Chapter 60: Masasamang Balita

25 8 0
                                    


Kinabukasan matapos ang araw ng paglisan nina Beth at Janine patungo sa Asylum. Agad na tinawag ni Master Nok si Karla para pag-usapan ang mahalagang bagay...

"Kung ganon isa ng malaking awakening field ang Metro City?" Reaksyon ni Karla matapos marinig ang kwento ni Master Nok.

"Base sa nakaraang meeting, hindi lang ang Metro City kundi ang iba't iba pang lugar sa mundo, at gumagawa na ng aksyon ang mga Spirit Masters para solusyunan ito." Sagot ni Master Nok.

"...at mukhang kailangan na rin nating magmadali." Dugtong ni Karla

Dinampot ni Master Nok ang isang remote control na nasa mesa at ginamit iyon upang buksan ang monitor na nasa kanyang opisina...

- - - - -

Kasalukuyan namang nakatayo at nanonood sina Giel at Lean ng telebisyon sa ibang bahagi ng FAT at nakatutok sila sa balita patungkol sa mga naganap sa Metro City noong nakaraang gabi...

"Masyado atang magulo ang siyudad na 'yan." Reaksyon ni Giel sa napapanood

Seryoso naman si Lean sa panonood bago sinabing...

"Masama ang kutob ko..."

"Huh?" Pagtataka ni Giel

"Hindi ko alam, pero may kakaiba..." Sagot ni Lean

Biglaan namang pumasok ang mga kasama ni Master Nok na dumating sa FAT, sina Cjay, Erryel, at Daniel at sumabat sa usapan...

"Talagang may kakaiba dyan..." Pambungad ng babaeng si Erryel

"Pwedeng sabihing pangkaraniwan sa mundo ang mga krimen pero ang biglang pagdami ng krimen sa isang lugar na pare-parehong walang dahilan..." Dugtong ni Daniel

"Dahilan?" Tanong ni Lean

Si Cjay naman ang sumagot sa tanong ni Lean...

"May mga nagnanakaw para makakain, o pumapatay para maghiganti. Pero ang pumatay at manakit ng walang malinaw na motibo... Hindi ba't mas nakakatakot?"

Biglang napasara ang mga kamao ni Giel sa gigil sa narinig...

"Mga diyablo na naman ba?" Tanong ni Giel

Humihinga ng malalim si Erryel bago sinagot ang tanong ni Giel...

"Sana nga, mas magiging madali ito kung mga diyablo lang ang kalaban."

Ang sagot na iyon ni Erryel ang higit na gumulat kina Lean at Giel at iyon din ang nagbigay sa kanila ng kutob...

"Ito ba ang dahilan kaya kayo dinala dito ni Master Nok?" Tanong ni Lean

- - - - -

Matapos mapanood ang video ng mga balita patungkol sa Metro City sa nakaraang dalawang linggo ay lalong nabahala si Karla...

"B-bakit walang ginagawa ang gobyerno?" Tanong ni Karla

"Ano bang inaasahan mong gagawin ng gobyerno bukod sa pag-iimbestiga sa mga naganap? Natural lang para sa mga pulis na tignan ang mga naganap bilang pangkaraniwang krimen." Sagot ni Master Nok

"Tsk." Ekspresyo ni Karla

Kinalampag bigla ni Master Nok ang mesa upang kunin ang atensyon ni Karla...

"Kumalma ka."

Tila nagising si Karla sa ginawa ni Master Nok...

"Kailangan mong panatilihing maliwanag ang isip mo. Sa puntong ito, malamang ay may iilan ng mga taong nakagagawa ng mga kakaibang bagay dahil sa pag-gising ng kanilang spirito. Iyan ang konsepto ng awakening." Paliwanag ni Master Nok

"Nagkakaroon ng awakening sa mga tao dahil sa pagtaas ng spiritual na aktibidad sa isang lugar... ibig sabihin..." Sabi ni Karla

"Mismo! Kailangan nating malaman kung anong aktibidad ang nagiging sanhi ng awakening, pigilan iyon, at kasabay noon ay sagipin ang mga tao..." Paliwanag ni Master Nok

