Chapter - 121

637 84 75
                                    

Samuel

Matagal akong natulala sa kwarto namin. Naiisip ko pa rin ang tungkol sa pagkatao ni Mirasol. Lamang ang katotohanan na kapatid talaga ito ni Mico pero hindi naman maari na basta na lang ako magpasya. Kailangan ko pa ng mas malalim na ebidensya.

Nang bigla ay maalala ko ang kahon na nasa drawer. Sinabi ng asawa na naiwan iyon ng kanilang namayapang ina. Ramdam ko rin na may itinatago siya roon kaya naman buo ang loob na kinutingting ko ang susian niyon. Habang pilit iyong binubuksan ay palingon-lingon ako sa pintuan sa kaba na baka mahuli ni Moneth.

Nang sa wakas ay mabuksan ko na ang drawer ay agad kong kinuha roon ang lumang kahon. Kabado man ay naupo ako sa sahig at nanginginig na binuksan ito. Tumambad sa akin ang larawan ng isang sanggol na ikinapikit ko nang mariin. Walang duda na si Mirasol nga ang hinahanap ni Mico. Iisa ang lampin na suot ng sanggol sa mga larawan.

Kumunot din ang noo ko nang may mapansing lumang sulat. Noong una ay nagdalawang isip ako kung babasahin iyon pero sa huli ay natalo ako ng kuryosidad.

Nagimbal ako nang mabatid na sulat pala iyon ni Nanay Flor para kay Mirasol bago pumanaw. Para akong napaso at agad iyong ibinalik sa loob. Hindi ko na itinuloy ang pagbabasa dahil tila nahuhulaan ko na ang sinasabi roon.

Ako ang nasasaktan para sa dalaga. Paano kapag nalaman na nito ang totoo? Na hindi niya kadugo ang mga taong nakasama at minahal niya.

Dahil sa malalim na pag-iisip ay hindi ko namalayan ang pagbukas ng pinto. Pumasok doon si Moneth na nanlaki ang mga mata pagkakita sa aking hawak.

“Samuel!!” pasigaw na tawag nito. Ganoon na lang ang pamumutla ng asawa paglapit at agad na hinablot ang kahon sa akin.

Napatayo lang ako habang malungkot na nakamasid sa kanya. Hindi ito magkanda-ugaga sa pagsasara niyon at pansin ko pa ang bahagyang panginginig ng kamay nito.

“Paano mo ito nakuha? Pakialamero ka talaga!” asik ni Moneth na hindi masalubong ang matiim kong titig. “M-mga lumang gamit ito ni Nanay at hindi pwedeng pakialaman,” dagdag pa na hindi makatingin sa akin.

“H-hindi ninyo kadugo si Mirasol...” mahina kong saad ngunit tila sigaw sa pandinig ng nagulantang na asawa.

“Samuel—”

“Bakit hindi mo ibinigay ang sulat ng nanay n’yo may Mirasol bago ito mamatay?”

Naningkit ang mga mata ni Moneth dahil sa tanong ko. “Hindi mo dapat binasa ang sulat na iyon!”

“Hindi ko binasa!” pagtutuwid ko.

“A-ano?” nanlalaki ang mga matang reaksyon niya. “K-kung ganoon ay p-paano mo nalaman? P-paano mo natiyak na h-hindi namin kapatid s-si—”

“So totoo?” putol ko sa kanya.

Nakita ko ang biglang pamamasa ng mga mata ni Moneth. Mariin siyang pumikit bago ilang beses na lumunok. Ramdam ko ang tensyon niya kaya niyakap ko ang asawa nang mahigpit.

“Moneth, asawa mo ako! Pwede mo akong pagkatiwalaan! Sabihin mo sa akin ang lahat tungkol sa pagkatao ni Mirasol,” sabi ko.

“Samuel!” Tuluyan itong napaiyak sa aking dibdib. “Hindi niya pwedeng malaman ang totoo! M-masasaktan siya!” hikbi nito.

Inalis ko ang yakap sa kanya saka siya inakay para maupo sa gilid ng kama. Pagkuwa’y hinawakan ko isa niyang kamay.

“Paano siya napunta sa inyo?” maingat kong tanong. Ayokong mamali ng tonong gagamitin dahil napaka-sensitibo ng paksang iyon.

Saglit itong nagdalawang isip bago tuluyang nagkwento. “N-nangangalakal kami nina Nanay at Tatay noon. Nakita namin si Mirasol sa mga nakatambak na kahon. Naawa sila Nanay kaya inalagaan namin siya.”

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon