Chapter - 52

835 104 81
                                    

Mirasol

Pakiramdam ko’y nangangatog pa rin ang aking mga tuhod nang makarating sa tapat ng aming opisina. Hindi ako makapaniwala na nagawa kong halikan si Señorito. Ngayon lang ako nakaramdam ng hiya kung kailan tapos na. Kahit hindi ko nakikita ay alam kong namumula ang aking mukha.

Kinalma ko muna ang sarili bago pumasok sa office. Sa akin nabaling ang paningin ng lahat kaya napayuko ako. Alam kong mahigit kalahating oras akong nawala. Ang tiim ng mga titig sa akin nina Jacky pero kakatwang kay gaan ng pakiramdam ko.

“Mirasol?” tawag ni Shine. Natuwa ako pagkakita sa babae.

“Ma’am!” lapit ko sa kaniya. “Kumusta kana? Ang tagal mong nawala?”

“Nagbakasyon lang ako. Pasensya kana kung hindi ko nasagot ang mga message mo.”

“Naiintindihan ko,” sabi ko.

“Saan ka ba galing? Kanina pa kita hinahanap,” tanong nito.

Saglit naman akong nagdalawang-isip. “K-kinausap kasi ako ng CEO natin,” sagot ko na totoo naman bagama’t hindi talaga. Saka ko na sasabihin ang totoo sa kaibigan kapag nagkasarilinan na kami.

“Ganoon ba? Baka dahil sa pag-tranfer mo sa kaniya. Sinabi niya sa akin kanina na ikaw ang napili niyang papalit kay Ms. Salud.”

“Ha?” kunwari ay nagulat kong reaksyon. Sa gilid ng aking mata ay nakita ko ang pagsimangot ng mga kasamahan doon.

“Oo. Kaya igayak mo na ang mga gamit mo. Pagkatapos ng lunch ay kay Ms. Salud kana magtungo.”

“S-sige,” tango ko. Patungo na sana ako sa aking pwesto nang pigilan ako ni Shine. Maang akong lumingon sa dalaga.

“Ano ‘yang mapula sa leeg mo?” pabulong nitong tanong na ikinalaki ng aking mga mata. Dali-dali kong inayos ang kuwelyo ng blouse na suot para ikubli iyon.

“Ah, eh . . .b-bka kagat lang ng langgam. Galing kasi ako sa labas kanina,” ang nauutal kong sagot. Tumango ang dalaga ngunit napansin ko ang matiim nitong titig sa aking leeg. Wala sa loob na kinapa ko ang pendant ng kwintas na suot.

“Okay. Anyway, ang ganda ng kwintas mo.”

“Salamat. B-binili ko ito no’ng nakaraang sahod,” muli kong pagsisinungaling.

Tinapik niya ako sa balikat bago bumalik sa table nito. Ako naman ay mariing pumikit. Mayamaya ay sinimulan ko na ang pag-aayos ng mga gamit. Naalala ko ang nakita ni Shine sa leeg ko kaya palihim kong kinuha ang salamin sa bag at tiningnan iyon. Ganoon na lang ang pamumula ko nang makita ang maliit na kiss mark doon.

Tsk! Hindi na talaga mauulit ang pakikipaghalikan ko kay Señorito! Sabi niya ay sa labi lang pero pati leeg ko ay idinamay nito.

Samuel

“Nandito ka lang pala!” bati ko kay Lileth nang maupo sa tabi nito. Kanina pa naglilibot ang sasakyan ko kahahanap dito pero nasa may tulay lang pala ito. Nakaupo ang dalagita roon at nakatanaw sa maruming ilog na tila may malalim na iniisip.

“Hinahanap niyo po ba ako? Wala naman tayong usapan ngayon, ah?” anito na saglit lamang akong binalingan.

“Nakalimutan mo na ba? ‘Di ba’t may negosyo tayo? Itatanong ko lang kung kailan ulit ako makakakuha ng yema? Marami na kasi akong inalok,” sabi ko.

“Ganoon po ba?” matamlay pa rin nitong tugon. “Ite-text ko na lang kayo kapag nakaluto si Tita Mirasol mamayang gabi.”

Naku! Baka malabong makaluto ang tita nito. Sinabihan ako ni Boss Yuan na may date sila kaya siya ang magda-drive ng kotse.

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon