Hindi ko ito karanasan buti na lang. Kwento ito ng mama ko.
Namamasukan si Mama mula pa nung bata ako, lagi akong kasama dahil single parent siya at dahil nga dalawa lang kami pumapayag ang mga nagiging amo niya na isama ako.
Grade three ako noon. Sa Quezon City kami, sa Bagong Pag-asa. Dun kami nag-stay ng apat na taon. At sa apat na taon na yun, andaming nangyari kay Mama. Sa sobrang dami, pasalamat na lang talaga ako at di ko minana ang third eye niya dahil baka nasa mental na ako.
May history ang bahay, tapunan daw iyon ng mga salvage victim noon. Apat na palapag, maganda, light yellow.. Ewan ko na lang ngayon.
1. Minsan, nagulat na lang kami noon nang pawis na pawis na bumaba si Mama galing fourth floor, doon siya namamalantsa. Gabi na nun at sabi niya may sumisitsit sa kanya sa terrace. Nung una, hindi niya pinapansin dahil akala niya anak yun ng amo namin, mahilig kaseng mang-good time yun. Pero paulit ulit daw. Kinabahan na daw siya nung napatingin siya sa terrace. May anino ng lalaki, nakatayo daw at nakaharap sa kanya. Hindi yun ang anak ng amo namin. Kaya dali dali siyang bumaba. Ako at ang anak ng amo naming lalaki ang naabutan niya sa first floor since doon ang kwarto namin.
2. Mga ilang araw pagkatapos noon, nagkasakit si Mama. Magkatabi kami noon sa kama, double deck kase yon, sa taas natutulog si Ate Sally na kasamahan din niya. Kinabukasan, naikwento na lang niya na may babaeng nakabelo ng itim sa paanan niya. Nakaupo lang naman daw, kinausap na nga daw niya at pilit niyang hinihila yung belo para makita yung mukha nung babae.
3. Meron pa, naalimpungatan si Mama noon dahil akala niya gising pa ako at nanonood sa labas pero katabi naman pala niya ako. Naka-on yung TV pati na rin yung radyo, sisilipin na sana kung sinong nasa labas pero nung pag ikot niya sa higaan may babae sa pinto. White lady, nakalutang sa ere. Sa sobrang takot daw ni Mama noon, pinilit niya akong gisingin, pero di ako nagising. Bigla na lang din daw nawala yung babae.
4. Ito ang pinaka naaalala ko dahil in some way involve ako. Well, konti lang naman. Tandang tanda ko pa, Grade IV ako noon. May bagong namasukan sa amo namin, si Ate Jessa. Maganda siya, mahinhin at napaka-tahimik. Pati tawa niya parang siya lang nakakarinig, haha. Pero mabait siya, kasundo naming lahat. Late na namin nalaman na kaya siya napadpad sa QC ay dahil pinagtataguan niya yung Uncle niya. Pinagsamantalahan siya at sa kasamaang palad, nabuntis siya. At ang masaklap na noon, sundalo ang boyfriend niya that time.
So nung umaga, bago ako pumasok, inutusan ako ni Ate Sally na gisingin si Ate Jessa dahil natutulog pa. Eh ako namang sutil, hindi ko ginising at pumunta na ko ng school. Pag-uwi ko, dun na ako nagulat sa mga kwento nila Mama at Ate. Sinapian si Ate Jessa nung araw na yun. Sa sobrang lakas daw niya, hindi kaya nina Mama kaya nagtawag ng mga kapit bahay, buti na lang at maraming lalaking nakatambay noon sa basketball court. Pinilit nilang isinakay sa tricycle at dinala sa albularyo. Kung saan banda yun, hindi ko alam. Kung anu ano daw pinahid nina Mama habang nasa trik para kumalma o tumino pero walang epekto yung holy water, pati Bible daw ay nagawa niyang punitin. Nung nasa albularyo sila, doon nila nalaman na dalawa ang sumapi sa kanya. Babae at lalaki. Siguro yung lalaki ay yung nagpakita kay Mama sa terrace, yung babae, ewan ko lang. Nagawa namang paalisin sa katawa niya yung mga masamang espiritu, pero nung nahimasmasan si Ate Jessa, wala siyang maalala.
Maaaring magduda kayo kung totoo ang kwento ko, pero nasa inyo na yan. Hindi ako takot sa multo dahil mas takot ako sa taong buhay.
Madami pang pangyayari sa bahay na yun. Kahit mga bisita minumulto kahit hindi gabi. Yung mga multong nanggagaya? Totoo sila. Kaya kalaunan noon, kapag may bisita at nagkwento, hindi na kami nagugulat.
Nung nabili ang bahay, yung maids room ang bukod tanging hindi napabasbasan. Yun ang sabi ng may ari noon. Kaya siguro madalas, sa kwarto namin sila nagpapakita.
Buti na lang talaga at hindi namamana ang third eye.
NPA.
La Union.
