This is a very typical love story.
Siguro ayaw nyo ng ituloy basahin kasi intro palang talagang nakakabored na. Kasi nga naman Spookify ito, tapos magkukwento ako ng love story? Pero gusto ko lang ishare yung naging karanasan namin ng gf ko.
Itago nalang natin siya sa pangalang "Yanyan". Siya yung tipo ng babae na hindi pangkaraniwan. Mahilig siya sa mga weird stuffs. Mahilig din siyang mag-isip ng kung ano anong theory tungkol sa kung paano nabuo ang mundo at kung nasa tamang planeta ba kami, o may kasama ba tayo sa Earth at kung ano ano pa. Ang weird db? Natatandaan ko pa nga yung kwento nya dati, may isang theory daw. Hindi ko alam kung ano pangalan basta ang pagkakatanda ko, may millions of galaxies daw ang meron tayo. I mean kunware merong 'ikaw' dito sa Earth, meron ding 'ikaw' sa ibang planeta. Nabasa nya raw ito sa isang post. Tapos kinukwento niya pa ang mga movies na ang weweird. Last movie na napanood naming dalawa is yung Mr. Nobody. Bored na bored ako dun sa kwento pero siya halos araw-araw yun na ang bukambibig niya.
Nagpatuloy pa lahat ng kaweirduhan niya. Sabagay ganun din naman talaga siya nung una palang. Minsan nakukwento din niya na maraming multo sa kanila. Yung buntis daw na asawa ng kapatid nya natulog sa bahay nila. Alas dos na daw nun, pero biglang nagising yung buntis ,si Ate Dang. Ang pwesto kasi nung kama nila, yung uluhan ang magkaharap. So kung titignan ni ate Dang si yanyan patingala. Ninerbyos daw ito ng sobra tsaka pinawisan ng butil butil ng may nakitang napakalaking lalaki, nakadungaw kay Yanyan, sobrang laki daw nito kailangan pang yumuko siya. Gigisingin daw dapat ni ate Dang si Yanyan noon pero laking gulat daw nito ng sakanya naman tumingin yung lalaking kahigante ang laki. Di na daw makagalaw si ate Dang. Maya- maya pa'y unti-unti daw na sumasakit ang tiyan ni Ate, sobrang sakit daw, pero pinilit nalang niyang pumikit at matulog. Pero talagang masakit daw kaya napasigaw siya sa sakit. Nakita daw niyang ngumiti ang mukha nito. Bumaligtad daw si ate ng pwesto, tapos nawala na ito ng tignan niya. Sakto namang bumukas ang pinto, pumasok ang mga magulang nila dahil sa sigaw ng ate niya.
Pagkatapos nun, lagi pa ring nakakakita si Ate Dang ng iba't-ibang elemento sa bahay nila. Dinaan nalang daw sa dasal.
Katulad ng ibang relasyon, nag-aaway din kami. Nakailang closure na kami pero di natutuloy. Pero yung huling try na closure, natuloy na talaga. Dun ako nadurog. Sobrang durog.
Pumunta siya ng bahay para makipag-ayos sana, kaso pinilit ko na hindi na talaga healthy ang relasyon namin. Ilang oras kaming nagsisigawan. Ganun tlaga eh, I have issues, she got her own issues. Hanggang sa point na nasabi kong "Sige! Gawin mo gusto mo, bukas yung pinto para sayo! Bukas palagi yan, ikaw na bahala sa buhay mo!"
Lumabas siya ng bahay.
Pagkalabas niya, iyak ako ng iyak, hanggang sa makatulog na ako. Bumukas ng kaunti ang mata ko, saka ako napangiti ng maramdaman kong may tumabi at yumakap sa akin. Nalingat lang ako, nagpatuloy ako sa pagtulog dahil alam kong saakin parin siya, bumalik siya. Humimbing ulit ang tulog ko dahil nakayakap siya dibdib ko. Amoy na amoy ko pa ang bango ng buhok nya.
Ilang oras din akong nakatulog. Nang biglang nagising ako dahil sa lakas ng kalabog mula sa labas ng kwarto, wala na rin si Yanyan sa tabi ko. Naisip ko, napaka-clumsy talaga ng taong yun, nadulas siguro.
Pero ilang ulit pa, kumakalampag talaga kaya tumayo nako, inis na inis kong binuksan ang pinto. Tapos nakita ko yung kapit-bahay namin, si Mang Junjun, duguan. Hinatak ako palabas ng bahay, madaming nagtitipon na tao, nakapaikot.
Si Yanyan nakahandusay sa daan.
Ngayon, iniisip ko. Kung totoo man yung sinabi ni Yanyan sa akin na may millions of galaxies nga, tangina hahanapin ko yung planetang nagdesisyon na wag nalang sabihin na "bukas yung pinto" para sana hindi siya lumabas ng bahay, at patakbong umiiyak tsaka nasagi ng sasakyan.
Marami pang nangyari pagkatapos nyan. Pero sa susunod na confession nalang muna. Masakit na masakit na kasi.
Gelo
Somewhere in the PH