"Sagipin?" Paglilinaw ni Karla

"Ang mga napanood mo kaninang malagim na pangyayari, hindi lang iyon sanhi ng awakening... may elementong nagsasamantala sa sitwasyong nagaganap. Kalaban na ginigising ang galit, inggit, at iba pang mga masasamang bagay na nasa loob ng mga taong iyan para gamitin sila..." Paliwanag ni Master Nok

"Hindi na natin pwedeng patagalin ang aksyon. Ngayon alam ko na kung bakit sinama mo dito yung tatlo." Sabi ni Karla

"Sa loob ng pitong araw ay halos 80 porsyento na ng Metro City ang magigising sa kung anu-anong kapangyarihang hindi nila maiintindihan. Kasabay noon, sa paglipas ng pitong araw, maaring mangalahati ang populasyon ng siyudad dahil sa mga kaguluhang magaganap..." Babala ni Master Nok

"Kung ganon..." Bago pa matapos ni Karla ang sasabihin ay dinugtungan na ito ni Master Nok...

"Kikilos tayo tatlong araw mula ngayon."

- - - - -

Sa kusina naman ay naghahanda sina Luisa, Amabii, Russel ng makakain habang si Miko ay nakatungaga lamang sa lamesa...

"Matagal pa ba yan???" Tanong ni Miko na mukhang gutom na gutom

"Hay nako kuya, kahit maluto na 'to, hindi ka pwedeng mauna dahil sabay-sabay tayong kakain." Sagot ni Amabii

"Waaah! Eh bakit siya?!" Tanong ni Miko sabay turo kay Russel na nasa isang sulok na kinakain ang kanilang inihahandang ulam...

"Hoy!" Pagsaway ni Amabii sabay pingot sa tainga ni Russel

"Arayy... tinitikman ko lang naman po kung masarap." Pangangatwiran ni Russel

"Ako rin patikim!" Sabi ni Miko sabay lapit para kumuha ng ulam pero agad namang pinalo ni Amabii ang kamay niya...

"Sinabi nang...!" Sigaw ni Amabii

Nakatawa lamang si Luisa sa eksenang nakikita sa mga kaibigan habang nagpupunas siya ng mga kubyertos na gagamitin. Bigla naman niyang napansin na dumaan si Karla, seryoso ang mukha at ni hindi man lang sila nagawang batiin...

"Ate!" Sabi ni Luisa sabay habol kay Karla

"Mauna na kayong kumain." Sagot ni Karla na hindi man lang nilingon si Luisa

- - - - -

Sa basement ng isang gusali na nasa Metro City ay abala si Dr. Mujin sa isang eksperimento. Isang nilalang na may kulay asul na balat, piring sa mga mata, at puting buhok naman ang nanonood sa kanyang ginagawa...

"Kaunting panahon na lang..." Bulong ni Dr. Mujin

"Nasasabik na akong makita kung mayroong mga taong maaring pakinabangan sa siyudad na ito. Kapag nakuha na natin sila ay gamitin natin 'yan para tapusin ang lahat ng walang pakinabang..." Utos ng nilalang na kasama ni Dr. Mujin

Humalakhak naman si Dr. Mujin sa narinig at sinabing...

"Matagal ng walang pakinabang ang mga tao. Nga pala... kailangan ko ng isang tao na pwedeng maging test subject para dito. Isang taong malakas at kayang tumagal sa labanan." Naglakad na paalis ang kausap ni Dr. Mujin ngunit bago tuluyang makalabas ng kwarto ay ibinato nito ang sagot...

"Ilang araw mula ngayon darating ang hinahanap mo."

Pagkasabi noon ay lalong humalakhak ang tawa ni Dr. Mujin...

Habang naglalakad naman sa madidilim na pasilyo ng gusali matapos kausapin si Dr. Mujin ay naglabas ng masamang enerhiya ang nilalang na may kulay asul na balat, piring sa mga mata, at puting buhok... at sa kanyang mga kamay ay nabuo ang isang plawta...

"Ako si Venoch at oras na ulit ng pagtugtog!"


[Itutuloy...]


The Ministry will be on a break and will resume on January 7, 2018 with a double chapter release!

The MinistryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon