingin.
"Mom, I just fell in love, bakit hinahadlangan ni Dad iyon? Gusto ko lang namang protektahan ang taong mahal ko pero gusto ni Dad na kalimutan ko si Mirasol," masama ang loob na sabi ko.
"May mga bagay na hindi mo naiintindihan dahil hindi ka pa magulang, Yuan. Walang hinangad na pangit ang daddy mo para sa inyo ni Pauline at maging sa mga pinsan mo. Ginagawa niya ang sa tingin niya ay mas makabubuti sa iyo. Bakit hindi mo muna siya sundin?"
Natigilan ako sa sinabi ng ina.
"B-but, Mom—"
"Yuan . . . Nandyan lang si Mirasol, hindi siya mawawala sa iyo. Ang tanging hiling ng daddy mo ay mag-aral kang mabuti at kalimutan muna ang dalagitang iyon. Sundin mo na si Daddy, please? Para maging magaan na sa atin ang lahat."
Lihim akong nakadama ng panghihimagsik ngunit wala akong magagawa. Ayokong madagdagan ang kalungkutan ni Mommy kaya kahit mahirap ay kailangan kong lumayo muna pansamantala kay Mirasol.
Sobrang bigat ng dibdib ko nang magtungo sa ospital na kinaroroonan ng dalagita. Nagtungo ako roon para magpaalam. Marami pa sana akong nais gawin—tulad ng alamin kung sino ang nakabangga rito? Kung ano na ang lagay ng kaso pero paano ko iyon gagawin? Wala akong kakayahan o kapangyarihan para pagbayarin ang may gawa niyon sa babaeng minamahal.
Malungkot akong sumilip sa salaming pinto ng kinaroroonan niya. Wala pa rin itong malay at may benda sa ulo. Binabantayan ito ng isang dalaga na marahil ay kapatid nito. Habang nakatitig sa dalagita ay kinakausap ko siya sa isip ko.
Mirasol . . . Sana'y hindi ka na lang muna dumating sa buhay ko, para hindi ako nahihirapan ngayong malalayo ako sa iyo nang tuluyan. Pero pangako ko na babalik ako para sa iyo. Pagbalik ko ay sinisiguro ko sa iyo na wala ng makakahadlang sa akin na mahalin ka! Sana ay mahintay mo ako . . . Akin ka lang, Mirasol! Hanggang sa magbalik ako ay wala dapat na makakaagaw sa iyo mula sa akin!
I need to say goodbye to her. Hindi man umaayon sa amin ang panahon at sitwasyon ay sisiguraduhin ko na balang araw—malilipat sa akin ang lahat ng kapangyarihan at hihigitan pa iyon. And no one can stop me kapag dumating na ang araw na iyon. Not now . . . So please wait for me, my love.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...