Chapter - 55

963 106 60
                                    

Mirasol

Pakiramdam ko ay namumula pa rin ako nang alalayan ni Yuan patungo sa sasakyan nito. Pagkatapos ng ginawa niya sa akin sa opisina ay hindi ko na halos namalayan ang oras. Hindi ko na siya tatawagin ng ‘señorito’ kahit kailan. At mas lalong hindi na ako magpo-po at opo. Mahirap na!

Muntik na kaming mauwi sa pagniniig kanina. Mabuti na lang at tumawag si Ate. Tinanong nito kung mali-late ako ng pag-uwi kaya sinabi ko na nasa byahe na ako, kahit ang totoo ay nakahiga pa rin ako sa sofa kanina at nagpapaubaya sa ginagawa ng nobyo. Nagpapasalamat at napigilan pa namin ang mga sarili.

Isinandal ko ang likod sa upuan nang umandar na ang sasakyan. Bahagya pa ring nangangatal ang mga tuhod ko at kasalukuyang nanlalambot. Habang ang kasama ko ay pangiti-ngiti lang sa pagmamaneho.

Napatitig tuloy ako rito. Kahit saang anggulo tingnan ay napaka-gwapo ng binata. Hindi ko alam kung ano ang nagustuhan niya sa akin dahil kung hitsura lang ang titingnan ay simple lang naman ako. Ni hindi ako papasang modelo o artista na tiyak na nababagay sa lalaki. Kaya minsan ay gusto ko itong tanungin kung bakit niya ako nagustuhan?

Balak ko sanang umidlip sa byahe para makaiwas sa pakikipag-usap kay Yuan dahil nahihiya pa rin ako. Kaya lang ay napa-angat ako mula sa pagkakasandal sa upuan nang mapansin ko ang ilang itim na kotse na tila nakasunod sa amin.

“Seño—Yuan, may sumusunod yata sa atin?” patanong kong untag sa nobyo.

“Hayaan mo lang sila. Tauhan iyan ni Daddy,” tila inis na sagot nito.

“B-bakit tayo sinusundan?”

“Mga bantay ko iyan. Ngayon mo lang ba sila napansin?”

“O-oo. Si Samuel lang ang nakikita kong kasama mo lagi,” sagot ko na siya namang totoo. Bagama’t hiwalay ng sasakyan ay laging nakasunod si Samuel kahit saan kami mag-date, pero nananatiling naka-distansya ang lalaki. Ngayon ay tila obvious na obvious ang mga ito sa pagbabantay kay Yuan.

“Sa katayuan namin sa buhay ay kailangan talaga ng mga bodyguard, lalo na’t marami kaming kalaban sa negosyo. Pero huwag kang mag-alala. Wala akong kalaban—si Daddy, marami. Napilitan lang akong pumayag sa mga bodyguard na iyan para hindi mag-alala ang mommy ko.”

Lihim akong natakot sa narinig. Oo nga at batid ko ang ganoong bagay pero hindi ko lang lubos maisip na isang araw ay pwedeng may manakit kay Yuan na mga kalaban nila sa negosyo. Hindi ko yata kakayanin iyon. Bigla tuloy nag-alala para sa binata.

“Yuan, tama lang ang ginagawa ng parents mo. Tingin ko nga’y dapat mo pang dagdagan ang mga bantay mo,” nasabi ko tuloy.

Tinawanan naman nito ang narinig. “Ano ka ba? Kaya ko ang sarili ko. Handa ako sa mga ganoong bagay. Kaya siguraduhin muna ng mga kalaban na mapapatay nila ako bago sila magtangka. Dahil hindi nila magugustuhan ang ganti ko.”

“Bakit hindi kana lang mag-ingat kaysa magyabang diyan—” nabigla ako sa nasabi at nanlalaki ang mga mata na tinakpan ng palad ang bibig.

“Ano? Nayayabangan ka sa boyfriend mo?” asik nito. Sakto naman na naipit sa traffic ang sinasakyan namin.

“N-nasabi ko lang naman iyon. Pero hindi ganoon ang ibig kong sabihin. Nag-alala lang akong bigla sa safety mo,” paliwanag ko na muntik pang mautal.

“Tsk! Nasabi mo na kaya huwag mo nang bawiin. Mayabang pala ang dating ko sa iyo, ha?” magkahalo ang inis at tampo na wika nito.

“Hindi nga ganoon iyon. Promise!” pagkumbinsi ko pa sa kaniya. Ngunit inirapan lang ako ng lalaki.

Napabuntong-hininga ako nang manahimik ito bigla. Bakas sa mukha ni Yuan ang iritasyon kaya hindi tuloy ako mapakali hanggang makarating kami sa tapat ng bahay namin.

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon