"December 2005(Binago ko lahat ng pangalan at sa aking perspective ang pagkasalaysay. Ito ang kwento ko.)
Nakakasulasok na amoy ang bumungad samin ng mga kasama ko. Bulok na isda - laman loob, hasang, buto at balat ang nagkalat. Kasalukuyan kaming nasa Home Economics (HE) Room nung mga panahong yun nililinis ang kalat na naiwan ng naunang nagcamping sa amin 3 araw na ang lumipas. Nilinis ang lugar bago mag-umpisa ang camping.
Isa nga pala ako sa mamamahala sa schoolwide camp na gaganapin, ang First Red Cross Youth Camp ng aming eskwelahan.
Nag-umpisa na ang camp at ngayon ay nasa pangalawang araw na. Masaya ang lahat sa mga activities na hinanda. Dumating ang hapon at kailangan ko na pumunta sa Home Economics Room kung saan ako nakatalaga sa araw na yun upang magluto.
At dito ko unang nakaranas ng kababalaghan kasama ang iba.
Kasama ko si Mae upang pumunta sa HE room para ihanda lahat. Pagkapasok namin ng HE room may napansin kami dumaan sa likod papasok sa nakakandadong kwarto katabi lang ng HE room. Napalingon ako ky Mae at siya din sakin.
""Igi si Maam Yonnie ba yun?""
""Ata? tara katukin natin hiram tayo ng kutsilyo para mamaya.""""Maam Yonnie! Maam Yonnie!"" paulit ulit kami ng pagkatok. Nakailang tawag pa kami pero walang sumagot.
Pinuntahan namin ang guard upang tanungin at tanging ngiti lang ang sinagot niya.
Ngiting alam namin na may ibang ibig sabihin.
Ngunit dahil madami pa kaming gagawin ay binalewala muna namin. Pagpasok na alas sais ay bumalik na kami pero mas marami. Kasama ko na si Jane at bestfriend niyang si Dina, bestfriends kong si Mae at Inno, pati isa pa naming kaibigan na si Nikko.
Si Nikko at Inno ay nagsasaing samantalang kami ni Mae, Dina at Jane naman naglilinis ng isda at naghihiwa ng mga sibuyas, luya at sili na gagamitin sa kinilaw na iuulam namin at ng ibang campers maya-maya.
Dun na nagsimula ang mga kababalaghan.
Kung tama pagkaalala ko, nagkakandila lang kami sa loob ng HE room at malapit lang ito sa isang poste sa kanto kaya hindi naman kadiliman. Pero tila iba ang paligid ng gabing iyon. Ang kadiliman ay tila unti-unti kaming pibapalibutan at ramdam namin ang kakaibang bigat ng paligid. Ang aming mga usapan at tawanan ay unti-unting humihina dahil sa nararamdaman ng lahat.
Nung una ay ikinibit balikat lang namin to at tahimik na pinagpatuloy ang ginagawa. Pero bigla nalang kumanta ng mga praising songs si Mae. Unti-unti sumasabay nadin ako at iba. At sa bawat pagkanta namin ay tila lumiliwanag na ulit ang paligid.
May mga panahon na nauubusan kami ng kakantahin o hindi alam ng iba ang kanta kaya napapatahimik at tila dumidilim na naman. Ng biglang...
*whooshhh*
Bumukas ang gripo na nasa likod ko.
Rinig na rinig namin lahat ang pagbagsak ng tubig mula sa nabuksang gripo.
Lahat ay natakot.
Dali kong binitawan ang kutsilyo na ginagamit ko sa paghiwa at sinara ang gripo. Si Dina ay namumutla na at naiiyak na kasama si Jane. Pilit nalang akong ngumiti at tinuloy namin ang pagkanta ng praising songs at nilakasan pa.
Lumipas ang ilang saglit ay bumukas na naman ang gripo.
Ramdam ko na ang takot ng lahat. Sinara ko ulit ang gripo at nagmadali na kami sa aming ginagawa.
Kung sakaling maluwang lang ito kaya nagbukas eh bakit namin nasasara siya ng maayos at nahihigpitan ko padin ng sara?
Nung matapos ang sinaing ay napagdesisyunan namin na sa may stage nalang kami gagawa kasi takot na takot na ang lahat.
Habang papalabas ay biglang nilakasan ni Nikko boses niya at sinabi ""Aalis na kami ha iyong-iyo na ulit tong HE room.""
Biglang kaming nakaramdam lahat na parang may kakaibang puwersa.
Lahat ay natakot na ng sobra at nagsitakbuhan. Sa sobrang takot ni Nikko ay mag-isa niyang nabitbit ang napakalaking kaldero na puno ng bagong saing. May narinig din ako na boses na di maintindihan. Isa lang ang alam ko at nararamdaman ko sa boses na yun - galit.
Namumutla kami lahat. Ang mga babae ay umiiyak at iba hirap sa paghinga sa pagkaripas namin ng takbo. Lahat takot. Lahat tulala.
Dahil sa nangyari ay kinausap kami ng head namin na si Kuya Gino. Napag-isipan niyang mag-usap nalang ang lahat na parang isang open forum para madivert ang takot namin. Lahat ay nag-uusap at nagpapasa ako ng papel ky Mae na kasalukuyang malayo sakin sa circle namin.
Naantala bigla ang usapan dahil sa biglang paghagulgol ni Dina. Yun pala binasa niya ang papel na pinasa ko. Dun sa papel na yun nilagay ko ang nakita ko.
Na nakita din pala niya.
Ito ang kaunaunahang pagkakataon na may nakita siyang multo. Una kasi ay inakala niyang guni-guni lang ang lahat. Kaya dahil dun ay bigla siyang napaiyak muli sa takot. Tinigil ni Kuya Dino ang activity at kinausap na kami. Dun ko pinaliwanag lahat mula sa unang naramdaman namin ni Mae hanggang sa nakita ko sa tabi ng puno sa likod ng gripo tuwing sinasara ko ito hanggang sa nakita kong nakatayo dun sa harap ng HE nung nagsitakbuhan na kami. Oo, may nakita ako. At hindi lang pala ako ang nakakita. Pati si Mae ay kinumpirma na pareho kaming tatlo ni Dina ng nakita.
Isang lalaki. Nakaputi lahat pero may kung anong parang maitim na mantsa sa may bandang kaliwang hita niya pababa sa may tuhod.
Matapos ang lahat ng usapan ay kumalma na kami ng nalabas na namin mga di namin nasabi. Humihikbi padin si Dina pero okay na sa kabuuan.
Natapos na ang nangyari at dun namin naalala ang posibleng dahilan ng galit ng multo doon - ang isda. Kung inyong naalala ay madumi at nakakasulasok ang amoy ng HE nung aming nadatnan bago magcamping. Nung gabing nagparamdam din ito ay gagawa din sana kami ng kinilaw. Marahil ayaw ng nakatira dun ang ginagawa namin dahil akala nito ay mag-iiwan uli kami ng dumi doon. Lahat ay sumang-ayon.
Nagkumpulan ulit kami sa labas yakap ang mga unan at kumot bago pumunta sa tutulugan. Tumatawa na akala tapos na ang lahat lahat.
Akala lang pala namin.
May napansin akong kakaiba - sa aming grupo sa side ko ay biglang nainitan at nagsitanggalan ng coat, habang ang nasa harap namin biglang gininaw ng sobra yung iba bigla pang nagtaklob ng kumot na dala nila...
THE END
(PS wala na nangyari samin after na tlagang nakkatakot pero alam ng lahat na may iba pang nagpaparamdam sa paligid.)"
TheOtherSideOfTheMirror
Misamis Occidental
