Chapter - 94

700 88 55
                                    

Moneth

Pagbalik namin ni Aaron sa bulwagan ay inihatid pa niya ako sa table namin bago lumapit sa daddy ni Trisha. Mag-isa na lang ako sa table kaya pasimple akong nagkunwaring nagse-cellphone. Nawala na sina Tonio at Grace. Hinanap ko ang dalawa sa mga nagsasayaw sa gitna pero wala ang mga ito. Sa halip ay si Samuel ang namataan ko roon na may kasayaw na isang sexy at magandang babae.

Iba rin! napapairap kong sabi sa isip. Mukhang model ang kasayaw ng kumag. Luwa rin ang dibdib at sobrang hakab sa katawan ang suot. Mukhang enjoy na enjoy ang damuho. Pabulong-bulong pa ito sa tainga ng babae na akala mo’y nakikipaglandian. Iniiwas ko na lang ang tingin bago pa ako mapansin ni Samuel. Baka isipin pa nito na pinanonood ko sila ng babae niya.

Nang may dumaang waiter ay humingi ako ng alak. Basta ko na lang iyon ininom at muntik pa akong masamid sa tapang ng nadampot ko. Ano bang klaseng inumin ito?

“A-ate Moneth, pwede ba kitang makausap?”

Nakita ko si Rina—este si Trisha, na nakatunghay sa akin. Nairita ako sa mukha ng babae pero tumango na lang ako kaya naupo na ito sa tabi ko.

“Matagal ko nang gustong kausapin ka, kaya lang ay nag-aalangan ako dahil alam kong masama pa rin ang loob mo sa akin,” saad ng dalaga.

Hindi lang masama ang loob ko sa kanya. Galit din ako! Dahil noong mga panahong wala kaming makapitan kun’di siya ay hindi niya kami pinuntahan. Namatay at namatay si nanay na hindi siya nito nakita. Pero aaminin kong hindi na ganoon katindi ang galit ko. Siguro’y dahil sobrang tagal na rin at napakarami nang nangyari. Ang gusto ko na lang ay mabuhay nang walang kinikimkim na sama ng loob kahit kanino. Kung si Aaron nga ay napatawad ko, bakit hindi si Rina?

“N-nung tumawag ka nagkataong nasa ospital din ang mommy ko. Pareho sila ni Tita Flor na nakikipaglaban sa sakit nila. God knows how I badly want to go there pero kailangan din kasi ako ni Mommy. P-pagbalik ko huli na ang lahat. Wala na si Tita Flor...” ang maluha-luha nitong paliwanag.

Medyo tinablan din ako at namasa ang aking mga mata. Pinalis ko agad ang nagbabantang luha roon saka humingi ulit ng alak sa waiter.

“Alam ko namang may dahilan ka,” sabi ko matapos tumikhim ng inumin. Papait yata nang papait ang nakukuha ko. “Sorry pero ang sakit lang talaga sa akin noong maiwan kami ni nanay. Hindi mo lang alam kung paanong hirap ang dinanas namin no’ng mawala siya. Pero mali ako nang ibunton ko sa iyo ang lahat ng sisi. Hindi mo kami responsibilidad—”

“Ate Moneth, mali ka. M-may responsibilidad ako sa inyo. Para ko na rin kayong mga kapatid. Naalala mo noong mga bata pa tayo? Nangako ako sa inyo na kapag yumaman ako—ibibili ko kayo ng bahay?”

Pareho kaming napaiyak sa alaalang iyon. Mabilis kong pinahid ng panyo ang luha ko. Para tuloy kaming tanga. Habang nagsasayaw ang mga bisita ay heto kami at umiiyak sa isang tabi.

“Nagawa mo naman ‘di ba? Ikaw ang bumawi sa bahay namin,” sabi ko.

“Oo nga. Pero parang kulang pa rin. Kasi wala na si Tita Flor nung gawin ko iyon.” Hinawakan pa nito ang isa kong kamay. “I’m so sorry. Gusto ko lang sabihin sa iyo na ako pa rin ito. Ako pa rin si Rina na nakasama n’yo noon sa iskwater.”

Nung niyakap niya ako ay hindi ako kumilos. Hinayaan ko lang siya. Kahit papaano ay nabawasan ang dalahin ko sa dibdib at batid ko na maging ito ay ganoon din. Ilang sandali pa kaming nagkwentuhan habang umiinom. Hindi ko lang akalain na sanay pala ito sa kahit na anong alak. Hilo na ako pero bago pa lang ito tinatablan.

“Maiwan na muna kita, ‘Te Moneth. Makikipagsayaw lang ako,” paalam nito mayamaya.

Muli akong napag-isa sa table. Nakita ko na lang si Rina o Trisha na may kasayaw na nga sa gitna. Kilala ko iyong kasayaw niya. Dinala na dati ni Mirasol sa amin. Patrick yata ang pangalan. Mayadong mahalay ang sayaw ng mga ito. Napailing tuloy ako. Uso na yata ang ganoon ngayon.

Hello Again, Mr. BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon