Hi. Tawagin nyo na lamang ako sa pangalang Mike. Di ko alam kung paano sisimulan pero sana maniwala kayo sa lahat ng nilalaman ng kwento ko.
Isa akong special person. Not physically or mentally. Espesyal ako dahil sa may kakayahan ako na masasabi natin na hindi normal sa mundong ito. Hindi ko talaga kontrolado eto kaya naman di ko rin masabi kung kailan eto gagana ulit. May kakayahan ako na makita ang nakaraan, in a different way. Nakikita ko ng buo ang nakaraan ng isang lugar na parang nanonood ako ng isang lumang penikula or nagbabackward ang oras sa paligid ko. Bumabalik lang ako sa katinuan pag ginugulo ako ng mga kaibigan ko na nasa paligid ko lang.
Ayon sa mga kaibigan ko ay lagi akong natutulala at di mapakali at yun ay tugma sa kung anong nararamdaman ko sa mga oras na bumabalik ang paningin ko sa nakaraan. Kaya masasabi ko rin na ako lang ang nakakakita ng mga ilusyon na ginagawa ng mga mata ko. Pero may isang tao na tunay na nakakaalam sa kakayahan ko at itatago ko na lamang siya sa pangalang Monique. Sobrang curious siya sa kakayahan ko at lagi niya na lang akong kinukulit na gamitin ko daw ito sa kahit saang lugar na gusto niya.
Minsan nga pumunta kami sa isang zoo. Pinilit niya ako na gamitin ang ability ko. Sa kabutihang palad ay gumana at nakita ko na lang ang sarili ko na nakatingin sa isang Spinosaurus na tumatakbo papalapit sa akin. Nagsinungaling ako sa kanya noong araw na iyon at sinabi ko na napunta ako sa panahon na ginagawa ang zoo.
Weird diba? Di ko makontrol kung kailan gagana at kung saan ako mapupunta. At ang mas weird ay naniniwala si Monique sa akin. Pero may isang pagkakataon na di ko talaga malilimutan. Dito sa araw na ito talagang gumana ng matindi ang kapangyarihan ko.
Ang araw ay May 15, 2000. Dahil sa bakasyon ay naisipan namin ni Monique na magbakasyon sa liblib na baryo nila sa Zambales. Nakakarelax ang malawak na tanawin na puno ng mga taniman at ibat ibang puno. Sabi ko nga sa sarili ko ay mapapawi ang pagod namin dulot ng stress sa kolehiyo. Pinatuloy ako ni Monique sa bahay nila. Isang malaiking bahay na ibang iba sa mga bahay sa baryo na iyon. Sabagay, anak si Monique ng kasalukuyang mayor ng baryo na ito at nagmamay ari din ng mga taniman kaya inaasahan ko ang ganito. Sinalubong kami ng nanay at tatay niya. At pinaghanda kami ng maraming pagkain, siguro dahil na rin sa matagal ng di bumabalik si Monique sa probinsya niya. Ako naman ay nahihiya.
Iginala ako ni Monique sa bukirin nila. At nakakataba ng puso ang mga masasayang pagbati ng mga magsasaka at mga tao. Napansin ko na malapit talaga si Monique sa mga taong ito. Sabi niya sa akin, tinuruan siya ng kanyang ina na maging mapagkumbaba sa kahit kanino. Ano man ang estado nito sa buhay.
May 16, 2000. Mag-isa ko na nilibot ang buong taniman dahil sa busy si Monique sa paghahanda ng mga pagkain para sa mga magsasaka nila. Dahil sa sobrang pagod ay naisipan ko na maupo muna sa isang bangko na nalililiman ng puno. Mula dito ay kitang kita ko ang tatay ni Monique, mag isa na naglalakad sa bukirin at binabati rin ng mga tao. Pero may napansin akong kakaiba.,, Parang malamig ang pakikitungo ng mga magsasaka kay mayor. Dahil siguro sa boss nila ito at manggagawa lamang sila. Takot siguro sila.
May 17, 2000. Eto na ang araw na di ko malilimutan. Inimbita ako ni Monique na samahan siya sa isang lugar at eto ay ang isang kakaibang lugar. Malawak ito at halos walang kadamo damo, at parang binabakuran ng mga nagtataasang mga talahib. Kapansin pansin din ang isang lumang krus na kahoy na nakatusok sa gitna. Napansin ko rin na naging seryoso si Monique. Kanina lang ay masaya kaming nagkwekwentuhan pero bigla na lamang etong nagbago. At doon ko na lang nalaman na gusto pala ni Monique ang kapangyarihan ko sa lugar na ito. Sinabi ko sa kanya na hindi ko kaya pero biglang tumaas ang kanyang boses at pinilit na gamitin ang kakayahan ko.
Wala na akong magawa ng mga oras na iyon at nararamdaman ko na may kakaiba kay Monique. Kaya kahit hindi ko alam kung paano paganahin ang kakayahan ko ay pinilit ko pa rin. Pumikit ako ng isang minuto sa pagbabakasakaling gumana.
Isang minutong katahimikan.
Dahan dahan akong dumilat at nanibago ako sa aking mga nakita. Nandoon pa rin ako sa lugar pero nagkalat ang mga tao sa paligid ko at lahat sila ay nakatali ang paa at kamay. Bata, matanda, babae, lalake. At nakasuot sila ng di ko mawari na kasuotan. Parang isang tribo ang nakikita ko. Hindi ko maintindihan ang lenggwahe nila pero bakas sa kanila ang matinding takot. May mga umiiyak at parang nagmamakaawa ang ilan sa kanila. At doon ko napansin ang mga taong may hawak na matataas na kalibre ng baril. Mas nagulat ako nang makita ko ang isang pamilyar na persona na kasama ang mga lalake. Hindi ako nagkakamal., Siya ang tatay ni Monique. Mas bata siya ng 20 years kumpara sa unang kita ko sa kanya.
Nakaluhod sa harap niya ang isang taga tribo. Pero mas kakaiba ang suot nito. Siya ata ang pinuno dahil sa mas magarbo ang suot niya kumpara sa ibang nakatali. Napansin ko rin ang ibang mga katribo niyang mga lalake na nakahandusay sa lupa at duguan. Sila siguro ang mga mandirigma at dahil doon ay unti unti kong naintindihan ang mga nangyayari.
""Kung umalis na lang sana kayo, edi sana di na hahantong sa ganito ang lahat."" Parinig ng tatay ni Monique sa pinuno ng tribo na mukang hindi siya naintindihan pero bakas ang matinding galit sa mga mata nito. At sa isang iglap ay bumunot ng baril ang tatay ni Monique at mabilis na binaril sa ulo ang pinuno ng tribo na siya namang kinagulat ng iba pa. Tumumba na ito sa lupa pero binigyan pa ito ng tatlo pang putok ng baril. Humarap siya sa mga alagad niya at hindi ko makakalimutan ang mga sinabi niya sa mga ito.
""Mga kapatid. Gawin nyo na ang lahat ng gusto nyong gawin! Tapos na ang misyon natin at magkakaroon na ng panibagong baryo na isusunod sa pangalan ko! Magsaya kayo at ilibing sa lupa ang mga bangkay pagkatapos!....
Siguraduhin na walang makakaalam sa lahat ng ito.""
At umalis eto sa lugar. Kasunod naman nito ay ang mala demonyong ngiti ng mga lalake. Inihiwalay nila ang lahat ng lalakeng taga tribo at lahat ng mga ito ay tinadtad nila ng bala. Bata man o matanda ay patay. Hindi ko na nasikmura ang iba pa nilang ginawa sa mga babaeng inihiwalay nila. Hindi makatao. Ang gusto ko na lang ay makawala sa napakasamang bangungot na iyon at sana makalimutan na lamang ang lahat. Pumikit ulit ako at hindi dumidilat hanggat hindi nawawala ang mga nakakaawang sigaw ng mga babae na nilalapastangan nila. Ilang minuto pa...
Ilang minuto pa ay humupa ang mga sigaw. Nanaig ulit ang katahimikan kaya dahan dahan ulit akong dumilat. At bumungad sa akin si Monique na may seryosong tingin sa akin. Tinanong niya ako kung ano ang mga nakita ko sa nakaraan na iyon. Pero ayokong magsalita, ayokong sabihin sa kanya dahil baka kalimutan na niya ang pagkakaibigan namin at masaktan siya or hindi siya maniwala sa lahat ng mga nakita ko. Yumuko na lang ako at umiyak dahil sa natrauma ako sa lahat ng aking nasaksihan at di ko na alam ang gagawin. Ngunit nagulat ako sa mga sinabi niya...
""Alam ko ang lahat. Alam ko ang lahat ng nangyari sa lugar na ito at si ama ang may gawa diba? Kailangan ko ng kasiguraduhan mula sa iyo dahil sa hindi ako naniniwala sa mga kwento nila. Pero maraming salamat Mike. Ngayon di na ako mabubuhay sa kasinungalingan.""
At nakita ko siya na umiiyak. Kasiguraduhan na may alam siya sa lahat ng mga nakita mo. Napagdesisyunan namin na wag na sabihin pa ang tungkol sa insidenteng iyon pero nakokonsensya ako. Hanggang kailan ko ba dapat itago ang katotohanan?
Matryoshcka
