Chapter - 45

1K 109 65
                                    

Mirasol

Matamlay akong umuwi buhat sa trabaho. Parang ang gulo ng mga nangyayari at tila wala akong kagana-gana. Maraming gumugulo sa utak ko at isa na roon si Señorito Yuan. Isama pa ang mga empleyada sa kompanya niya na walang tigil sa pagpapasaring sa akin. Bukod doon ay nag-aalala rin ako kung ano ang lagay ni Shine. Wala pa rin itong reply sa mga text at tawag ko.

Malapit na ako sa bahay namin nang mabigla pagkakita sa kumosyon doon. Wala sa loob na napatakbo ako paglapit at hinawi ang nag-uumpukang mga kapit-bahay. Pagkuwan ay nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Tinatalakan ni Aling Thelma si Ate Moneth habang awat ni Grace. Kasama nito si Vienna na tila natutuwa pa sa ginagawang pangha-harass ng kaniyang ina sa aking kapatid.

“Tama na po iyan!” awat ko sa ginang na mabilis pumagitna.

Lalong nanlisik ang mga mata ng mommy ni Vienna pagkakita sa akin. “Mabuti at dumating na ang ambisyosang babae!” anito na patungkol sa akin.

“Huwag niyong maduro-duro ang kapatid ko!” asik dito ni Ate Moneth.

“Bakit? Hindi ba totoo? Dahil sa kalandian ng kapatid mo’y nadamay ang anak ko! Siya ang nawalan ng trabaho!”

“Hindi ko po iyon kasalanan. Bakit hindi niyo tanungin si Vienna kung bakit siya natanggal?” pagtatanggol ko sa sarili. Nagulat kami nang bigla nitong hilahin ang dulo ng aking buhok. Agad itong pinigilan ni Ate at hindi sinasadya na naitulak niya ang mag-ina.

“Mga hampas-lupa kayo! Kung hindi dahil sa amin ay malamang na nasa kalsada pa rin kayo hanggang ngayon! Mga walang utang na loob! Tinulungan namin kayo noon pero ano’ng iginanti ninyong lahat? Bukod sa pinagnakawan ninyo kami ay sinira pa ng Mirasol na iyan ang career ng anak ko!” sunod-sunod na talak ni Aling Thelma.

“Iyan na lang po ba ang alam niyong isumbat sa amin? Sumusobra na talaga kayo!” galit na ring wika ni Ate Moneth na hawak ni Grace sa isang braso.

“Dahil iyon ang totoo! Kahit paulit-ulit ko iyong isigaw sa buong barangay ay gagawin ko!”

Napaiyak kaming magkapatid dahil doon. Ilang beses pa kaming dinuro ng mag-ina hanggang sa may hangos na lumapit sa amin.

“Aling Thelma, si Mang Bert po! Inaatake na naman yata!”

Lahat kami ay nagulat sa narinig. Mayamaya ay nagtatakbo pauwi ang mag-ina. Nagkatinginan kami ni Ate saka sabay ring sumunod sa mga ito. Naabutan namin ang nangingisay na katawan ni Mang Bert na yakap ng humahagulgol na si Aling Thelma. Lahat ng mga naroon ay natulala sa nasaksihan.

“Daddy!” umiiyak na tili ni Vienna.

Maging ako ay tila itinulos sa kinatatayuan. Si Ate Moneth ang unang nakabawi at agad na tumawag ng ambulasya.

PAGKARATING sa ospital ay kasama rin kami ng mga ito. Agad ipinasok sa emergency room ang ama ni Vienna. Walang tigil naman sa kahahagulgol si Aling Thelma na yakap ang anak. Tahimik lang kami ni ate sa kinauupuan. Ilang minuto ang lumipas ay lumabas ang doctor at sinabi na kailangan daw ni Mang Bert ng agarang operasyon.

Sabay pang tumangis sina Aling Thelma at Vienna nang marinig ang hinihinging halaga ng doctor para doon. Kalahating milyon ang sinabi nitong kailangan ihanda ng mag-ina bago isagawa ang operasyon. Iyon lamang daw ang makapagliligtas sa lalaki para hindi tuluyang maparalisa habang buhay.

“Diyos ko! Saan tayo kukuha ng pera?” humahagulgol na reaksyon ni Aling Thelma. Hindi nito kinaya ang lahat at nawalan ng malay tao. Agad din itong pinahiga sa isang kwarto.

“Malas talaga kayo sa buhay namin!” galit na asik ni Vienna sa aming magkapatid.

“Vienna, ganito na nga ang nangyayari ay inuuna mo pa ang galit mo?” tugon ko rito.

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon