Paul Yuan
“Ano? Sinabi iyon ni Mr. Velozo?!”
Tumango ako kay Mommy. Kumakain kami ng almusal nang magtanong si Daddy tungkol doon kaya wala akong nagawa kun’di sabihin ang totoo sa kanila. Pero sa reaksyon ni Mommy ay parang gusto kong pagsisihan ang sinabi. Nanggalaiti agad ito at parang handang manugod. Well, she’s always like that.
“Baka naman inangasan mo kaya nag-back out?” bintang ng aking ama na ikinasimangot ko.
“Mali pa rin ang mga sinabi niya sa anak natin! Teka, saan bang hotel iyon at kakausapin ko siya—”
“Yuna Laine! Talagang makikialam ka?” salubong ang kilay na saway ni Daddy sa kanya. Hanggang sa sila na ang magtalo sa harap ng table. Mabuti na lang tapos na kaming kumain.
“Pupuntahan ko siya, Paolo! Namemersonal, e!”
“Hayaan mo na!”
“Ay hindi pwede iyon.”
“Akala ko ba darating si Shine ngayon? Paano ka makakaalis, ha?” sabi ni Dad para mapigil si Mommy.
“O-oo nga pala. Linggo nga pala ngayon, darating si Shine.”
“Ano namang gagawin n’on dito?” kunot-noo kong tanong sa ina. Hindi naman kasi iyon pumupunta rito kaya nagtataka ako. Sabagay, wala naman akong pakialam doon. Balak kong magpapansin kay Mirasol ngayong restday namin sa work. Kailangan niya akong ma-miss para bumalik na siya sa condo ko.
“Tuturuan kong magluto si Shine. Magaling na siya sa pagtatanim, e. Pagluluto na lang ang hindi niya ma-perfect,” sagot ni Mommy.
“Talagang ikaw pa ang magtuturo, ha!” nang-aasar na wika ni Dad kaya napatawa ako at muntik nang mabulunan.
“Grabe kayo sa akin!” nakalabing reaksyon ni Mommy.
“No’ng nakaraan si Mirasol ang tinuruan mo pero mas masarap pa ang luto niya. Bakit hindi ka na lang mag-focus sa gardening, Sweetheart?”
Tuluyan na akong napahalakhak dahil sa sinabi ni Daddy.
Shine
Pinilit kong ituon ang atensyon sa itinuturong recipe ni Tita Yuna. Nasa kitchen kami at abala sa paggawa ng bake macaroni. Ang totoo ay marunong naman ako pero akala niya ay hindi. Pabor naman sa akin ang pag-iimbita niya upang mapalapit dito. Hindi nga lang ako mapakali dahil alam kong naroon si Yuan. Wala ito sa condo kaya sigurado ako na narito ang binata.
Hindi ko na rin nakikitang umuuwi roon si Mirasol kaya lihim akong natutuwa. Iniisip ko na baka may problema ang dalawa kaya ganoon. Sana nga.
Pagkatapos ng ginawa ko kay Riko ay hindi na ako makakilos ulit dahil kay Vienna. Ayokong subukan ang babaeng iyon. Masyado itong maldita at batid ko na kaya niyang gawin ang banta sa akin. Saka ko na lang ito babalikan kapag okay na kami ni Yuan.
“Ilagay natin sa fridge iyong iba. Perfect na perfect na ito!” ang natutuwang sabi ni Tita nang matapos kami.
“Sure ka ba, Tita Yuna? Wala talaga akong tiwala sa luto ko, e.”
“Masarap kaya. Tamang-tama paborito itong meryenda ni Yuan.”
Lihim akong napapitlag nang marinig ang pangalan ng binata. “N-nandito pala siya...” kunwari ay balewala kong saad.
“Oo. Dito raw muna siya. Akala ko nga’y magkaaway sila ni Mirasol. Naiinip lang daw siya sa condo dahil bumalik na raw sa kanila si Mirasol.”
Damn! Akala ko naman ay may problema na ang mga ito. Hmmp.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomantikMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...