Mirasol
Sa Villanueva Builders na ako naabutan ni Yuan nang iwan ko sila ni Mico na nagtatalo sa coffee shop. Kakaupo ko pa lamang sa pwesto ko ay hinaklit na agad ng binata ang braso ko at kinaladkad papasok sa loob ng kanyang opisina.
“Bakit kayo nagkita ng lalaking iyon, ha? Akala ko ba malinaw sa iyo na ayokong makikipaglapit ka sa taong iyon?!” ang nanggagalaiting saad ni Yuan pagkasara ng pinto ng office.
“May pinag-usapan lang kami!”
“At hindi ka nagpaalam sa akin?!”
“Nasa meeting ka, paano ko ipapaalam? Saka mabilis lang naman iyon kaya hindi ko na sinabi—”
“Mirasol, huwag mo akong galitin, pwede?! Ang dami ko nang iniisip kaya huwag ka nang dumagdag!” asik nito na ikina-irita ko.
“Yuan, wala akong ginagawang masama. Nag-usap lang talaga kami ni Mico. Hindi mo siya dapat pagselosan dahil...” Hindi ko maituloy ang sasabihin.
“May gusto siya sa iyo at dinig na dinig ko no’ng aminin niya iyon!”
Napabuntong-hininga ako. Pagod na ang utak ko at ayokong dumagdag pa ang pagtatalo namin ni Yuan doon. Iyong relasyon man lang namin ang maisalba ko sa magulo kong buhay ay ayos na sa akin.
Kaya naman pinilit kong pakalmahin ang nobyo. Niyakap ko itong pilit sa kabila ng pagdidilim ng mukha nito.
“Okay. Hindi na ako makikipagkita kay Mico. Aalis na rin sila ng mommy niya next week kaya wala ka ng dapat ipangamba,” wika ko na binalewala ang kirot na pumintig sa aking dibdib dahil sa huling sinabi. Tila naman walang napuna si Yuan at sinapo ang aking panga.
“Siguraduhin mo, Mirasol. Ayoko ng basta sinasabi lang. Gawin mo, okay?”
Tumango ako kahit naguguluhan sa nadarama. Ayokong ipaalam kay Yuan ang relasyon namin ni Mico dahil para sa akin ay hindi kami magkaano-ano. Ngunit batid ko rin na dapat pa rin iyong malaman ng kasintahan. Siguro’s saka ko iyon masasabi sa nobyo kapag hindi na magulo ang utak ko.
Meggan
Mula sa coffee shop na pinagtagpuan nina Mico at Mirasol ay sinundan ko ulit ang huli hanggang sa restobar na kinahantungan nito. Nakita ko siya na malungkot na umiinom ng alak mag-isa.
Dahil na naman kay Mirasol kaya ganito ang lalaki. Nagpupuyos ang kalooban ko sa nakita kanina. He was so full of emotion habang kausap ang babaeng iyon samantalang kapag ako ang kaharap niya ay sinlamig ito ng yelo.Sa huling sandali ay bibigyan ko pa ng pagkakataon si Mico. Mamahalin niya ako at tatanggaping muli o papatayin ko siya upang hindi mapakinabangan ng iba.
Matyaga akong naghintay sa loob ng sasakyan ko. Maya’t maya ay sinusulyapan ang baril na dala. Nagtatalo ang isip at puso ko sa nais gawin subalit dahil sa matinding sakit na nararamdaman ay para bang wala na akong pakialam sa ano mang mangyayari.
Sira na naman ang buhay ko noon pa! Ano pa ang mawawala kung sisirain ko ulit iyon? Basta sa huli ay sa akin lang si Mico! Naagaw man ni Mirasol si Yuan pero hindi pwedeng pati si Mico ay mahalin siya! Hind maaari!!!
Ilang oras din bago lumabas ng restobar si Mico. Nakainom ito ngunit tuwid pa rin ang lakad. Nang sumakay ito sa kotse at paandarin iyon ay sinundan ko ulit siya. Sa ibang direksyon ang tungo ng binata at hindi patungo sa mansion nila. Naisip ko na may kakatagpuin marahil ang lalaki.
Baka naman si Mirasol ulit? Nagngalit ako sa naisip. Napabilis tuloy ang pagpapatakbo ko ng kotse. Lalong nadagdagan ang inis ko nang makitang tumatawag si Shine.
Bwisit na babae! Maging ito ay ayaw akong lubayan. Inaalam nitong pilit ang tungkol sa shares na ibinenta ng daddy niya sa daddy ko. Hindi ko alam kung ano ang balak ng bruha pero wala akong planong sabihin dito ang totoo. Walang pwedeng makaalam ng ginawa ko noon kay Mirasol! Matagal na iyong naibaon sa limot kaya bakit pa huhukayin ni Shine ang bagay na may kaugnayan doon?
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...