Mirasol
Inuna muna namin ni Ate Moneth ang maghanap ng bahay na pwedeng rentahan. Si Kuya Jojo ang kausap ng mga Pulis sa presinto at wala pang balita buhat dito. Nakisuyo kami kay Grace na samahan muna si Lileth sa Ospital. Hindi naman namin pwedeng iwan sa kalsada ang mga gamit kaya nagpasya si Ate na maghanap muna ng bahay habang binabantayan ko ang mga iyon sa waiting shed. Mabuti na lang at may pera pa si Ate na natira. Kababayad ko lang sa enrollment kaya wala akong mai-abot dito.
Dahil sa kumalat na issue tungkol sa pagnanakaw ni Tonyo ay walang nais tumanggap sa amin kaya napilitan ang kapatid na sa ibang barangay maghanap. Nanatili ako sa waiting shed habang hinihintay ito at pinipigilan na mapaiyak muli. Pakiramdam ko kasi ay napaka-unfair na ng lahat ng nangyayari. Para bang walang tigil ang mga pagsubok kaya naiitanong ko na lang sa sarili kung may lugar pa ba sa amin ang kapayapaan? Giginhawa pa kaya ang buhay namin?
Ngunit ayokong ilugmok ang sarili sa kalungkutan. Dapat ay maging matatag ako tulad ni Ate Moneth. Umaasa pa rin ako na makakaahon din kami balang araw sa hirap na pinagdaraanan.
“Mirasol?”
Napalingon ako at nakita ang binatang si Mico na bumaba ng kaniyang sasakyan. Kumunot ang noo ko pagkakita rito. Kanina lang kami naghiwalay. Ano kaya ang ginagawa nito roon?
“Mico.”
“Ano’ng nangyari sa iyo? Bakit ang dami mong dalang gamit?” kunot ang noo na tanong nito.
“Ah, eh . . . Naghahanap pa kasi ang ate ko ng malilipatan. Kinailangan kasi naming umalis sa dati naming tirahan,” nahihiya kong paliwanag sa binata.
“Ganoon ba? Mabuti na lang at nakita kita ulit.” Tipid akong ngumiti sa lalaki. Nagtaka pa ako nang maupo ito sa aking tabi. “Samahan na muna kita. Delikado rito kapag ganitong oras. Baka bigla na lang may humablot ng mga gamit ninyo,” sabi pa niya.
“S-salamat. Baka naman maabala ka?”
“No. It’s okay.” ngiti nito. “Actually, magaan ang loob ko sa iyo. Siguro’y dahil wala akong kapatid. I always dream to have a sister pero hindi na nabuntis pa ang mommy ko, eh.”
Napatingin ako sa kausap. Likas ang pagiging friendly nito kaya siguro magaan din ang loob ko sa kaniya. Kahit kakakilala pa lang namin ay natagpuan ko ang sarili na nakikipagkwentuhan dito. Gumaan ang loob ko habang kausap siya at nasabi ko rito ang problemang kinakaharap.
“Naranasan rin namin ang ganiyan, Mirasol. Iyong parang pasan mo ang daigdig dahil sa bigat ng mga problema. Kaya nasisiguro ko na malalampasan n’yo rin ang mga iyan.”
Nakangiti akong sumang-ayon kay Mico. Hindi ko akalain na maririnig iyon sa tulad nito na halata namang mayaman. Siguro ay hindi pera ang naging problema ng pamilya nila dahil mukha namang marami sila niyon.
Dahil sa haba ng aming kwentuhan ay hindi namin namalayan ang oras.
“If ever na wala kayong malipatan ay may alam ako na pwede n’yong tuluyan.”
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. “Naku, salamat na lang, Mico. Nakakahiya sa iyo. Kakakilala lang natin.”
“Ayos lang iyon. Masaya ako na nakakatulong.”
Wala na akong masabi sa lalaki. Sobrang buti ng kalooban nito ngunit ayoko na samantalahin iyon lalo at hindi pa naman kami lubos na magkakilala.
“I need to go. Ingat ka, Mirasol. Don’t forget to call me in case na wala kayong matirahan, okay?”
“Salamat,” tango ko rito.
Pagkaalis nito ay siya namang paglapit ni Aling Coni sa akin. Pawisan ito at bahagyang humihingal.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...