Chapter - 113

852 86 74
                                    

Mirasol

Nang mabalitaan ko na nagkamalay na si Shine ay agad akong nagtungo sa ospital para dalawin ito. Masyado akong na-trauma sa nangyari kaya ilang araw din akong nagkulong sa kwarto. Muntik pa nga akong ipagamot nina Tita Yuna pero sinabi kong ayos lang ako. Hindi ko lang kasi makalimutan ang hitsura ni Shine noong mabaril. Ni hindi ko man lang ito nagawang lapitan dahil sa shock. Lalo pa akong na-guilty nang malaman na para pala sa akin ang bala na iyon, subalit ito ang nasaktan.

Nagpapasalamat na lang ako at nahuli na rin agad si Mr. Cheng pati na ang inutusan nito. Ngayon ay pinagbabayaran na niya ang ginawa sa amin lalo na kay Shine.

Mag-isa akong nagtungo sa hospital dala ang isang basket ng brutas. Pagdating ko sa room ay saktong kagigising lang ng dalaga. Binati ko ang mommy niya na siyang nagbabantay sa pasyente.

“Maiwan ko na muna kayo, Shine, Mirasol. May bibilhin ako sa botika,” paalam ng ginang na ngumiti pa sa akin bago umalis doon.

Ang totoo ay nahihiya ako sa parents niya dahil sa nangyari. Ako dapat ang nakaratay at hindi ang anak nila. Subalit wala akong narinig na panunumbat sa mga ito, bagkus ay kinamusta pa ako ni Sir Charls dahil nga sa naging epekto niyon sa akin.

“H-hi...kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ko kay Shine. May hindi man kami pagkakaunawaan ay kailangan ko iyong iisantabi muna. Mas importante ang kalagayan nito.

“Ayos na ako,” aniya na matiim ang tingin sa akin.

Naiilang man ay naupo pa rin ako sa bangko na nasa tabi ng higaan niya.

“S-sorry, Shine. Sorry dahil nadamay ka,” paghingi ko ng tawad. Hindi man ako ang may kasalanan ay guilty pa rin ako.

“Bakit ka nagso-sorry? Hindi naman ikaw ang bumaril sa akin,” mapakla nitong saad. “A! Nagso-sorry ka dahil ako iyong nabaril sa halip na ikaw? Ikaw dapat ang inoperahan at hindi ako. Ganoon ba?”

Hindi naman ako nakaimik agad. Nag-isip ako ng tamang isasagot pero naumid ang aking dila. Matagal na katahimikan ang dumaan bago siya muling nagsalita.

“Mahal ko si Yuan...”

Napa-angat ako ng mukha sa narinig. Nagtama ang mga mata naming dalawa at nabasa ko roon ang kasidhian ng kanyang sinabi.

“Alam kong alam mo na pero gusto ko pa ring linawin sa iyo ang totoo. Matagal ko na siyang iniibig. Bago pa kita nakilala, bago pa kita naging kaibigan, minamahal ko na siya. Sobrang tagal kong naghintay kay Yuan! Gabi-gabi akong nagdarasal noon na sana bumalik na siya ng Pilipinas. Na sana makita ko na ulit siya. Halos doon umikot ang mundo ko sa loob ng walong taon. Wala akong inasam kun’di ang pagbabalik niya. Pero nang sa wakas ay bumalik na siya—nalaman ko na ikaw pala ang babaeng mahal niya!”

“S-shine...” nasambit ko. Hindi ko kasi akalain na ganoon na niya katagal na iniibig ang binata.

“Bakit ikaw pa, Mirasol? Ilang beses ko iyang naging tanong. Bakit kailangang ikaw pa ang maging karibal ko may Yuan? Ikaw na itinuring kong kaibigan at para ko nang nakababatang kapatid. Alam mo ba kung gaano kahirap sa akin ang katotohanang iyon?”

May luhang pumatak sa gilid ng kanyang pisngi pagkasabi niyon. Ako naman ay napailing. Ano ang isasagot ko sa kanya?

Nagulat pa ako nang bigla nitong hawakan sa isa kong kamay. “Narinig mo kami ni Mr. Cheng na nag-uusap noon sa party, hindi ba? Doon pa lang ay nalaman mo na ang lahat! Umamin ka, Mirasol!”

“O-oo,” marahan kong tango.

“Bakit hindi mo ako kinompronta? Natatakot ka ba na harapin ang totoo? Sinadya kitang sirain sa parents niya! Maging si Riko ay sinubukan kong gamitin para sirain kayo,” anito.

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon