Mirasol
Katatapos lang naming maghapunan nang may tumawag kay Tita Yuna sa telepono. Mayamaya ay nagulat pa kami nang bigla itong humagulgol ng iyak kaya agad kaming napalapit sa ginang.
“Sweetheart, bakit?” nagtatakang tanong ni Tito sa asawa.
“T-tumawag si Pauline. Isinugod daw sa ospital si Mico. Binaril siya ni Meggan!” patiling sagot ng mommy ni Yuan.
Tila kami naestatwa sa narinig. May bumikig sa aking lalamunan at bago ko pa napigil ang sarili ay nasapo ko ang dibdib na biglang nanikip.
“Pumunta tayo ro’n. Walang mag-aasikaso kay Mico,” ani Tito Paolo na siyang unang nakabawi sa amin.
Nataranta na ang mga ito sa pag-alis. Paglingon ko kay Yuan ay sobrang tahimik ng binata.
“H-hindi ka sasama?” tanong ko matapos pahirin ang luhang umalpas sa mga mata.
“Papunta na ro’n sina Mommy. Hindi na ako kailangan do’n,” ang walang emosyon nitong sagot.
Hinayaan ko na ang nobyo at saka sumunod sa mga magulang nito. Hindi naman niya ako pinigilan kaya nakahinga ako nang maluwag.
Habang byahe ay walang tigil ang pagiyak ni Tita Yuna. Kahit anong alo rito ng asawa ay hindi ito kumalma. Ako naman ay hindi malaman kung ano ang mararamdaman. Tila ako wala sa sarili habang papalapit sa ospital.
Pagdating doon ay halos takbuhin namin ang hallway patungo sa Emergency room. Naabutan namin ang naglulupasay na si Pauline. Alalay ito ni Xyren na sobrang lungkot ng mga sandaling iyon.
“Xyren! Anong lagay ni Mico?!” nag-aalalang tanong ni Tita pagkalapit namin.
“Hindi pa namin alam, Tita. Dalawa ang tama niya at isa roon ay sa dibdib!”
“Oh my God!”
Lumabas ang doktor at agad na hinanap ang relative ng pasyente. Lumapit naman ang mag-asawa rito.
“I need the relatives. Delikado ang gagawing operasyon sa pasyente. Malapit sa puso ang bala at kailangan namin ng consent nila,” sabi ng doctor.
“Doc, may sakit ang mommy niya. Kung ano man ang dapat ay gawin na ninyo mailigtas lang si Mico!” umiiyak na sabi ni Tita Yuna.
Napilitang tumango ang doctor. Mayamaya ay inilabas na sa ER si Mico upang dalhin sa operating room. Para akong itinulos sa pagkakatayo nang makita ang halos walang buhay nitong katawan na puno pa ng dugo.
“Kuya Mico!” humahagulgol na tawag ni Pauline nang lapitan ang kinahihigaang strencher bed ng binata. Agad naman itong pinigilan ng daddy niya.
Sumunod kami sa OR ngunit agad din iyong isinara. Ilang saglit ay muling lumabas ang doctor at sinabing kailangan ng dugo ni Mico. Mabuti na lang at pareho sila ng blood type ni Xyren. Wala itong pag-aalinlangan sa pagbibigay niyon sa kaibigan.
Habang inooperahan si Mico ay blangko ang utak ko. Si Pauline ay patuloy sa walang tigil na pagluha habang yakap ni Tito Paolo. Ilang oras tumagal ang operasyon at paglabas ng doctor ay agad niya kaming kinausap.
“Comatose ang pasyente. Kung hindi siya magigising within 24 hours ay hindi namin maisasagawa ang pangalawang operasyon. It can lead to death so let’s pray na magkaroon na siya ng malay.”
Sa narinig ay bumuhos lalo ang luha ni Pauline. Maging si Tita Yuna ay napahagulgol na rin. Tulala naman ako sa narinig pagkuwa’y dahan-dahan akong sumilip sa salaming bintana ng operating room. Inalis na ang takip na kurtina roon kaya kitang-kita ko ang nakahigang katawan ni Mico.
BINABASA MO ANG
Hello Again, Mr. Billionaire
RomanceMatinding paghahangad ang naramdaman ni Yuan para kay Mirasol sa una pa lamang nilang pagkikita. Ang hindi makontrol na pagnanasa ng binata para dito ang naging dahilan ng kanilang pagkakalayo. Sa muli nilang pagkikita ay ginawa niya ang lahat para...