MIRASOL
Masaya akong naglalakad pauwi sa aming bahay dala ang bilao na pinaglagyan ng nilako kong gulay. Tiyak na matutuwa si Nanay dahil naubos agad iyon. Hindi kasi ito nakatinda sa palengke dahil nilagnat si Lileth kaya kailangan itong bantayang maigi ni Nanay dahil hindi maaring um-absent sa pinapasukang grocery store si Ate Moneth.
Malapit na ako sa amin nang mamataan ko si Vienna na nakatambay sa labas ng tindahan nila. Nang makita ako nito ay agad niya akong tinawag.
"Bakit?" lapit ko sa babae.
"Nag-enroll ka na ba para sa darating na pasukan?" nakangisi nitong tanong habang binibistahan ang aking dala. Kaklase ko kasi ito mula kinder sa public school na malapit lang doon.
"H-hindi pa, eh," nahihiya kong sagot.
"Tssk, baka naman hindi ka na mag-aaral. Dinig ko'y wala na raw trabaho ang nanay mo at ang dami n'yo pang utang sa tindahan namin," anito na lihim kong ikina-ngitngit. Kahit kailan talaga ay atribida ang kababata. Porket sila ang pinaka-nakaka-angat sa buhay sa lugar na iyon—akala mo ay sila lang ang anak ng Diyos. Ayoko lang itong patulan dahil talakera ang ina nito. Baka mapa-away na naman si Nanay tulad noon. Pinagbintangan kasi ako dati ni Vienna na nagnakaw ng mamahalin niyang lapis at isinumbong pa ako sa teacher namin. Syempre, hindi pumayag si Nanay na hindi malinis ang pangalan ko. Sa huli ay wala naman silang napatunayan. Napahiya tuloy si Aling Thelma sa Principal—ayun, hindi kami pinautang sa tindahan nang mahigit tatlong buwan.
"Huwag kang mag-alala, Vienna. Mag-aaral ako at magiging magka-klase pa rin tayo," nginitian ko pa kunwari ang dalagita. Ikinausok naman ng bumbunan nito ang aking sagot.
"Umalis ka na nga sa harapan ko! Amoy araw ka! Hmmp!" pasuplada pa niyang taboy. Sanay na ako sa ugali nito kaya kibit-balikat na lang akong lumayo.
Noon pa man ay mainit na ang dugo ni Vienna sa akin. Kahit ano ang gawin kong pakikitungo rito ay ayaw talaga niya sa akin. Bukod sa magkalaban kami sa pagka-Valedictorian ay wala na akong ibang maisip kung bakit ito galit na galit sa akin. Oh sadyang ganoon lang talaga ang ugali nito? Mana sa ina. Buti mabait ang tatay niya. Solong anak kasi ito kaya sunod sa luho. Dating seaman ang ama nito na si Mang Bert.
Pagkarating ko sa bahay ay naabutan ko naman doon si Riko. Kaklase rin namin na sa kabilang barangay nakatira.
"Buti at maaga ka, Mirasol. Kanina ka pa hinihintay ni Riko. May sasabihin yata," sabi ni Kuya Tonio.
"Pasensya kana, Riko. Naglako kasi ako ng gulay. Bakit ka pala narito?" tanong ko sa kaibigan at naupo sa katapat nitong bangko.
"Ah, nabalitaan ko kasi kay Grace na hindi ka pa nag-eenroll sa school. Baka gusto mong sumabay sa akin sa Lunes? Hindi pa rin kasi ako nakapag-enroll. Busy sa padyak, hehehe," kakamot-kamot na saad ng lalaki.
Tulad kasi namin ay kapos din sa buhay sina Riko at ang tiya Adel nito. Sila lang dalawa ang magkasama sa buhay dahil ulilang lubos ang binatilyo. Si Grace naman na matalik kong kaibigan ay gayon din. Mas doble pa sa amin ang kahirapan ng pamilya nito dahil marami siyang maliliit na kapatid. Buti na nga lang at nakakapag-aral pa kami sa tulong na rin ng mga gobyerno. Kaya pipilitin kong galingan sa klase para ako ang tanghaling Valedictorian.
"Sige, Riko. Magpapaalam ako kay Nanay. Salamat at may kasabay ako. Nakakahiya kasing mag-enroll 'pag late na," tugon ko.
"Dalawa tayo kaya hindi na nakakahiya!" Tumawa ito na sinabayan ko rin. Ewan ko ba pero bigla kong naalala si Señorito Yuan. Yung sinabi nito na pag-aaralin ako ng daddy niya. Naiisip ko kung natuloy iyon—malamang na hindi ako nag-aalala ngayon kung makakatapos ba o hindi sa pag-aaral.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...