Shine
Aaminin ko na desperada na akong maagaw si Yuan kay Mirasol. Kaya naman agad akong nagplano para maisakatuparan iyon. Kinuntsaba ko ang baguhang bellboy at binayaran ito nang malaki para tulungan ako sa gagawin.
Nang makatulog nga si Yuan dahil sa inihalo kong gamot sa inumin ay nagpatulong ako sa lalaki na madala ang binata sa kwarto. Ito rin ang naghubad ng kasuotan ni Yuan dahil hindi ko kaya. Pumasok lang ako nang masigurong okay na ang lahat.
Inabot ko ang buong bayad sa lalaki at natutuwa itong umalis doon. Pagkatapos ay saka ako lumapit sa kamang kinaroroonan ng walang malay na si Yuan. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko nang magtanggal ng lahat ng kasuotan. Pagkuwa’y dahan-dahan akong nahiga sa tabi ng pinakamamahal.
“Yuan, mahal na mahal kita! Alam kong hindi mo ako mapapatawad sa gagawin ko pero ang importante lang sa akin ngayon ay ang magkahiwalay kayo ni Mirasol. Hindi ako papayag na matuloy ang kasal ninyo!” mahina kong saad sa binata habang hinahaplos ang gwapo nitong mukha.
Mayamaya ay kinuha ko ang cellphone ko at nag-selfie kasama ang lalaki. Iba-ibang pose ang ginawa ko. Ang balak ko ay ipakita iyon kay Mirasol nang personal pagkauwi namin sa Pilipinas. Tiyak na makikipaghiwalay siya kay Yuan kapag nakita iyon.
Sobrang dami kong mga plano sa utak bago ako inantok at makatulog sa tabi ng binata. Nagising lang ako dahil sa malakas nitong pagyugyog sa aking balikat.
“Wake up, slut!”
“Yuan!” sambit ko sa pangalan ng lalaking kay talim ng titig sa akin ng mga oras na iyon. Saka ko lang naalala ang ginawa ko kaya kabado akong bumalikwas ng bangon.
“How dare you do this? Do you think na mapipikot mo ako just because of this sh*t?”
Inaasahan ko naman ang galit na iyon ng binata. Pero masakit pa rin talaga na marinig dito kung gaano nito isinusuka ang pagibig na iniaalay ko sa kanya. Sa kabila ng pag-amin ko ay hindi man lang iyon pinansin ni Yuan. Sa halip ay ipinamukha pa nito na si Mirasol ang mahal niya.
Kaya naman nang pumasok ito sa banyo para mag-ayos ng sarili ay tuluyan akong napaluha. Hindi madali ang magpakababa nang ganito para sa kanya. Pero dahil sa labis kong pagibig ay kinalimutan ko ang lahat ng magagandang pangaral ng magulang sa akin. Binalewala ko ang pagkakaibigan namin ni Mirasol pati na ang tiwala ni daddy sa akin. Umabot na ako sa ganito at hindi ako papayag na walang kapuntahan ang aking plano.
Natigilan ako sa pag-iyak nang kunin ang cellphone at makita ang text message ng ama.
Where are you? Wala ka sa suite mo? Magbihis ka na at pupuntahan ko si Yuan sa suite niya. Kanina pa siya sinundo ni Paolo pero hindi pa sila bumabalik hanggang ngayon. Inip na inip na ang kliyente natin!
Nagkaroon ako ng pag-asa sa nabasa. Kung ganoon ay paparito sila ni Tito Paolo. Nakadama ako ng pagtatalo ng loob. Wala sa plano ko ang magpahuli sa mga daddy namin. Ang nais ko lang ay palabasin kay Mirasol na may nangyari sa amin ng boyfriend niya. Ngunit hindi ko inaasahan ang magiging reaksyon ni Yuan. Harap-harapan pa akong binantaan ng binata. Kaya mas mabuti siguro na idamay ko ang mga magulang namin.
Napasulyap muna ako sa pinto ng banyong kinaroroonan ng binata bago huminga nang malalim saka dahan-dahang lumabas ng silid. Sa isip ay nagdarasal na sana ay umayon sa akin ang pagkakataon.
Pagkababa ko sa sala ay aksidente kong namataan ang larawan ng babaeng karibal. Nakapatong iyon sa table na kinaroroonan ng laptop ni Yuan. Wala sa loob na kinuha ko ang frame ay matiim na tinitigan.
“Mirasol, ngayon ko ipauubaya sa tadhana ang lahat. Kung talagang kayo ni Yuan ang nakatakda para sa isat-isa ay hindi kayo maghihiwalay dahil sa akin. Ngunit kapag umayon sa akin ang lahat ay isa lang ang ibig sabihin n’on—ako ang nakalaan sa kanya at hindi ikaw!”
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...